31.8 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Napolcom, suportado ang pagpapalakas sa PNP Air Unit

- Advertisement -
- Advertisement -

SA pagdiriwang ng ika-57 anibersaryo ng pagkakatatag ng Philippine National Police (PNP) Air Unit, buong suporta ang ipinahayag ng National Police Commission (Napolcom) para sa pagpapahusay ng kakayahan ng yunit upang higit pang mapagsilbihan ang publiko at mapanatili ang pambansang seguridad.

Ipinahayag ni Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan, na dumalo sa nasabing selebrasyon, ang pagtutok ng Komisyon sa pagpapalakas ng PNP Air Unit. Tiniyak niya sa mga opisyal at tauhan na handa ang Napolcom na magpasa ng isang pormal na resolusyon kung kinakailangan, upang suportahan ang modernisasyon at mga operasyonal na pangangailangan ng yunit.

“Mahalaga ang ginagampanang papel ng PNP Air Unit sa mabilisang deployment, aerial surveillance, disaster response, at search and rescue operations. Panahon na upang isaalang-alang ang pag-angat ng PNP Air Unit bilang isang ganap na national support unit,” ani Calinisan.

Binigyang-diin niya na ang pagpapalakas sa mga kakayahan sa lohistika at operasyon ng yunit ay mahalaga upang matugunan ang lumalawak na pangangailangan sa pagpapatupad ng batas, lalo na sa panahon ng mga kalamidad at kritikal na misyon sa seguridad.

Ang mungkahi na itaas ang antas ng PNP Air Unit bilang national support unit ay magbibigay rito ng mas malawak na pondo, estratehikong abot, at mas matibay na mandato sa loob ng organisasyon ng PNP.

Sa higit limang dekadang tapat na serbisyo ng PNP Air Unit, ang mensahe ni Calinisan ay tinanggap ng may pasasalamat at pag-asa ng mga opisyal, na lalo pang nagpatingkad sa mahalagang papel ng air support sa pagtupad ng kabuuang misyon ng PNP.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -