NOONG 1997 nagkaroon ng isang tratadong nilagdaan ng mga bansa sa Kyoto, Japan na tinawag na Kyoto Protocol. Ang layunin ng tratado ay bawasan ng mga bansa ang pagbubuga nila ng greenhouse gas (GHG) bilang tugon sa pagpigil sa pagtaas ng temperatura ng mundo at sa pagbabago ng klima. May 37 bansang mauunlad at ang European Union ay nangakong babawasan ang kanilang pagbubuga ng GHG mula 2006 hanggang 2012 nang 5% na mas mababa sa ibinuga nila noong 1990. Ang mga bansang papaunlad kasama ang China at India ay pinayagang hindi magbigay ng legal na pangako ng pagbabawas ng greenhouse gas dahil sa bigat ng isasakripisyo sa kanilang ekonomiya at mga mamamayan.
Bilang pagtalima sa Kyoto Protocol nagpatupad ang mga mauunlad na bansa ng buwis sa polusyon sa mga produktong prinodyus kasabay ang pagbuga ng malawak greenhouse gas. Ang layunin ng buwis ay mabawasan ang pagbubuga ng maruming usok sa pagprodyus ng mga produkto. Ang buwis sa polusyon ay naglalayon ding isaloob ng mga kompanya ang panlipunang gastos sa kanilang pagbubuga ng greenhouse gas. Ang buwis sa polusyon ay magpapataas sa presyo ng mga produkto na nauuwi sa pagbaba ng demand sa produktong prinodyus na may malalawak na pagbuga ng maruruming usok. Dahil sa pagbaba ng demand sa mga produktong nabanggit nababawasan ang antas ng GHG na ibinubuga ng mga bansa na naaayon sa ipinangako nila sa Kyoto Protocol.
Ang target ng pagbabawas ng GHG ng isang bansa ay hindi ganap na natutupad bunga ng mga epekto ng buwis sa polusyon. Maraming papaunlad na bansa na hindi kasama sa Kyoto Protocol ay may maluluwang na patakaran sa pagbubuga ng greenhouse gas. Dahil dito maraming mga kompanya sa mga mauunlad na bansa na nagpapatupad ng buwis sa polusyon ay naglipatan sa mga bansang papaunlad upang maiwasan ang pagbabayad ng buwis sa polusyon. Dahil dito, liliit ang antas ng pagbabawas ng pagbubuga ng GHG ng mga bansang may legal na pangako sa Kyoto Protocol at tataas naman ang pagbubuga ng maruruming usok ng mga bansang papaunlad.
Ang ikalawang problema ay ang paghina ng pagiging kompetitibo ng mga produktong pinatawan ng buwis sa polusyon. Ang isang bansang nagpapatupad ng buwis sa polusyon ay maaaring umangkat ng mga produkto sa mga papaunlad bansa na hindi pinatawan ng buwis sa polusyon kaya’t nakapapasok ang mga ito sa mga mauunlad na bansa na mas mura. Sa ganitong sitwasyon nagiging relatibong mahal ang mga produktong gawa sa loob ng bansa dahil sa buwis sa polusyon. Sa pagluluwas naman, humihina rin ang pagiging kompetitio ng mga produktong pinatawan ng buwis sa polusyon dahil magiging mahal ang mga ito sa pagpasok sa ibang bansa bilang export na walang buwis sa polusyon.
Upang matugunan ang dalawang problemang ito, nagpatupad ang mga bansang may pangako sa Kyoto Protocol ng border tax adjustment (BTA). Maiiwasan ang paglilipat sa ibang bansa ng mga kompanya dahil papatawan ng BTA ang mga produkto nilang iluluwas sa mga bansang nagpapatupad ng buwis sa polusyon. Kaya’t nawawalan sila ng insentibong maglipatan sa mga bansang hindi sakop ng Kyoto Protocol. Ikalawa, pinagpapantay ng BTA ang larangan ng kompetisyon dahil ang mga inaangkat na produkto at local na produkto ay parehong nakararanas ng buwis sa polusyon. Ang mga produktong iniluluwas ng mga bansang nagpapatupad ng buwis sa polusyon ay binibigyan ng export rebate o balik buwis upang maging kompetitibo ang kanilang export sa mga bansang walang buwis sa polusyon.
Maraming papaunlad na bansa ang nagrereklamo sa pagpapatupad ng BTA ng mga mauunlad na bansa na may pangako sa Kyoto Protocol.
Una, ginagamit ang kalakalang global upang maging instrumento sa paglilinis ng kapaligiran. Ang BTA ay nagsisilbing bagong taripa na humahadlang sa malayang kalakalan. Ang balik buwis sa mga produktong iniluluwas ay nagsisilbing export subsidy dahil ang tunay na gastos sa produksiyon ay hindi isinasama. Ang mga ganitong patakaran ay maaaring taliwas sa isinasaad ng mga prinsipyo ng World Trade Organization (WTO) tungo sa malayang kalakalan.
Ikalawa, ang BTA ay nagsisilbing sapilitang pagbibigay ng pangako sa Kyoto Protocol ng mga papaunlad na bansa. Ang mga papaunlad na mga bansa ay hindi isinama sa Kyoto Protocol dahil sa laki ng isasakripisyo nila kung isasama sila sa tratado. Sa pamamagitan ng BTA pinipilit ang mga papaunlad na bansa na isaloob ang mga panlipunang gastos sa pagbubuga ng greenhouse gas. Hindi inisalang alang ng BTA ang malawak na sakripisyo sa empleyo at kita ng nabawasang produksiyon sa mga papaunlad ng bansa bunga ng pagpapataw ng border tax adjustment.
Samakatuwid, ang BTA ay hindi optimal sa pagsugpo ng pagkakalat ng GHG dahil sa napakalaking sakripisyo nito hindi lamang sa kalakalan ngunit sa empleyo at kita ng mga mamamayan. Marahil hindi ang paghihigpit sa kalakalan ang susi sa pagsugpo ng pagbubuga ng greenhouse gas.

