KAHIT hindi siya magiging miyembro ng majority bloc sa Senado, mananatiling aktibo pa rin si Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa paglaban sa “pork barrel” at ibang iregularidad sa budget – kabilang ang panukalang budget para sa 2026.
Ani Lacson, na kilala bilang tagabantay ng kaban ng bayan, makikilahok siya sa mga pagdinig sa komite at mga debate sa plenaryo tungkol sa panukalang budget.
“Hindi ko iiwanan ang aking tungkulin lalo na sa pagbantay ng national budget,” giit niya sa panayam sa True FM.
Ani Lacson, sa mayorya man siya o sa menorya, sinita na niya at minsan pa ay pinatanggal ang kwestyonableng alokasyon sa budget.
Kabilang dito ang “Tulong Dunong” education scholarships na pinamumudmod ng mambabatas; ang hiling ng Department of Public Works and Highways para sa right-of-way budget kahit may bilyon-bilyon pa ito para rito na hindi pa nagastos; at ang flood control project allocations kung saang bilyon-bilyong piso ang napunta sa maliit na barangay at maliit na bayan.
Balak ni Lacson na gisahin ang mga opisyal na may kinalaman sa mga flood control project sa maliit na barangay sa Oriental Mindoro na nakatanggap ng P1.9 bilyon, at isang maliit na bayan sa parehong probinsya na nakakuha ng P10 bilyon.
Kabilang ang Oriental Mindoro sa mga lugar na apektado ng baha dulot ng Severe Tropical Storm Crising at habagat.
“Sa akin tama na ang put them on notice may nakikialam na may nag-aaral na may nakukuhang datos na tatanungin kayo,” ani Lacson.
Iginiit muli ni Lacson na dapat gising ang publiko at hindi pumayag sa pagsingit ng pondo sa budget dahil ito ang dugong buhay ng bansa.
Muling naghain si Lacson ng panukala para makilahok ang civil society groups sa paghubog ng budget, kabilang ang bicameral conference committee.
“It’s about time magising tayong lahat, bantayin natin ang ating national budget kasi ito ang lifeline ng ating ekonomiya if not the country itself,” ani Lacson.
Aniya, kada taon nagkakaroon ng malaking hindi nagamit na appropriations na pwede sanang gamitin sa imprastraktura at pangkabuhayan para lumakas ang ekonomiya. Nguni’t hindi ito nagastos dahil ang mga ahensyang mag-iimplementa nito ay walang alam tungkol dito.
“Ang magkausap lang congressman at contractor niya. O kausap niya sarili niya kasi contractor siya,” ani Lacson.



