NOONG Hulyo 20-22, 2025 ay nagsagawa ng working visit ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Estados Unidos upang pag-usapan ang ugnayan ng dalawang bansa lalong lalo na ang balak ng Pangulong Donald Trump na patawan ng 20% taripa ang mga produktong inaangkat ng Estados Unidos mula sa Pilipinas. Kasama ng Pangulong Marcos sa pagbisita sina Secretary Maria Theresa Lazaro ng DFI, Secretaty Gilberto Teodoro ng DND, Secretary Christina Roque ng DTI, National Security Adviser Eduardo Año, Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez, at Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go.
Ang napagkasunduan matapos ang tatlong araw na pagbisita ay ang pagbaba sa taripa sa 19% sa mga produktong iniluluwas ng Pilipinas sa Estados Unidos mula sa planong 20 porsiyento. Kapalit nito ang Pilipinas ay inaasahang magpataw ng zero na taripa sa mga inaangkat nito mula sa Estados Unidos. Parang hindi pantay ang palitan ng konsesyon sa kalakalan. Ito ba ay kusang inialay ng Pilipinas o pinilit lang ito?
Kung ito ay kusang inialay ng Pilipinas bakit gustong magsakripisyo nang malaki ng ating bansa sa kanyang pakikipagkalakalan sa Estados Unidos? Noong 2021 ayon sa Tariff Commission ng Pilipinas ang ating Most-Favored-Nation (MFN) na taripa na ipinapataw ibinibigay natin sa mga produktong inaangkat mula kapwa miyembro ng World Trade Organization (WTO) kasama na ang Estados Unidos ay umabot sa 7.7 porsiyento. Samakatuwid, ang mga produktong inaangkat natin mula sa Estados Unidos ay may average na 7.7% na taripa. Di hamak na malaking kitang buwis ang isasakripisyo ng Pilipinas sa pagpasok ng mga produkto mula sa Estados Unidos nang walang taripa ayon sa itinatag na Philippine-US Trade Agreement (PH-US TA). Bakit ganito na lamang ang pagtanggap natin sa malaking sakripisyo?
Sa aking palagay napilitan din si Pangulong Marcos na tanggapin ang alok ni Pangulong Trump na magtatag ng PH-US TA dahil kung hindi tayo papayag may malaking implikasyon ito sa ating pangako sa WTO sa pagpapataw ng taripa ayon sa MFN. Kung hindi tayo papayag sa isang PH-US TA ang zero tariff rate na ibinigay natin sa Estados Unidos ay dapat ibigay din natin sa lahat ng miyembro ng WTO. Ito ay alinsunod sa prinsipyo ng walang pagtatangi. Mas malaking sakripisyo ang papasanin ng pamahalaan ng Pilipinas kung hindi tayo papayag sa pagtatatag ng PH-US TA. Sumang-ayon tayo sa isang trade agreement sa Estados Unidos dahil hindi sakop ng prinsipyo ng walang pagtatangi ang mga preferential tariff sa ilalim ng mga regional trading arrangement.
Para bang hindi pinaghandaan ng delegasyon ng Pilipinas ang pakikipag-usap sa delegasyon ng Estados Unidos dahil tanggap lang tayo ng tanggap sa mga kagustuhan ni Pangulong Trump. Sa palagay ko ang gusto lamang ng Pilipinas ay maibaba ang taripa. Hindi naging handa ang delegasyon ni Pangulong Marcos sa mga kabig ni Pangulong Trump. Hindi handa ang delegasyon ng Pilipinas dahil ang pagtatatag ng isang free trade agreement ay hindi napagkakasunduan sa tatlong araw na pagbisita. Maraming taon na diskusyon at negosasyon ang inilalaan dito mula sa iba’t ibang sector na maaapektuhan ng isang free trade agreement. Ang negosyasyon sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ay nilagdaan noong 2020 matapos ang halos walong taong negosasyon. Ang Senado ng Pilipinas ay nagbigay ng ratipiskayon sa RCEP noong 2023. Kadalasan ang isang trade agreement ay itinuturing isang tratado sa Pilipinas at kailangan ng isang ratipikasyon ng Senado.
Dapat pinaghandaan ng delegasyon ng Pilipinas ang tusong negosyador and mambabraso ni Pangulong Trump. Bakit minadali ang pagdalaw ng Pangulo? Kung hindi tayo nagmadali na makakuha ng mababang taripa sa mga produktong iniluluwas natin sa Estados Unidos magiging status quo ang mangyayari. Magbabayad tayo ng 20% taripa sa iniluluwas natin sa US ngunit mapapatawan pa rin natin ng taripa ang mga inaangkat sa US ayon sa taripa ng MFN. Dagdag pa rito, wala ring trade agreement ay ipipilit sa atin ng Estados Unidos.
Kung ang PH-US TA ay isa ngang trade agreement sino ang huhubog sa mga patakaran sa pangangapital, intellectural property, kalakalan sa mga serbisyo, kalakalan sa agrikultura, movement of natural persons, at dispute settlement? Dahil hindi natin pinaghandaan ito baka ang Estados Unidos ang gumawa ng mga ito.
Sino ba ng nagpayo sa Pangulong Marcos na magmadaling pumunta sa Estados Unidos? Katakataka kung bakit wala sa delegasyon at diskusyon sina Secretary Arsenio Balisacan ng DEPDev at Secretary Ralph Recto ng DFI dahil may sasabi sila tungkol sa mga implikasyon ng PH-US TA at pagpapataw ng zero tariff rate sa mga inaangkat natin sa Estados Unidos sa kitang buwis ng pamahalaan at pagsulong ne ekonomiya.
Para bang pinilit lamang sa atin ang PH-US TA ng Estados Unidos. Kung ito ang mapatutunayan baka hindi ito makakuha ng ratipikasyon mula sa Senado at baka tanggihan pa ito ng Korte Suprema.

