32.3 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Wakas ng kahambugan ng mga Duterte

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Katapusang Bahagi

ANG Unang Bahagi ng seryeng ito ay nagpakita sa maginoong katapangan ni Philippine National Police Chief (PNP) General Nicolas Torre III na tumanggap sa lumabas sa media na hamon ng suntukan ng higit na nakababatang Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte, anak ng dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte.

Maliwanag na ang hamon ng anak ni Digong ay bugso ng damdaming makaganti. Si General Torre ang umaresto kay Digong at ura-uradang nagpapalipad dito sa The Hague upang doon ikulong ng International Criminal Court (ICC); nakademanda sa korte ang dating pangulo ng “crime against humanity” dahil sa libu-libong extrajudicial killings kaugnay ng kanyang war on drugs.

Sa charity boxing match na inorganisa ng heneral upang tanggapin ang hamon, hindi nagpakita si Baste. At si General Torre ang ipinahayag na nagwagi.

At iyon ang sa tingin ng kolum na ito ang larawan ng wakas ng kahambugan ng mga Duterte — wakas  na naisakatuparan ni General Torre.


Kung bakit kaalinsabay ng charity boxing match, sumabog ang balita na idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte.

Na para bang ang ibig ipahiwatig ay: “Huwag kang kasiguro, General.

Mas malaking kahambugan pa ang kakabakahin mo.”

Sa loob ng anim na buwan mula Pebrero 5, 2025, matiyagang nag-abang ang buong bansa sa pagsisimula ng impeachment trial ni Sara. Nasabi na nga natin na hindi na mahalaga kung mangyari nga ang inaasahan na abswelto si Sara sa kaso dahil mas marami siyang kakampi sa mga senador na siyang maghuhusga.

- Advertisement -

Gusto lang marinig ng bayan ang mga ebidensya at pagkatapos noon ay nasa kanilang mga kamay na ang pagpapasya.

Sukat ba namang walang kaabug-abog, heto ang Korte Suprema, idedeklarang unconstitutional ang impeachment ni Sara.

Biglang-bigla, tapos na ang lahat. Wala nang maraming usapan pa, libre na si Sara.

Sa masa ng sambayanan na pakiramdam ay pinagtakluban ng langit at lupa, wala nang magagawa kundi ang ngumanga: “Anyare?”

 

Sa nakaraang dalawang kolum, pinilit nating ihanap ng paliwanag kung bakit nagkamali ang Korte Suprema sa kanyang desisyon. Halimbawa, sa ilalim ng sagradong doktrina ng checks and balances, magkakapantay ang Ehekutibo, Lehislatibo at Hudikatura at samakatuwid mali para sa Korte Suprema na pakialaman ang isang bagay — ang  impeachment — na  isang kapangyarihang eksklusibong ipinagkakaloob ng Konstitusyon sa Kongreso.

- Advertisement -

Iba’t-ibang pananaw, ng mga iskolar at eksperto sa batas, karamihan kumokontra sa Korte Suprema, subalit sa kaduluduluhan ng mga argumento ay pawang nagpapayo na tanggapin ang katotohanan na ang Korte Suprema ang ultimong tagapaghusga (final arbiter).

“Abogado ako,” ani Senate President Chiz Escudero. “Gustuhin ko man o hindi, kailangang sundin ang Korte Suprema dahil kung hindi baka ang itawag sa atin ay Banana Republic.”

Ganun?

E, kung puntuhin ko ito sayo?

Sa basbas mo, ibinalik (remand) sa Kamara de Representantes ang articles of impeachment ni Sara upang pasertipikahan kung ito ay di lumabag sa one-year bar rule. Laking swerte mo naman na iyung-iyon mismo ang ruling ng Korte Suprema: Labag sa one-year bar rule ang impeachment ni Sara.

Bayan! Makinig!

Ang isda raw ay nahuhuli sa bibig.

Sa bibig ni Escudero ko unang narinig ang tungkol sa one-year bar rule. Iyun ang hiningi niyang sertipikahan ng Kamara na hindi nilabag ng articles of impeachment laban kay Sara.

At iyon ang pangunahing argumento ng Korte Suprema sa paghatol na ang articles of impeachment laban kay Sara ay unconstitutional.

Anak ng pweh!

Sasabihin mo, kailangang sundin ang utos ng Korte Suprema at kung hindi ang itatawag sa Pilipinas ay Banana Republic.

E, sa mga kilos mo pa lang halatang-halata na — na  ang iyong sinusunod sa usapin ng impeachment ni Sara ay ang Banana Republic ng Korte Suprema!

Naririto ang tunay na larawan.

Sa 15 Justices ng Korte Suprema na nagpalabas ng hatol, labindalawa  (Chief Justice Alexander Gesmundo,  Paul Hernando, Amy Lazaro-Javier, Henri Jean Paul Inting, Rodil Zalameda, Samuel Gaerlan, Ricardo Rosario, Jhosep Lopez, Japar Dimaampao, Midas Marquez, Antonio Kho Jr., at  Filomena Singh) ay pawang mga appointee ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte. Iisa lamang ang appointed ni Bongbong, si Justice Raul Villanueva; ang dalawa pa ay appointed naman ng namayapang Pangulo Benigno Aquino III, sina Benjamin Caguioa  at Marvic M.V.F. Leonen, ang ponente ng hatol.

Ngayon bayan, hindi ko sinasabi na maaga pa ay alam na ni Escudero na lutong Macau na ang lahat. Kakain na lang siya. Kaya hiningi niya at ibinigay naman ng Korte Suprema.

May iba pa bang maaasahan?

Sa mundo na kinukubabaw ng mga Duterte, lulusot ba ang articles of impeachment laban kay Sara?

Bastarduhin na kung babastarduhin ang Saligang Batas.

Ang mahalaga, ligtas ang prinsesa.

Unconstitutional ang articles of impeachment laban kay Sara!

Nagsimula ang seryeng ito bilang pagpupugay sa ginawang kabayanihan ni PNP Chief General Nicolas Torre na wakasan ang kahambugan ni Baste Duterte.

Papaanong ang tagumpay ng personal na pakikibakang iyun ng Heneral ay sa huli tumutungo ngayon sa paglalantad sa kakilakilabot na kahalimawan ng Diktadurya ng Korte Suprema?

Galit ang sambayanan. Maliwanag na binastardo ultimong ang kahulugan ng Saligang Batas upang isalba si Sara Duterte. Nagbabanta ang malawakang pag-aalsa.

Mahalagang pansinin na sa namumuong unos pumagitna na ang ATOM, ang August Twenty One Movement. Ito ang kilusan na bagama’t sa panimulang kilos sa kanto ng Epifanio de los Santos Avenue at Aurora Boulevard ay kakapiranggot nang gabing iyun ng Pebrero 22, 1986 ay umunos sa dalawang milyon na People Power na nagpabagsak kay Presidente Ferdinand E. Marcos pagdating ng Pebrero 26.

Namamayagpag ang kahambugan ng mga Duterte. Sa deretsong pagtupad sa tungkulin, isa-isang nilansag ito ni General Torre.

Simula sa determinadong pagsaliksik sa 30-ektaryang kalupaan ng Kingdom of Jesus Christ upang sa wakas ay pasukuin si Pastor Apollo Quiboloy, tungo sa henyosong pag-aresto kay Digong at pagpapalipad dito upang makulong sa The Hague, Netherlands, at nitong kamakailan lamang na di-pagsipot ni Baste sa kanilang sagupaan sa Rizal Stadium, matapang na ginutay-gutay ng Heneral ang kahambugan ng mga Duterte.

Ngayong nalantad na ang ultimong yabang ng mga Duterte ay ang mismong Korte Suprema, titiklop ba si General Torre o tatapatan niya ang paglulundag sa tuwa ng noon ay Philippine Constabulary (PC) Chief General Fidel V. Ramos oras na mabalitang si Marcos ay lumipad na papuntang Hawaii?

Katumbas ng PC Chief noon ay ang PNP Chief ngayon.

Tunay ngang inuulit-ulit lamang ng kasaysayan ang sarili.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -