26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Jinggoy, naghain ng 295 panukalang batas sa unang dalawang linggo ng 20th Congress

- Advertisement -
- Advertisement -

NAKAPAGHAIN ng 295 panukalang batas si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada sa unang dalawang linggo ng kasalukuyang 20th Congress, isang patunay ng kanyang matatag na paninindigan na isulong ang mga kinakailangang reporma na direktang makikinabang ang karaniwang Filipino.

“Maraming kailangang reporma na matagal nang hinihintay ng ating mga kababayan. Lahat ng panukalang inihain ko ay may layuning maghatid ng tunay na pagbabago na mararamdaman ng masang Pilipino,” ani Estrada.

“Layon natin hindi lamang ang makapaghain ng mga panukalang batas kundi tiyaking may kabuluhan ang mga ito — mga  batas na mag-aangat sa mga komunidad, magtatanggol sa karapatan, at maghahanda sa bansa para sa mga hamon sa hinaharap,” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga pangunahing panukalang batas na inihain ni Estrada ay ang National Anti-Doping Policy sa larangan ng sports at pagsasaayos ng mga insentibo para sa mga atletang may kapansanan na umani ng medalya sa mga pandaigdigang kompetisyon; ang nursing scholarship at return service program, pati na rin ang legal education scholarship program para sa mga karapat-dapat na estudyante; ang panukalang nagpapalawak ng libreng legal assistance sa mahihirap; paglikha ng Board of Claims sa ilalim ng Department of Justice upang bigyan ng kompensasyon ang mga biktima ng maling pagkakakulong, gayundin ang mga biktima ng mararahas na krimen.

Naglatag din si Estrada ng mga makabuluhan at makabagong panukala gaya ng “Baby River Law” na magsisiguro sa healthcare at wastong pangangalaga sa mga nakakulong na buntis at breastfeeding na ina; amyenda sa Safe Spaces Act upang isama ang “grooming” bilang isang krimen at palakasin ang probisyon laban sa online sexual harassment gamit ang AI at iba pang bagong teknolohiya; panukalang palakasin ang batas laban sa pagmamalupit sa hayop; at panukala laban sa fake news sa pamamagitan ng pagsasama ng media at information literacy sa basic education curriculum.

Kabilang din sa iba pang mahahalagang panukala ang Freedom of Information Act; ang Counter Foreign Interference Act upang protektahan ang mga institusyon at soberanya mula sa dayuhang panghihimasok; ang No Homework Law na nagbabawal ng takdang-aralin para sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 12; libreng tirahan sa mga public school teachers sa mga liblib na lugar; priority seating para sa mga nakatatanda sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon; pagpapalawak ng saklaw ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Republic Act No. 10931 para maglaan ng pondo para sa mga mahihirap na estudyanteng nais mag-aral sa pribadong institusyon; one-time na P5,000 cash grant para sa fresh graduates bilang tulong sa pag-aaplay at pagsisimula sa trabaho; Anti-Red Tagging Act; at panukalang nag-aalis ng parusang pagkakakulong sa mga kasong libelo na kinasasangkutan ng community journalists, publications, or broadcast stations.

Kasama rin sa mga inihain niyang panukala ang dagdag na P100 sahod para sa mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor; pinalawak na social pension para sa senior citizens; mas maayos na health benefits para sa uniformed personnel; mas mahusay na proteksyon para sa OFWs; at mga programang magpapatibay sa lokal na industriya at pallia ng trabaho.

“Hindi lang ito basta mga panukala sa papel – ito ay mga solusyon sa mga problemang kinakaharap ng karaniwang Pilipino araw-araw,” diin ni Estrada.

Ayon sa Senate leader, ang mabilis na paghahain ng mga panukalang batas ay unang hakbang lamang at siya ay nakatuon na bantayan at itulak ang mga ito hanggang maging batas.

“Sisiguraduhin natin na matututukan at maipapasa ang mga ito at sisiguraduhin natin na may saysay ang bawat isa at hindi lang nakatengga sa papel,” ani Estrada.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -