31.8 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Paunang pahayag ni Sen Hontiveros sa hearing ng Committee on National Defense

- Advertisement -
- Advertisement -

MAGANDANG umaga po. Bago tayo mapunta sa mahabang listahan ng mga uri ng drones, pati itong tinatawag nilang IMSI catcher, at kung anu-ano pang gamit, para sa akin, ang hearing na ito ay hindi lamang tungkol sa gadgets at teknolohiya.

Higit sa kagamitan, ito ay tungkol sa sapat na pondo, kapasidad, koordinasyon, pananagutan, kasama na ang maayos na vetting sa mga organisasyong ukol sa pambansang seguridad, at syempre, ang pagbabantay sa kapakanan ng ating mga kababayan.

Given that, I would like to bring to your attention several red flags, na sunod-sunod at nakakabahala:

Una, sa kalupaan. Tingnan natin yung bitbit ng mga Chinese nationals na naaresto malapit sa Malacañang, US Embassy, Camp Aguinaldo/Camp Crame, at Villamor Air base. May Chinese national na naarestong bitbit ang IMSI catcher, na ginagamit pang intercept ng mobile phone traffic. Mayroon ding nahulihan ng Lidar sensors, na may triple-camera set-up at navigational satellite system para sa topographic mapping.

Sa karagatan naman, may mga drone at solar powered CCTV, may deploy-and-forget underwater drones, bukod pa sa acoustic sensors at sat com na nasamsam ng awtoridad, again mula nanaman sa mga Chinese nationals. Mayroon ding mga nahulihan ng terrain maps na tanaw ang ating mga mahahalagang base.

At sa atin namang mga institusyon, may mga Chinese nationals rin na nakapasok sa PCG Auxiliary noong mga nakaraang taon, senyales na dapat ayusin ang screening at vetting sa kanilang roster. Isa na nga dyan, yung napabalita ngayong linggo na si Joseph Sy, na nabigyan pa ng ranggo na Auxiliary Commodore.

Of course, there is also the threat posed by foreign, coordinated disinformation and malign influence operations- na dapat nating aksyunan habang nirerespeto ang karapatan sa pamamahayag ng mamamayan.

Dear colleagues, ang soberanya natin, hindi lang nakasukat sa teritoryo. Nasa pag-aalaga rin natin sa integridad at dangal ng ating mga institusyon, proseso, at pati papeles.

Talakayin natin ngayong umaga, sa pangunguna ni Chair, kung paano natin magagawa iyan sa pamamagitan nitong ating pagbusisi sa mga nakasalang na Anti-Espionage legislation nina Sen. Ping at iba pa naming mga colleagues. Salamat po.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -