HINIKAYAT ni Senador Win Gatchalian ang Department of Budget and Management (DBM) na pagbutihin ang preparasyon ng National Expenditure Program (NEP) at higpitan ang pagbusisi sa mga kuwestiyonableng proyektong nakapaloob dito. Ang NEP ang panukalang spending plan ng ehekutibo na nagsisilbing batayan para sa General Appropriations Act o national budget sa loob ng isang taon.
Sa ikalawang araw ng briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado hinggil sa 2026 budget, napag-alaman ni Gatchalian na hindi nabubusisi nang maigi ng DBM ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil raw sa “special nature” ng mga ito.
“Iyang special nature na ‘yan ang nagiging source ng corruption. Ni walang feasibility study at kaya may round numbers sa line items dahil walang detailed engineering design dahil kung meron nito, magbibigay ito ng eksaktong halaga ng bawat proyekto,” sabi ni Gatchalian.
Dagdag pa ng senador, kung nasuring maigi lang sana ng DBM ang “red flags” sa budget proposal ng DPWH sa NEP, sana’y naiwasan ang mga proyektong may anomalya. Kasama sa mga red flags na ito ang mga magkakaparehong proyekto na may magkakapareho ring halaga. Red flag rin ang mga proyekto na nasa 2025 NEP at muling lumabas sa 2026 NEP.
“May pananagutan kayo sa NEP. Dinadala ninyo sa Kongreso ang proposed budget ng walang maayos na pagkilatis at lumalagpas sa pagbusisi ninyo,” diretsahang sinabi ng mambabatas kay Budget Secretary Amenah Pangandaman sa briefing.



