PABOR si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na umupo sa deliberasyon ng bicameral conference committee para magwardyahan ang pag-usad ng panukalang national budget sa susunod na taon, kung mabibigyan ng pagkakataon at awtorisasyon ng Kongreso.

Ito ang naging pahayag ng Kalihim matapos imungkahi ni Senador Rodante Marcoleta na umupo si Sec. Amenah sa bicam proceedings para maiwasan ang aniya’y mga adjustment sa panukalang budget na hindi na naisasapubliko bago ito mapirmahan bilang General Appropriations Act.
“May mga adjustments po… bago maging GAB (General Appropriations Bill). Magki-create sila ng small committee – tatlo lang sila. Hindi na namin alam kung ano… sana Ma’am (Amenah) nandun ka. ‘Wag kang pumayag, habang nag-uusap sila, nakabantay ka roon,” ani Senador Marcoleta.
“Basta po papuntahin n’yo po ako, I will attend po, Mr. Chair,” agad na tugon ni Sec. Amenah.
Ayon pa sa Kalihim, napapanahon ang mungkahi ni Sen. Marcoleta sa gitna ng panawagang gawing bukas o mas transparent ang budget process, na alinsunod din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Tinatanggap po natin ‘yung suwestyon ni Senator Marcoleta na kung maaari, tayo po ay maupo sa bicam proceedings para masiguro na magagwardyahan natin ang 2026 budget, at hindi po mababalewala ang mga priority projects ng ating administrasyon,” ayon pa kay Sec. Amenah.
Nagpapatuloy ngayong araw, ika-2 ng Setyembre 2025, ang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senate Committee on Finance patungkol sa 2026 NEP o panukalang pambansang budget para sa susunod na taon na nagkakahalagang P6.793 trillion.



