28.5 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Alan Peter Cayetano bagong Senate Minority Leader

- Advertisement -
- Advertisement -

NAHALAL bilang bagong Senate Minority Leader ng 20th Congress si Senador Alan Peter Cayetano matapos magkasundo sa isang pagpupulong nitong Martes, September 9, 2025, ang siyam na senador na bumubuo sa bagong Minority bloc.

Pormal na inanunsyo ni Senador Joel Villanueva ang nominasyon ni Cayetano sa Senate floor.

“As Minority Leader, naniniwala po kami na Senator Cayetano will bring a wealth of experience, a strong moral compass, and an unwavering commitment to the principles of democracy. He has consistently shown his ability to work across party lines, engage in constructive dialogue, and hold the government accountable while advocating for policies that uplift the lives of ordinary people,” wika ni Villanueva nitong Martes ng hapon.

“Palagi po natin siyang tinatawag sa acronym na ‘APC’. Knowing him as a friend and mentor – I can describe him as ‘APC’ – Ang Pilipinong Compassionate, Ang Public Servant na Courageous, and A Person of Christlike Integrity. Mr. President, may I respectfully move to nominate the gentleman from Taguig and Pateros – Senator Alan Peter Cayetano as our Minority Leader,” dagdag pa niya bilang suporta sa liderato ni Cayetano sa oposisyon ng Senado.

Pinalitan ni Cayetano si Senador Vicente “Tito” Sotto III bilang Minority Leader isang araw matapos magkaroon ng pagpapalit sa liderato ng Senado. Si Sotto na ang bagong Senate President na pumalit kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.

Ang mga senador na bumubuo ngayon ng Minority bloc ay sina Senador Escudero, Villanueva, Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta, Christopher “Bong” Go, Ronald “Bato” dela Rosa, Robinhood Padilla, at Imee Marcos. Itinuturing ito na isa sa pinakamalaking grupo ng oposisyon sa kasaysayan ng Senado.

Sina Senador Villanueva at Marcoleta naman ang inatasan bilang mga Deputy Minority Leader.

Isang batikang mambabatas, nagsilbi na bilang Minority Leader si Cayetano noong 15th Congress mula 2010 hanggang 2013. Siya noon ang pinakabatang senador na nagsilbi sa posisyon sa edad na 39.

Ang kanyang pagbabalik sa tungkulin ay napapanahon ngayong sumailalim ang Senado ng isang makabuluhang reorganisasyon at nahaharap sa mga mabibigat na pambansang isyu.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -