UMAPELA si Senador Win Gatchalian sa Department of Economic Planning and Development (DepDev) na dagdagan ang bilang ng mga proyektong inaaprubahan ng regional development councils (RDCs) upang maiwasan ang mga “insertions” sa budget at matiyak na mas sistematiko ang proseso ng pambansang pondo.
Tinitingnan ng mga RDC ang mga proyekto upang masiguro na ang mga panukala ay nakaayon sa mga layunin ng pambansang kaunlaran bago ito isumite para sa konsiderasyon sa pambansang antas at maisama sa national expenditure program (NEP), na siyang ‘spending plan’ ng ehekutibo.
“Ang nangyayari kasi, shino-shortcut ang proseso, at dito nagkakaproblema dahil ang ilan sa mga proyektong ito ay walang feasibility studies at detailed engineering designs,” paliwanag ni Gatchalian. Aniya, imbes na dumaan sa NEP ang mga proyektong inirerekomenda ng RDCs bago tuluyang maisama sa General Appropriations Act (GAA), direkta na itong ipinapasok sa GAA.
Ayon kay Gatchalian, mas mataas na approval rate para sa mga proyektong inendorso ng RDCs ang maghihikayat sa mga local government units na sundin ang tamang proseso.
Aminado naman si DepDev Secretary Arsenio Balisacan na halos isang-katlo lamang o one-third ng mga proyekto sa NEP ang aprubado ng RDC. “Kung mapapabuti natin ang batting average, mahihikayat ang mga tao na dumaan sa proseso,” sabi ni Gatchalian.



