28.9 C
Manila
Lunes, Hunyo 8, 2026

Ekonomiks ng katiwalian

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -
SA kasalukuyan, ang mga pahayagan at social media ay punong puno ng mga balita at puna tungkol sa katiwalian sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kaliwa’t kanang imbestigasyon ang isinasagawa ng dalawang bulwagan ng Kongreso upang malaman ang puno’t dulo ng malawakang korupsyon. Marami rin ang nag-uudyok sa Pangulong Marcos na magtatag ng isang malayang lupon na magsasagawa ng imbestigasyon dahil may mga naghihinala na ang ilang miyembro ng Kongreso ay sangkot sa katiwalian.
Sa sanaysay na ito ay susuriin ko ang pananaw ekonomiko kung bakit may katiwalian. Sa disiplina ng ekonomiks binuo ni Gary Becker ng University of Chicago noong 1968 ang isang ekonomikong modelo upang ipaliwanag kung bakit nagsasagawa ng krimen ang isang tao o grupo ng mga tao sa kanyang obrang Economics of Crime.
Ayon kay Becker, maipaliliwanag ang pagsasagawa ng krimen sa pamamagitan ng pagsusuri ng demand at suplay.  Ang krimen, korapsiyon at katiwalian ay labag sa batas dahil nagdudulot ito ng masamang epekto sa lipunan kaya’t may katapat na parusa ang pagsasagawa nito mula ang pagbabayad ng multa hanggang pagkakakulong o sa ibang lipunan ay kamatayan. Subalit sa ilang indibidwal o grupo ang krimen ay may kabutihang naidudulot sa kanila dahil kumikita at nasisiyahan sila sa pagsasagawa ng krimen. Dahil dito, handa nilang isugal ang mga panganib na parusa sa paglabag sa batas kapalit ang malaking potensyal na kita at kasiyahan. Bunga nito ang demand sa krimen ay tumataas kapag ang panganib at isinasakripisyo sa paggawa ng krimen ay bumababa. Halimbawa, ang isasakripisyo ng isang taong may mataas na tungkulin o trabaho ay malaki kaya’t magdadalawang isip siya bago gumawa ng krimen. Ito ay nauuwi sa maliit niyang demand sa paggawa ng krimen. Samantala, sa isang taong walang trabaho maliit lamang o halos walang isasakripisyo sa paglabag ng batas kaya’t may mataas itong demand sa paggawa ng krimen. Maliit din ang isasakripisyo ng mga taong walang paghahalaga sa kanilang reputasyon o dangal at sa pagkutya ng lipunan sa kanilang ginawang krimen. Kapag dumarami ang iyong demand sa korapsiyon, ang probabilidad ng pagkakahuli at parusa ay tumataas kaya’t ang potensyal na kita ay bumababa kaya’t ang karagdagang kasiyahan sa malawak na korupsyon ay bumababa din.
Samantala, dahil ang krimen ay may masamang epekto sa lipunan ang humaharap sa demand sa krimen ay ang suplay ng paghadlang sa paglabag ng batas. Kasama sa pagpigil ay ang pagpapatupad ng batas, paghuli, pagmumulta, pagkakakulong, o sa ibang lipunan ay paglagot sa buhay sa mga gumagawa ng krimen. Habang dumarami ang korupsyon, ang suplay ng pagpigil sa krimen ay dumarami rin kayat tumaaas ang gastos sa suplay ng pagpigil ng korapsyon. Kaya’t ang suplay ng pagpigil ay may positibong killing sa pagdami ng krimen.
Ayon kay Becker may optimal na antas ng krimen na natatamo kapag ang karagdagang kasiyahan sa paggawa ng krimen ay pantay sa karagdagang gastos sa paghadlang sa krimen. Kung mas mataas ang karagdagang kasiyahan kaysa karagdagang gastos may insentibong magsagawa pa ng krimen ang isang tao. Samantala, kung ang karagdagang gastos ay mas mataas sa karagdagang kasiyahan, mapipilitang bawasan ang pasasagawa ng krimen kasama na ang korapsiyon.
Gamit ang analisis ni Becker, ipaliliwanag ko kung bakit talamak ang korapsiyon sa ating bansa. Ang pinakabuod na dahilan ay ang napakabagal na pagtaas ng karagdagang gastos  sa pagpigil sa korupsiyon, sa unang banda,  samantalang napakabagal naman ng pagbaba ng isinasakripisyo sa pagsasagawa ng krimen, sa kabilang banda.
Maipaliliwanag ito sa pamamagitan ng elastikong demand sa krimen at elastikong suplay ng pagpigil ng krimen. Kapag ang demand sa paggawa ng krimen ay matugon o elastiko sa halaga ng pagsasakripisyo ang kaunting pagbaba ng pagsasakripisyo ay nauuwi sa mas malawak na  demand sa pagsasagawa ng krimen. Kasama sa mababang antas ng pagsasakripisyo ay ang mababang antas ng walang kahihiyan sa mga gumagawa ng krimen, walang pagpapahalaga sa dangal ng pamilya sa pagtuligsa ng lipunan at maliit na probabilidad ng pagkakahuli. Makikita ito sa pagmamalaki ng mga lumalabag sa batas sa tinamasang katas ng korapsiyon, di pagpansin sa mga kritisismo sa social media ng mga tao sa kanilang ginawang paglabag sa batas, at ang di pagpapahalaga sa dangal ng pamilya.
Samantala, matugon o elastiko ang suplay ng paghadlang sa krimen kapag ang malawakang katiwalian ay nauuwi sa sa di gaanong pagtaas ng probabilidad ng pagkakahuli at pagpaparusa. Kasama sa mga dahilan kung bakit mabagal ang probabilidad ng pagkakahuli at pagpaparusa  ay madaling suhulan ng mga lumalabag sa batas ang mga pulis, tagasuri, regulator at tagapagtupad ng batas. Kung minsan ay kasabwat pa ang mga may kapangyarihan sa pamahalaan sa pagsasagawa ng krimen.
Dahil madaling masuhulan ang mga namumuno sa mga institusyong dapat na pigilin ang korapsiyon, ang gastos sa paggawa ng krimen ay mabagal na tumataas sa paglawak ng krimen. Dahil din dito, mabagal na bumababa ang kasiyahan sa paglawak sa pagsasagawa ng krimen. Sa ganitong sitwasyon, ang ekilibriyo sa optimal na antas ng krimen ay matatamo sa mas mataas na antas ng korupsiyon.
Samakatuwid, ang laganap na katiwalian sa ating bansa ay bunga ng kultura ng mahinang pagpapahalaga sa dangal at mahihinang institusyon sa pagpapatupad ng batas.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -