MATAPOS makumpirma ang mga multimillion-pisong budget insertions noong 2023 at 2025 na konektado kina Sen. Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, naghihintay na si Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” M. Lacson ng mga “resibo” o ebidensya ng umano’y komisyon na natanggap ng dalawa mula sa flood control projects.

Ani Lacson, ang mga “resibo” o katibayan ay magiging batayan hindi lamang sa paggawa ng mas matibay na batas laban sa korapsyon, kundi para na ring matulungan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) at ibang prosecution body tulad ng Ombudsman at Department of Justice.
Sa mga panayam nitong Biyernes ng umaga, sinabi ni Lacson na hihilingin niya kay Senate President Vicente Sotto III na payagang makalabas ng Senado, sa ilalim ng escort, ang dating DPWH engineer na si Brice Hernandez upang makuha ang mga dokumento o “resibo” na magpapatunay sa kanyang paratang na mayroong 30% commission na ibinigay sa dalawang senador at isang miyembro ng Kamara.
“Kailangan natin ng malinaw na resibo kung sakaling gagawa kami ng rekomendasyon o ipapasa sa Independent Commission for Infrastructure. Yan ang magpapatibay sa alegasyon na nagbigay siya ng 30% commission sa dalawang senador,” ani Lacson sa DZBB.
“Ang isyu kung talaga bang nagbigay siya ng komisyon sa dalawang senador, yan ang dapat niyang patunayan. Kung may ledger o katibayan, ipakita niya. Ang burden of proof ay nasa kanya,” dagdag niya.
“Kung walang katibayan, mananatiling allegation yan pero kung meron sa Monday or sa next hearing… pwede naming i-recommend sa ICI or Ombudsman na file-an ng kaso ang aming dalawang colleagues,” aniya sa Balitanghali.
Noong Huwebes, kinumpirma ni Lacson na may P600M na flood control projects sa Bulacan na nakalagay sa Unprogrammed Fund ng 2023 GAA — alokasyon na unang itinuro ni Hernandez kay Villanueva. Natuklasan ito matapos repasuhin ng staff ni Lacson ang mga dokumentong ipinasa ni Sen. Sherwin Gatchalian.
Nakita rin ni Lacson at ng kanyang opisina sa regular budget ng 2025 GAA ang P355M na proyekto sa Bulacan na iniuugnay naman kay Estrada. Lumabas pa na may pondo nang inilabas para sa Phase 3, pero nasa Phase 1 pa lang ang aktwal na konstruksyon.
Tinanong kung maaaring gawing state witness si Hernandez, sinabi ni Lacson na DOJ ang dapat mag-evaluate nito.
‘Sagasa mode’
Giit ni Lacson, siya at si Sotto ay nasa “sagasa mode” na ngayon — walang pinapalampas, walang sasantuhin.
“Napag-usapan namin ni Senate President ito. Sagasa na kami sa puntong ito ng aming political career. Basta may ebidensya, wala kaming sasantuhin,” aniya sa DZRH.



