34.6 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Paalam, Ambassador Huang Xilian

- Advertisement -
- Advertisement -
Si Ambassador Huang Xilian katabi si Herman Tiu Laurel, ang awtor ng kolum na Ito at mga opisyales ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute

PINALAD ang Pilipinas na si Huang Xilian ang naitalaga na ambassador ng People’s Republic of China sa Pilipinas sa panahong nagsimulang patindihin ng Amerika ang kontra-Chinong pagpapagalit sa mga Pilipino.

Tanging sa pamamagitan na lamang ng digmaan maaaring maipagtagumpay ng Amerika ang estratehiya nitong mamayagpag sa Asya Pasipiko. At magagawa niya lamang na makipaggiyera sa China kung sasalakayin ng China ang Pilipinas. Sa bisa ng Mutual Defense Treaty (MDT), ipagpapalagay ng Amerika na ang pananalakay sa Pilipinas ay pananalakay din sa kanyang sarili, na kung kaya obligado siyang magtanggol.

Simula 2019, naging pangunahing propaganda ng Amerika ang panghihimasok diumano ng China sa teritoryo ng Pilipinas, partikular sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal. Matatandaan na noong 2012, sa Bajo de Masinloc tinangkang arestuhin ng Philippine Navy ship MV Gregorio del Pilar ang mga Chinong nangingisda sa teritoryong inaangkin ng Pilipinas na kayang pag-aari subalit inaangkin din naman ng China na kanya sa bisa ng Nine Dash Line, bahagi ng Eleven Dash Line ng China na sumsakop sa halos kabuuan ng South China Sea. 

Kagyat na sumaklolo sa mga Chino ang barko ng People’s Liberation Army Navy, at naganap ang nakilala sa kasaysayan bilang Scarborough Shoal stand off – matira ang matibay.

Sa di inaasahang pangyayari, inudyukan ng Amerika ang Pilipinas na umatras sa patigasang paghaharap-pandigma at sa halip ay hayaang ang Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Hague, Netherlands ang magpasya sa usapin: Kanino ang Scarborough Shoal, sa China o sa Pilipinas?


At noon ngang 2016, nagpasya ang PCA na ang Nine Dash Line ay illegal. Iyun ang hanggang ngayon ay binabaluktot ng propaganda ng Amerika na panalo ng Pilipinas.

Walang mas malayo sa katotohanan. Pilipinas mismo ang naglinaw na hindi niya intensyon na pagpasyahan ang usapin ng soberaniya sa arbitration. Ibig lang ng Pilipinas na linawin ang kanyang exclusive economic zone (EEZ) at ang mga implikasyon ng mga teknikal na bagay tulad ng low tide elevation at continental shelf.

Subalit sa propaganda ng Amerika, pinalitaw nito na panalo ang Pilipinas sa arbitration – sa kanya ang Scarborough Shoal. Na siya ngang matigas na pinaninindigan nito magmula noon.

Sa ganung paninindigan tumitibay ang pag-asa ng Amerika na magaganap ang giyera sa pagitan ng China at Pilipinas – ang tanging kondisyon na makatwirang maaaring manghimasok ang Amerika.

- Advertisement -

Sa ganitong kalagayan natalaga si Ambassador Huang Xilian sa Pilipinas – hindi pa noong 2012 nang kasisimula pa lang ipahayag ni noon ay US Secretary of State Hilary Clinton ang America’s Pacific Century. Sa isang artikulong nilimbag ng website na Foreign Policy, sinabi ni Clinton: “(salin mula sa orihinal na English) Ang kinabukasan ng pulitika ay pagpapasyahan hindi sa Afghanistan o Iraq kundi sa Asya, at ang Amerika ay naroroon sa gitna ng aksyon.”

2011 sinulat ni Clinton ang artikulo. 2012 ang Scarborough Shoal Standoff. Hindi pa oras upang makipagbanggaan sa China. Binigyan ni Clinton ng isang dekada upang paigtingin ang alitang Chino-Pilipino.

Tusong trinabaho ng Amerika ang klasikong “one step backward, two steps forward.”

Umatras sa Scarborough Shoal standoff at sa halip ay tinahak ang landas ng arbitration, na matapos palitawing napagwagian ng Pilipinas ay rumatsada na ng propaganda ng pagpasademonyo sa China.

Gumana na ang  “two steps” forward ng Amerika sa panahon ng pagtalaga kay Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary Huang Xilian ng People’s Republic of China sa Republika ng Pilipinas noong 2019.

Bakit, upang siya ang magpasang-Krus sa lumalalang ugnayan ng China at Pilipinas?

- Advertisement -

Sa isang panayam, ipinahayag ng ambassador ang ganito: (salin mula sa English) Ang isyu sa South China Sea ay kumplikado sa dahilang nagsasangkot ito ng maraming mang-aangkin at tumutukoy sa soberaniyang pangteritoryo at mga hangganang pangkaragatan. Maaaring makagawa ng malaking pagkakamali ang sinuman na hindi magawang tumawid sa makitid na linyang tinatahak sa paglilinaw sa isyu.”

Kaalinsabay ng panunungkulan ni Ambassador Huang sa Pilipinas ang pamamayagpag ng Project Myuoshu, isang programa sa propaganda ng Gordian Knot Center for Strategic Innovation ng Stanford University sa California. Pinamumunuan ng isang dating officer ng United States Air Force, Raymond Powell, gawain ng proyekto ang kumuha ng satellite images ng mga girian ng China Coast Guard at Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea at sa pagpost  ng mga images sa X (Twitter) ay palitawin ang mga ito na banggaan na ng dalawang pwersa. Pipickupin ng mainstream media ang mga X post na ito  at ipakakalat na palapit na nang palapit ang pananalakay ng China sa Pilipinas.

Sa termino ni Ambassador Huang naganap ang mga insidente na nagpasama sa China sa mata ng mga Pilipino.

Ang laser beaming na pansamantalang bumulag sa crew ng PCG, ang vessels ramming na pumutol sa daliri ng Philippine crew, at ang water cannoning na sumira sa barko ng PCG at sumalanta sa mga tripulante nito ay naging napakaulit-ulit upang masabi na totoong malapit na ang giyera sa pagitan ng China at Pilipinas.

Sa katunayan, bilang reaksyon sa laser beaming ng CCG sa PCG, ipinahayag na ni US State Secretary Antony Blinken ang paggamit na sa MDT, ibig  sabihin, gumanting salakay na ang Pilipinas sa China.

Anong hakbang ang ginawa ng ambassador? Sa katangian ng  gawaing diplomasya, maraming bagay ang tago. Ang.mahalaga ay ang bunga ng gawain. At sa malakas na panawagan ni Blinken na gamitin na ang MDT, nanindigan si Presidente Marcos na hindi pa kailangan ang MDT.

Bigo pa ang Amerika na magkaroon ng giyera na mapapakialaman.

Naniniwala si Ambassador Huang na mga mamamayan ang batong sandigan ng ugnayan ng China at Pilipinas.

“Tunay nga,” aniya, “na ang mga mamamayan ang esensyang nagtatakda sa ating relasyon: mga mamamayan ang naglalatag ng pundasyon, mga mamamayan ang nagsusulat ng kasaysayan, at walang duda na ang maglilikha ng ating kinabukasan ay ang ating mga mamamayan – nang magkasama.

Sa matibay na pamantayan ng tao-sa-tao na ugnayan ng China at Pilipinas, pinunto ng ambassador ang naging panukala ng yumaong lider ng China na si Deng Xiaoping na isaisantabi ang mga di pinagkakasunduan  pabor sa magkatuwang na kaunlaran. Kasaysayan na, aniya, na nakahanda si Ginoong Deng na kalimutan na muna ang Nansha Island group (Spratley) kapalit ng magkatuwang na pag-unlad ng China at Pilipinas.

Sa anu’t-anuman,  hindi bumitaw si Ambassador Huang sa  doktrina ng  diplomasya na kanyang pinaninindigan: walang kapalit sa dayalogo. Naipahayag niya ito sa Fourth Manila Forum dalawang taon na ang lumipas.

Napakatibay ng kanyang katapatan sa soberaniya ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sukdulang ituring siyang persona non grata ng mga mamamayan ng Kalayaan, Palawan, kabilang sa mga islang nakahandang isaisantabi ni Ginoong Deng kaoalit ng magkatuwang na pag-unlad.

Isang bagay ang tiyak sa ngayon. May mga pahiwatig  na humuhupa ang tensyon sa pagitan ng China at ng administradyong Marcos. Sa pamamaalam na tanghaliang handog kay Ambassador Huang ni Foreign Affairs Secretary Maria Teresa Lazaro, namanata ang dalawa na  pananatilihin ang “future oriented diplomacy” sa pagitan ng China at Pilipinas.

Ganyang nakatuon ang diplomasya sa hinaharap, pawang kapayapaan at magkasamang asenso ang mapag-uusapan.

Sa okasyon sa Shangri-La, panauhing pandangal sina First Lady Liza Araneta Marcos at Speaker Faustino Dy III. Di ba pahiwatig ito na di na ganun kagrabe ang hidwaan ng China sa administrasyong Marcos di tulad ng patuloy na pamamarali ng mga propagandistang Amboy?

Sa katunayan, na pagkaraan ng mahabang panahong paninilnbihan ay nakahanda na ang China na ilipat siya ng assignment ay nagpapakita lamang na natugunan na ni Ambsssador Huang ang kanyang tungkulin: pangibabawan ang unos ng gabing dulot ng Amerika at sa Pilipinas sa wakas ay ipasilay  ang pinilakang sinag ng madaling araw.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -