MAHIGIT P100 bilyon ang isinisingit na mga item ng halos lahat ng senador sa ika-19 na Kongreso sa 2025 General Appropriations Act (GAA), ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo.
Ani Lacson, na mahigpit na bantay ng kaban ng bayan, lumalabas sa dokumentong kanyang nakalap na ang mga siningit ay mga individual insertions, bagama’t na-tag na “For Later Release (FLR).”
“Sa Senate pa lang, at least P100 bilyon. Nagulat nga ako, sa individual insertions ito, ito naka-FLR ngayon,” ani Lacson sa isang panayam.
“Pagkalalaki. Never pa ako nakakita kasi noong araw di pa declared unconstitutional ang PDAF nandoon lang sa hundreds of millions. E ngayon nakita ko ang total, kabuuan at least P100 billion,” dagdag pa niya.
Ani Lacson, hindi pa niya nakikita nang buo ang listahan ng mga miyembro ng Kamara, ngunit “ang haba ng listahan din.”
Maaaring tanungin ni Lacson ang mga kinauukulang ahensya sa darating na budget deliberations ng Senado kung bakit pinayagan ang mga ganoong pagsingit.
“Sa budget deliberation pwede ko tanungin ito bakit pinayagan ito. Ang pagbusisi, lalo sa plenary, gusto kong malaman ilan sa siningit na insertion ang na-release at papaano na-implement,” aniya, sabay giit na may pangamba rin siya sa paglalabas ng mga unprogrammed appropriations.
Binigyang-diin ni Lacson na bagama’t hindi awtomatikong ilegal ang insertions o amendments, nagiging kwestyonable ito lalo na kung umaabot sa P5 bilyon o hanggang P9 bilyon ang bawat individual insertion.
Babala niya, maaaring banta ito sa ekonomiya dahil ang mga pondong naantala o nailihis ay sana’y mapupunta sa mga proyektong pang-imprastraktura na napagplanuhan at sinuri mula barangay, lungsod at rehiyonal na antas.
Muling nanawagan si Lacson sa mga kapwa mambabatas na pairalin ang pagpipigil sa sarili sa paggawa ng insertions para sa mga locally funded infrastructure projects, hindi lamang sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kundi pati na rin sa Department of Education at Department of Transportation, na parehong may malaking bahagi sa imprastraktura.
Nanawagan din siya sa kapwa mambabatas na iwasan ang paggamit ng tinatawag na “leadership fund” sa DPWH na nagbibigay daan sa mga legislator na makapagsingit ng proyekto sa antas ng National Expenditure Program (NEP).
Pagbawi mula sa ‘original sin’ ng korapsyon
Ani Lacson, matapos mawala ang tiwala ng publiko sa Kongreso dahil sa “original sin” ng korapsyon na nabunyag sa iskandalo ng flood control projects, dapat na nitong simulan ang pagbawi sa pamamagitan ng pagtitiyak ng isang transparent at pork-free na budget.
Giit ni Lacson, hindi maikakaila ng Senado na humaharap ito ngayon sa krisis matapos maiugnay ang ilang kasalukuyan at dating miyembro sa umano’y kickbacks sa mga maanomalyang flood control projects.
“Dapat mag-reform kami, magsimula sa 2026 budget. Sabi ko nga, tama ang timing kasi under deliberation ang budget for 2026,” aniya sa panayam ng DWIZ nitong Sabado.
Idinagdag ni Lacson na may nakatakdang pagpupulong noong Biyernes sa pagitan ng pamunuan ng Senado at Kamara, ngunit ito ay ipinagpaliban dahil sa masamang panahon. Ang bubuo sana sa delegasyon ng Senado ay sina Senate President Vicente Sotto III, Lacson, Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri at Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian, habang pangungunahan naman ng House Speaker Faustino Dy III ang panig ng Kamara.
“Ang intention pag nagkaharap kami, mananawagan ako ng self-restraint. Huwag nating panghimasukan lalo sa local infrastructure projects kung saan ang level ng authority nasa District Engineering Office. So yan gusto kong isuggest para meron tayong ginagawang remedial measures, corrective measures, para huwag kaming makialam,” aniya.
More at: https://pinglacson.net/2025/09/28/lacson-uncovers-least-p100b-in-senators-insertions-in-2025-budget/I



