KREDIBILIDAD ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pinangangalagaan ni Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong kung kaya sya nagbitiw bilang tagapayo at imbestigador sa bagong buong ahensyang mag-iimbestiga sa mga anomalyang kinasasangkutan ng muli-milyong halaga ng mga flood-control projects ng pamahalaan.

Ito, matapos ihayag ng mga opisyal ng Malakanyang na iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.. na alamin kung maaari bang ipagpatuloy ni Magalong ang iniatas sa kanya sa ICI habang siya ang alkalde ng Baguio City.
Layunin ng pagrerebisang ito na tiyakin na hindi makokompromiso ang kalayaan ng komisyon, at walang batas ang malalabag.
Binigyang-diin ni Magalong sa kanyang pagbibitiw na hindi bunga ng pagkakasangkot sa anomalya ang dahilan ng kanyang pagbibitiw kundi upang protektahan ang integridad ng ICI.
“Independence is the bedrock of accountability, and without it, our credibility is compromised,” aniya.
Hindi, aniya, nya pahihintulutan ang anumang pagdududa na magpapahina sa mandato ng ICI.
Sa isang pahayag, sinabi ni PDP Deputy Spokesman Ferdinand Topacio na nakikisimpatya sila kay Magalong.
“Other ill-advised and indelicate statements evidently made by the Office of the President to erode the well-deserved reputation of Mayor Magalong for impartiality and selfless public service have truly made it impossible for him to continue serving in the ICI in any capacity,” ani Topacio.
Epekto sa ICI at sa Palasyo
Sa kabila ng pagbibitiw ni Magalong, tiniyak naman ng Malakanyang na patuloy ang operasyon ng ICI.
“Unfortunate” umano ang pagbibitiw ni Magalong ngunit nakahihigit kaysa kanino man ang panawagan ng taumbayan sa ICI.
“The demand of the Filipino people from the Independent Commission for Infrastructure is higher than any one person,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez.
“The Commission, made up of distinguished professionals with unassailable integrity, has hit the ground running on Day 1. The Palace respects the autonomy of the Commission. Let’s allow them to do their job and deliver on their mandate,” dagdag pa niya..
Idinagdag pa ng Malakanyang na binubuo ang ICI ng mga kilalang propesyonal na may hindi matatawarang integridad at may sapat na kalayaan upang ipagpatuloy ang kanilang mandato.
Mandato ng ICI
Itinatag sa pamamagitan ng Executive Order 94 noong Setyembre 11, 2025.
Mandato ng ICC na duminig, mag-imbestiga, tumanggap, mangalap at magsuri ng ebidensya, intelligence reports, at impormmasyon laban sa lahat ng opisyal at kawani ng gobyerno, at iba pang mga indibidwal na sangkot sa mga anomalya, iregularidad, at di tamang paggamit ng pondo para sa pagpaplano, pagtustos, at implementasyon ng mga pampublikong flood control at iba pang proyektong imprastraktura sa buong bansa.
Binigyan ng karapatan sa pamamagitan ng naturang EO ang ICC na magsagawa ng mga pagdinig upang makapagsiyasat sa mga anomalya at iregularidad sa flood control at iba pang proyektong imprastruktura sa nakalipas na dekada, magrekomenda ng kaukulang kasong kriminal, sibil, o administratibo laban sa mga sangkot. Maaari rin itong maglabas ng subpoena laban sa mga taong kinakailangan nitong tanungin o para sa mga dokumentong kakailanganin nito sa imbestigasyon.
Maaari rin itong magsumite ng mga ebidensya para sa agarang pagkakaso sa mga taong madidiskubre nitong nagkasala.
Maaari rin itong magrekomenda ng preventive suspension sa mga kawani o opisyal ng pamahalaan kung kinakailangan upang maiwasang sirain ang ebidensya o maimpluwensyahan ang isang saksi.
Pinamumunuan ito ni retired Justice Andres Reyes Jr. Kinabibilangan naman nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at SGV and Co. Country Managing Partner Rossana Fajardo ang mga kasapi nito.
Isyu ng conflict of interest
Matapos ipahayag ng Malacañang na ipasusuri kung maaari bang gampanan ni Magalong ang tungkulin bilang ICI adviser habang nanunungkulan bilang mayor ng Baguio, lalong lumakas ang usapin ng conflict of interest.
Nanindigan naman si Magalong na walang “conflict of interest” kaya sya nagbitiw.
“Magalong did the right thing in resigning after accepting an incompatible office. His appointment or designation as adviser and investigator was a clear violation of the Constitution — and he knows, no one is above the law,” ayon sa pahayag ng Federation of Free Workers (FFW).
Partikular na binanggit ng FFW sa pahayag nito ang Section 7, Article IX-B ng 1987 Constitution kung saan isinasaad dito na hindi maaaaring i-appoint ang isang halal na opisyal ng magkasabay maliban kung pahihintulutan ito ng batas o kung kinakailangan ng pangunahing tungkulin ng kanilang posisyon.
“The Supreme Court has spoken. In Flores vs. Drilon (GR 104732, June 22, 1993), the High Court disqualified then Olongapo City Mayor Richard Gordon from holding two hats at once — one elective, one appointive. The principle remains: an elective official cannot serve two masters, especially when the Constitution itself says no,” paliwanag ng FFW.
P110-milyong tennis court project sa Baguio
Lumutang din na kontrobersiya ang P110-milyong tennis court project sa Baguio na inaward ng DPWH noong 2022 sa St. Gerrard Construction Co. kahit na blacklisted na ang naturang kompanya, ayon sa isang ulat.
Nang mga panahong ito, Mayor na rin ng Baguio City si Magalong.
Ayon pa sa mga ulat, pag-aari rin ng kontrobersyal na mag-asawang Discaya ang St. Gerrard Construction Co.
Bagama’t hindi direktang konektado si Magalong sa kaso, lumitaw ang mga tanong kung makakaapekto ito sa kanyang papel sa ICI.
Sa isang ulat, hinimok ni Magalong ang konseho ng lungsod na maglunsad ng isang third-party investigation upang masagot ang mga katanungan tungkol sa bidding, implementasyon at financial management kaugnay ng naturang tennis court.
Inirereklamo ng publiko ang hindi maayos na pagkakagawa dito dahil hindi pantay ang pagkakagawa sa ibabaw nito, hindi maayos na drainage system, at hindi ligtas paglaruan ito ng mga tao.
Ayon sa ulat, ikinakasa na ang imbestigasyon laban sa mga city building officials at City Environment and Parks Management Office (CEPMO) na mga responsable sa nasabing proyekto.
Pagtuon sa tungkulin bilang alkalde
Sa kaniyang pagbibitiw sa ICI, nilinaw ni Magalong na hindi niya pinabayaan at hinding-hindi niya isasantabi ang kanyang pangunahing tungkulin bilang alkalde ng Baguio City. Ang kanyang pagbibitiw sa ICI ay pagbibigay-daan upang mas makapokus ang kanyang pagseserbisyo sa lungsod.
Nananatili aniya ang sentro ng kanyang serbisyo publiko para sa mga mamamayan ng Baguio City.

