MGA kababayan, kagabi ay niyanig ng magnitude 6.9 na lindol ang Cebu, na may epicenter sa karagatan, humigit-kumulang 19 kilometro hilaga-silangan ng Bogo City.
Buong puso akong nakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, at kasama sa aking mga dasal ang kaligtasan ng mga nasugatan at lahat ng naapektuhan ng lindol.
Nasa mga apektadong lugar na po ang ating mga Kalihim upang magbigay ng tulong at suriin ang pinsala mula sa lindol at mga aftershock. Tinitiyak ng DPWH ang kaligtasan ng mga kalsada at tulay, ang DOE ay kumikilos upang maibalik ang suplay ng kuryente, ang DOH ay nagpadala ng karagdagang tauhan sa mga ospital, at ang DSWD ay naghahatid ng pagkain at iba pang tulong.
Katuwang ang BFP sa search and rescue, habang ang PNP ay nakatutok sa pagpapanatili ng kaayusan at pagtulong sa mga operasyon ng pagliligtas. Pinamumunuan ng OCD at NDRRMC ang koordinasyon ng lahat ng ahensya upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon.
Hinihikayat ko ang lahat na manatiling alerto at makinig sa abiso ng inyong lokal na pamahalaan. Sama-sama nating itatawid ang ating mga kababayan at muling itatayo ang mga komunidad na naapektuhan.



