31.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 13, 2026

Gatchalian: Daang libong mag-aaral ang hindi nakapag-enroll sa SUCs dahil sa limitadong kapasidad

- Advertisement -
- Advertisement -

PINUNA ni Senador Win Gatchalian na mahigit 168,000 na mga mag-aaral ang hindi nakapag-enroll sa mga State Universities at Colleges (SUCs) dahil sa kanilang limitadong kapasidad.

“Para sa akin, hindi ito makatarungan. Gusto natin silang mag-aral. Pero kahit na pumasa sila sa entrance exam at kulang ng kapasidad ang ating mga SUCs, hindi sila makapag-aral,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance.

Sinuri ng tanggapan ni Gatchalian ang datos na isinumite ng 62 sa 115 na mga SUCs. Batay sa pagsusuri ng tanggapan ng senador, lumalabas na 32 (52%) ang lagpas na sa kanilang kapasidad. Samantala, 11 (18%) naman sa mga 62 SUCs na ito ang umabot na sa 100% ng kanilang kapasidad. Dahil dito, 168,493 na mga mag-aaral ang napagkaitan ng pagkakataong makapag-enroll bagama’t kwalipikado na silang pumasok sa mga naturang SUCs.

Hinimok naman ni Gatchalian ang mga SUCs na tutukan ang pagpapalawak sa kanilang mga academic capacities. Hinimok rin niya ang mga ito na isumite ang kanilang mga requirements para sa capital outlay na nakatuon sa mga silid-aralan at iba pang pangangailangang pang-akademiko.

“Ang layunin natin ay wala nang mag-aaral na mapagkakaitan ng pagkakataong pumasok sa kolehiyo. Lahat ng pumasa ng entrance exam, makakapag-aral,” dagdag na pahayag ng senador.

Pinuna rin ng senador ang patuloy na pagbaba ng capital outlay ng mga SUCs. Mula P31 bilyon noong 2024, bumaba ito sa P17 bilyon ngayong 2025.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -