26.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Sen Raffy, nag-surprise inspection sa NLRC

- Advertisement -
- Advertisement -

HABANG naka-recess ang Senado, nagsagawa ng random inspection si Sen. Idol Raffy Tulfo sa National Labor Relations Commission (NLRC) – Main Office, Quezon City, bilang bagong chairperson ng Senate Committee on Labor and Employment kahapon Oct. 13.

Dito ay bumungad kay Sen. Raffy ang mga manggagawa na nadehado ng kanilang mga amo lalo na pagdating sa mga sweldo at benepisyo kaya personal niyang kinumusta ang kalagayan nila pati na rin ang status ng kanilang mga kaso sa NLRC.

Una niyang nakausap ang 28 sa mga dating factory worker ng W.L. Foods Corporation na tumatanggap ng sahod na below minimum wage mula pa noong 2010. Bukod dito, hindi rin daw nabayaran ang kanilang SSS, PhilHealth, PAG-IBIG, 13th month pay, overtime pay, at iba pang benepisyo.

Ilan sa kanila ay dati nang nakausap ni Sen. Idol nang inspeksyunin niya ang W.L. Foods sa Valenzuela noong May 2025 kung saan nilantad nila ang ilegal na pakyawan system sa kumpanya. Matapos nito, hindi na raw sila ni-renew ng W.L. kaya naghain sila ng illegal dismissal case, at nais makuha ang kanilang back wages.

Nauna na raw silang nag-file ng kaso sa DOLE, ngunit hindi nagkasundo dahil ₱10,000 lamang kada isa ang inialok na settlement ng W.L., malayo sa dapat na ₱100,000 na makukuha nila – na talaga namang nakakainsulto!

Lumapit din kay Sen. Raffy ang mga dating delivery rider ng Lazada na nagrereklamo sa kawalan nila ng government-mandated benefits at 13th month pay. Ayon sa kanila, napakatagal din daw ng proseso ng reimbursement ng kanilang surety bond na nagkakahalaga ng ₱40K-₱70K kada isa — at makukuha lamang kapag sila ay nag-resign.

Nagsumbong din ang ilang empleyado ng Shopee Philippines na taga-sort ng mga parcel sa warehouse kay Idol. Ayon sa kanila, kinakaltasan daw ng kanilang agency ang sahod nila para sa mga nawawalang package, kahit hindi naman nila kasalanan.

Nagkataon ding naabutan ni Sen. Tulfo ang ilang OFWs, mga Pinay nurses na kinawawa sa Qatar, kung saan pilit na nagmamatigas ang agency at ayaw bayaran ang karapat-dapat na sweldo at ibang benepisyo, pagkatapos magsumbong sa DMW.

“Wala na ngang trabaho at kita, pahirap pa sa mga complainants ang paulit-ulit na nagpupunta sa DOLE, ngunit kapag na-refer na sa NLRC, muli na namang dadaan sa matagal at nakakapagod na proseso bago lumabas ang desisyon sa kanilang mga kaso,” saad niya.

Sa kanyang pakikipagpulong sa mga opisyal ng NLRC, binigyang-diin ni Sen. Raffy na dapat ayusin at mareview ang proseso para mas mapabilis. At kapag napatunayan ng DOLE inspector na may kumpanyang nagpapasahod ng below minimum wage, ay obligahin na agad itong bayaran ang kulang sa mga manggagawa. Hindi na raw dapat umabot pa sa NLRC conciliation proceedings na kadalasang umaabot pa nang siyam-siyam.

Sa paghimay ng kanyang proposed Wage Theft bill, nais ni Sen Idol na pag-usapan ang posibilidad na maging simple ang proseso sa pamamagitan ng pagkakaron ng “small claims labor courts.”

Nangako rin si Sen. Raffy na maghahain ng panukalang batas para ayusin ang sistema sa licensing ng mga security agencies. Layunin nito na maiwasan ang madalas na taktika ng ilang employer na paglilipat ng pangalan o pagmamay-ari ng kumpanya upang takasan ang kanilang obligasyon. Dagdag pa rito, sana rin daw ay magkaroon ng shared database ang NLRC at ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng DTI at SEC upang madaling matunton ang tamang address ng mga kompanya at hindi nila iwasan ang service of summons pag may kaso.

Dagdag pa niya, kung may pending labor case ang isang kumpanya sa NLRC, hindi ito dapat payagang mag-renew ng business permit sa BPLO hangga’t hindi pa nito nareresolba ang mga isinampang pending labor cases na isinampa ng mga empleyado laban sa kanila sa NLRC.

Sa huli, nangako si Sen. Tulfo na sa budget deliberations sa Senado, itutulak niya na madagdagan budget ng NLRC para mapondohan ang dagdag nilang tauhan at masigurong mas mapabilis ang aksyon sa mga reklamong inilalapit ng mga naaaping manggagawa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -