33.4 C
Manila
Sabado, Hulyo 4, 2026

Ang Panlaping PA-

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

(Unang bahagi)

SA aking palagay, ang mga panlapi at mga salitang ugat ay mga bahagi ng ating wika nakailangan pang suriin at pag-aralan. Totoo na marami nang pag-aaral sa mga panlapi ngunit naniniwala ako na mayroon pang bagong matutuklasan habang sinusuri ang mga ito. Gayon din ang aking pananaw sa mga salitang ugat.

May mga panlaping tinatawag na “patay.” Ito iyong mga panlapi na hindi na halos nakikilala o napapag-usapan sa mga talakayang panggramatika. Nangangailangan ito ng hiwalay at mahabang talakay. Pero hindi ito ang paksa natin ngayon.

Isa sa mga panlaping napaka-produktibo o gamitin pa rin ang panlaping PA-. Sa tingin ko nga, may mga pagkakataon na idinadagdag ang panlaping PA- kahit hindi kailangan, dahil ang salitang ugat lamang na walang panlapi ay sapat na. Ang mga halimbawa nito ay PATIMPALAK, PAKONTEST, PATUNGKOL, at iba pa. May pagkakaiba ba ang TIMPALAK at PATIMPALAK, KONTEST at PAKONTEST, TUNGKOL at PATUNGKOL? Pero maraming gumagamit ng mga salitang ito na may dagdag nang panlapi, kaya siguro, may idinaragdag na silang kahulugan sa salita na hindi matatamo kung walang panlapi ang nasabing mga salitang ugat.

Anong klase ba ng mga salita ang nabubuo sa pamamagitan ng panlaping PA-? Mga pangngalan ba, pandiwa, pang-abay, o pang-uri kaya? O lahat ng ito? Napukaw ang aking interes na talakayin ang panlaping PA- dahil sa isang post sa Facebook ng linggwistang si Dr. Ricardo Ma. Nolasco, na dating propesor ng linggwistika sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Ang post niya noong Okt. 11, 2020, na muling lumitaw sa Memories sa Facebook noong Okt. 11, 2025 ay may pamagat na: “Ang PA- na Kayariang Nakabatay sa Pang-uri at Pag-uulit.” Kasunod nito, sa Memories uli, ay ang inilista niyang 20 salitang may panlaping PA-: padabog, pasigaw, paluhod, pabulong, patula, padapa, paupo, patayo, paurong, pasulong, palihim, patago, palugi, pabebe, patalikod, paitaas, paharap, pakunwari, patanong, pabiro.


Ang tanong niya ay ito: (1) mga pang-abay lamang ba ang nabubuong mga salita na nilapian ng PA-. Puro pang-abay ang 20 salitang nakalista, dahil bawat isa ay nagsasaad ng paraan kung paano isinasagawa ang kilos. Ang tanong #2: Bakit ang bigkas sa mga salitang ito, ay MABILIS, o ang aksento/diin ay nasa hulihang pantig, maliban sa PABEBE. Pansinin na mabagal ang bigkas sa sumusunod na mga salitang ugat: dabog,sulong, urong, lihim, tago, lugi, tanong, biro. Pero lahat ng ito ay naging mabilis ang bigkas nang malagyan ng panlaping PA- at naging pang-abay.

Maliban nga sa PABEBE na nanatiling mabagal ang bigkas. Ang sagot ay dahil ang PABEBE ay posibleng pangngalan, hindi pang-abay.

Naglista ako ng iba pang mga salita at nakapagtala ako ng mga pangngalan: pabalita, pabatid, patalastas, pasaring, patimpalak, patibong, panayam, patutsada, pasinaya, pabida, paaral/paaralan, pabigas, pakain, palamon/palamunin, parusa, paano, padulas (suhol), paalala, parangal, pakipot (tao na “hele hele bago quiere” o kunwa’y ayaw pero gusto), pabinyag, pakape, pakialam, pakinabang, pabigat, pakakak (iyong pampatunog sa prusisyon kapag Biyernes Santo), pakana, pakawala, patinda, pahiyas, pailaw, pakipkip, at marami pang iba.

Hindi nagbago ng diin ang mga salitang ito.

- Advertisement -

May mga salita rin namang pang-uri: pabaya, pahalang, pahanga (mayabang), pahapyaw.

Mayroon ding pandiwa: patikim, papunta, paalis.

Samakatwid, ang panlaping PA- ay ginagamit sa pagbuo ng mga salitang gumaganap ng tungkulin ng pangngalan, pandiwa, pang-uri at pang-abay. Depende ito sa salitang ugat na ikinakabit sa naturang panlapi, gayon din sa kahulugang nabubuo ng salita.

Sa tanong #2, sa palagay ko’y dapat pang maglista ng mas marami pang salita para mailarawan ang nagaganap sa salita kung bakit nalilipat ang aksento/diin sa hulihang pantig, kahit pa sa mga salitang ugat na ang diin ay nasa penultimang pantig (o bago ang huling pantig). Bilang panimulang obserbasyon, masasabi na walang pagbabago sa aksento kapag pangngalan ang nabuong salita na may panlaping PA-. Nagaganap ang pagbabago sa bigkas sa mga pang-abay.

Tinalakay nina Alfonso Santiago at Norma Tiangco sa kanilang Makabagong Balarilang Filipino ang PA- bilang panlaping makangalan, makauri at makadiwa. Maraming halimbawa ng pangngalang may PA- at may paliwanag pa kung ano ang tungkulin ng PA-, na ayon sa kanila ay tumutukoy sa mga sumusunod: 1. Isang bagay na ang gamit ay para matupad ang diwang isinasaad ng salitang ugat (hal. pataba, pasinaya, patalastas, patubig); 2. Bagay na iniutos o ipinagawa (hal. palaba, paluto, pasabi, patahi); 3. Bagay na bunga ng kilos ng salitang ugat (hal. pahayag, parusa, paraan); 4. Ganapan ng kilos ng salitang ugat (hal. paaralan); 5. Kilos na tambingan at maramihan (hal. paalaman, paraanan, pasunuran, patamaan), 6. Kilos na nagpapaligsahan (hal. pataasan, pagalingan, paramihan).

May pangatlong tanong pa si Dr. Nolasco: Kung isa lamang ba ang panlaping PA- sa mga halimbawang nabanggit sa itaas? Sang-ayon ako sa kanyang kongklusyon na isang panlapi lamang ang PA- ano man ang bahagi ng panalita na nabuo sa pamamagitan nito, maging ito man ay pangngalan, pang-abay, pandiwa, o pang-uri. Maaaring magpahayag ng paraan kung paano isasagawa ang kilos (pasigaw, pabulong), o direksyon ng kilos (pa-Baguio, pa-Maynila), kung utos ng ibang tao o sino man, kung maramihan o paligsahan.

- Advertisement -

Sa lahat ng ito, iisa ang nakikita kong tunay na kahulugan ng PA-: sanhi o kosatibo. Maaaring may iba pang salik na taglay ng salitang nabuo pero sa tingin ko, ang nangingibabaw na kahulugan sa lahat ng salitang may PA- ay sanhi o dahilan para maganap ang sinasabi ng salitang ugat. Samakatwid, ang PA- ay ikinakabit sa salitang ugat para sabihin ang dahilan o sanhi. Balikan natin ang SA- na ang ipinapahayag naman ay transpormasyon o pagbabagong anyo batay sa salitang ugat. Ito ang tinalakay natin nang nakaraang isyu.

Ipagpapatuloy natin ang PA- sa susunod na isyu.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -