29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Ang tunay na kinalalagyan ng nagpapatuloy na balikwas ni Duterte

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIPAHIWATIG na natin noong nagdaang kolum na mayroong kinasasangkutang gulo ang nagpapatuloy na pagbabalikwas ni Duterte kaysa sa pagpapatalsik kay Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang pagbabalikwas ni Duterte ay pasinag lamang sa tunay na sigalot na dapat igpawan ng bansa o kung hindi, ligaw tayo sa tamang landas na dapat tinatahak.

Ang pangunahing problema ng Pilipinas ay ang walang katapusang pagpapakana ng Estados Unidos na pakipaggiyerahin ang bansa sa China. Kailangang mangyari ang digmaang Pilipino-Chino dahil ito ang kondisyon upang makapakialam ang Amerika at isulong ang dakilang pangarap nitong maghari sa Asya Pasipiko.

Noon pang 2011 inilahad ito ni noon ay United States Secretary of State Hilary Clinton sa isang artikulong pinamagatang America’s Pacific Century at nilimbag ng website na Foreign Diplomacy.

Wika ni Clinton (isina-Tagalog mula sa orihinal na English): “Ang kinabukasan ng pulitika ay pagpapasyahan hindi sa Afghanistan o Iraq kundi sa Asya, at ang Estados Unidos ay naroroon sa gitna ng aksyon.”

Binigyan ni Clinton ng isang dekada upang magkatotoo ang kanyang sinabi. Lagpas kalagitnaan na ngayon ang dekadang iyun.

Ibig sabihin, wala nang kalahating dekada pa, ang giyerang hangad ng Amerika upang makapaghari sa Asya Pasipiko ay sasabog na?

Sa ganitong kalagayan dapat na malagay ang pagbabalikwas ni Duterte.

Sinabi ni Lenin, sa kawing-kawing ng mga proseso, sunggaban ang pangunahing kawing.

Malaking kamalian na ipagpalagay na pangunahing usapin ang pagpapatalsik kay Bongbong at paghalili ni Sara. Hindi ito ang problema ng bansa.

Ang problema ng bansa ay kung papaanong makahuhulagpos sa mga kuko ng Agila na Amerika.

Sa bisa ng mga tratadong militari na nagtatali sa Pilipinas sa Amerika (Mutual Defense Treaty o MDT, Visiting Forces Agreement o VFA, at Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA), obligadong madamay ang Pilipinas sa anumang digmaan na papasukin ng Amerika sa rehiyon ng Pasipiko.

Dalawang mitsa ang nagbabantang magpasiklab sa ganung digmaang layunin ng Amerika.

Una ay ang hidwaan ng Pilipinas sa China hinggil sa West Philippine Sea. Tuloy-tuloy ang propaganda ng Amerika sa mga insidente ng iringan sa pagitan ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG) sa kanya-kanyang pagpapatupad ng mga pinanumpaang tungkulin. May sinusunod na unawaan ang mga kagawarang panlabas ng Pilipinas at China ukol sa “future-oriented” na diplomasya na siya ngayong sa kalakhan ay tumitiyak na ang sigalot ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea ay hindi hahantong sa giyerang nilayon ng Amerika.

Ang pinangangambahang pagsakakay ng China sa Taiwan upang igiit ang One China Policy ay malayo ring magkatotoo.

One China na nga, bakit dadaanin pa sa giyera ang usapin?

Ang pinakamalaking manufacturer ng semi-conductor ng mundo at pag-aari ng mga Taiwanese ay nakabase sa China.

Tulad ng isyu sa West Philippine Sea na Amerika lamang ang nagpapainit, ang isyu sa Taiwan ay kathang-isip din lamang ng Amerika.

Ibang usapin na siyempre kapag inunahan ang China. Kahit man lang sa ngalan ng pagtanggol sa sarili, maasahang makikipagdigma ito.

Ang totoong matagal ko nang pinangangambahang digmaang sasabog ay ang sa pagitan ng Amerika at ang lumilitaw na di-mapagkasundong kaaway nitong North Korea.

Litaw na litaw sa mga pananalita ni Kim Jong Un at iba pang lider ng North Korea na walang pagsidlan ang kanilang galit sa Amerika.

Amerika ang sumalakay sa Korea pagkaraang magapi ang Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at iyun ang humantong sa pagkahati nito.

Maaasahan lamang na hahangarin nI Kim Jong Un  na mawala sa landas ang Amerika upang mapanumbalik ang pagkaksisa ng Korea.

Sa kasagsagan ng People Power ni Cory noong Pebrero 1986, nasa 25,000 na ang regular na bilang ng New People’s Army (NPA), lampas-lampas na sa sukatan na 10:1 (lakas militar ng gobiyerno kontra rebelde) upang magtagumpay ang isang rebolusyon.

Sa armas man hindi na problema. Sa Pyongyang,  nakipagniig si NPA Chief Romulo Kintanar kay Kim Jong Un at nagkasundo sila na magbibigay ang North Korea ng mga kailangang armas oras na sumiklab na ang inihandang kilos- pagpabagsak sa rehimeng Marcos: paghostage sa mga miyembro ng Batasang Pambansa; paghostage sa mga residente ng Forbes Park at Dasmarinas Village; pagsakop sa mga banko at sa Manila International Airport; at pagdakip sa ilang trak na sundalo ng United States Armed Forces bilang pang-nyutralisa sa posibleng pakikialam ng Amerika.

Nakalulan na ang mga armas sa mga barko at handang pumalaot anumang oras.

Lahat ng plano, ayon sa tipong Nicaragua na pag-aalsa na ideya ni Kintanar – taliwas sa protracted people’s war na pagkatagal-tagal nang programa ng nakakulong na Chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Jose Maria Sison: paalon-alon na pagsulong mula kanayunan tungong kalunsuran.

Mula Martes (a-dos) hanggang Biyernes (a-singko) ng Pebrero na iyun ng 1986, nagdebate ang Komite Sentral ng CPP tungkol sa kung ano ang susundin, ang Nicaragua type insureksyon ni Kintanar o ang protracted people’s war ni Joema.

Gabi ng Biyernes, nagwakas ang debate: ang ideya ni Kintanar ang masusunod.

Malungkot, Sabado ng umaga, nagtatalon na si Tabaco – tuwang-tuwa sa balita na itinakas na ng Amerika si Marcos sa Hawaii.

Inalisan ng kaaway ang rebolusyon.

At iyan ang ipinagmamalaki ninyong people power ni Cory!

Ang debate tungkol sa protracted people’s war ni Joema ang umantala sa desisyon ng CPP na ilarga ang city insurrection ni Kintanar na suportado  ni Kim Jong Un. Noon pang 1986  dapat na napalaya ang Pilipinas.

Sa problemang dinaranas ngayon ng bansa, na tila problema lamang ng pamimili kung sino ang pamumunuin, si Marcos o si Duterte, hindi maiiwasang muling maiugnay si Kim Jong Un.

Nagwarning ang North Korean Supreme Leader na dalawang araw lamang ang ibinibigay niya sa Israel upang bayaran ang halaga ng barko ng North Korea na pinalubog nito habang papuntang Gaza upang magdala  ng humanitarian aid; dagdag pa ang kabayaran sa mga kargamento ng barko.

Kung hindi masunod ang taning na dalawang araw, banta ni Kim Jong Un, didiinan niya ang red button.

Ibig sabihin, magpapalipad ng mga nuclear missile bilang ganti sa Israel.

Subalit pag inatake mo ang Israel, hindi maaaring hindi mo rin inaatake ang Amerika. Tingnan ang nangyari nang paulanan ng drones ng Iran ang Israel. Ang ganting salakay ay kagyat mula Amerika, gamit pa ang pinakamodernong missile na kayang tumagos sa lupa kung kaya nagawang pasabugin kung anomang mga underground na kagamitan ang naroroon.

At nito lamang na nakaraang araw, kapuri-puri ni Israeli Premier Benjamin Netanyahu si US President Donald Trump bilang matapat at maasahang kaibigan. Bahala kayong basahin ang kahulugan niyan kung pinindot na nga ni Kim Jong Un ang red button at gumanti na nga ng ganun ding pagpindot si Trump.

Makaiiwas ba tayo sa lupit ng palitan ng pindot na iyan?

Hamon sa katalinuhan ng sambayanang Pilipino na tiyakin ang tunay na kalagayan ng bansa.

Sa bisa ng mga tratadong militar, hindi maiiwasan na ang Pilipinas ay masangkot sa mga digmaan na pinapasok ng Amerika.

Isang salita lang ni Bongbong, burado na ang mga tratadong iyun.

Buong anim na taong termino ay meron si Duterte para gawin iyun, pero hindi niya ginawa, pagkatapos ngayon, sasabihin niya kontra- Amerika siya.

May dalawang taon pa na nalalabi si Bongbong sa kanyang termino upang wakasan ang mga tratadong iyun.

O kung hindi, magkumahog sa pagsangga sa giyerang ihahambalos ng North Korea sa Amerika.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -