“May systematic na attack sa Senate.”
Ito ang babala ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Huwebes kaugnay ng sunod-sunod na kotrobersiyang ipinupukol laban sa ilang senador sa gitna ng imbestigasyon sa bilyun-bilyong pisong flood control scheme.
Diin niya, sinasadya ito para “iligaw” ang imbestigasyon.
“Makikita niyo ngayon in context ng flood control na talagang yung iba sa amin ay target talaga,” aniya.
“Kasi nga big news. ‘Philippine senator ganito, another senator ganito, congressman ganito ganyan.’ Dinidistract tayo eh. Napapainan tayo nang husto,” dagdag niya.
Nang tanungin kung sino sa palagay niya ang nasa likod nito, aniya: “definitely the mastermind,” pero nilinaw niya na sa tingin niya ay hindi lang ito iisang tao.
“I don’t think there’s one mastermind. I think it’s a group of people who came together, maybe stumbling into it. We have some people in our minds, but we’d rather the evidence speak for it,” wika niya.
Mukhang bahagi rin aniya ng pag-atakeng ito ang people’s initiative noong nakaraang taon, na aniya’y “gustong buwagin sana ang Senado” para maisagawa ng masterminds ang mga noo’y binubuo nilang planong pangungurakot.
“We all know na habang ginagawa itong People’s Initiative, binubuo pala itong scam na ito, hindi lang sa flood control – paisa-isa lumalabas,” ani Cayetano.
Sa nasabing signature campaign para amyendahan ang 1987 Philippine Constitution, kasama sa itinutulak ay ang pagsamahin ang Kamara at ang Senado sa pagboto sa constitutional amendments.
Inalmahan ito ng Senado dahil tila nilulusaw nito ang boses ng Senado. Hamak kasi na mas marami ang bilang ng mga kongresista kumpara sa 24 na mga senador, kaya hindi pantay ang magiging representasyon kung boboto sila bilang iisang institusyon.
Nanawagan si Cayetano kay Senate President Vicente Sotto III na pangalagaan ang Senado mula sa mga iba’t ibang pag-atake, kabilang na ang maling isyung ipinupukol sa Minorya.
“Kung nangyari ito kay Risa Hontiveros o nangyari ito kay Ping Lacson, kahit nasa Minority ako, tatayuan ko ito eh. Bakit? May systematic na attack sa Senate,” wika niya.
“The Senate President is not only the father of the majority — siya din ang tatay ng buong Senado. So kapag ang Senado na ang inaatake, kahit member ng Minority o kahit independent, pero foul, mali ang mabubugbog y’ung institution,” dagdag niya.
Hinimok din niya ang Senate Blue Ribbon Committee na ipagpatuloy ang imbestigasyon nito sa flood control corruption at tumutok sa paghahanap sa mastermind.
“Eyes on the ball tayo… Dapat administration at opposition, nagkakaisa na ang mastermind ay makasuhan, makulong ang pera mabalik, at mabago ang sistema,” aniya.



