NAGTUNGO si Senate Committee on Migrant Workers Chairperson Sen. Raffy Tulfo sa Philippine Embassy sa Paris para personal na bisitahin at kumustahin ang mga OFW na nagtatrabaho sa iba’t ibang parte ng France.

Sa kanyang talumpati, ibinida ni Sen. Raffy ang “pasalubong” niya sa mga OFW na tatlong panukalang batas na nakatakda niyang ihain upang tugunan ang pangangailangan nila at ng kanilang mga pamilya.
Una na rito ang isinusulong niyang Migrant Workers Relations Commission o MWRC na magtatatag ng isang special court sa loob ng Department of Migrant Workers (DMW) para ang mga OFWs na may reklamo ay hindi na kailangan pang dumaan sa mahabang proseso sa National Labor Relations Commission (NLRC) para lang makamit ang hustisya.
Sunod niyang binanggit ang inihahanda niyang panukalang batas na magtatatag ng One-Stop Shop sa bawat munisipalidad sa Pilipinas para sa OFWs upang hindi na nila kailangang pumila ng mahaba sa iba’t ibang ahensya. “Lahat ng serbisyo para sa mga OFW, mula pre-deployment hanggang reintegration, pati na rin ang lahat ng benepisyo para sa kanilang pamilya, ay magiging available sa isang madaling puntahang lugar,” saad niya.
Isa pa sa panukalang batas na ihahain ni Sen. Raffy ay ang pagpapalawak ng OFW Dependent Scholarship Program mula 5,000 slots tungo sa 10,000 slots, at isasama na rin ang elementary at high school
education, upang mas maraming anak ng OFW mula elementarya hanggang kolehiyo ang makinabang dito.
Itinutulak din ni Sen. Idol ang pagkakaroon ng isang social hall para sa mga Pinoy sa France nang sa gayon ay mayroon silang lugar para magtipon-tipon kapag nasa kanilang mga days-off at iba pang mga espesyal na okasyon.
Sinabi ni Sen. Raffy na nakausap na niya si DMW Sec. Hans Cacdac ukol dito at kasalukuyan na nilang inaasikaso ang pagtatatag ng social hall sa mga bansa kung saan may maraming Pilipino. Nangako rin si Idol na susuportahan niya ang pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) para dito upang sa darating na budget deliberations ay maisakatuparan ito, na umani ng masigabong palakpakan mula sa mga attendees.



