MASAYANG nagpasalamat si Sen. Francis Pangilinan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, tungkol sa Executive Order (EO) Nos. 100 at 101.
”Salamat sa Pangulo at sa lahat ng nagsunog ng kilay para maipatupad ang Executive Order (EO) Nos. 100 at 101. Sa ngalan ng lahat ng Pilipinong magsasaka at mangingisda, 100 and 101 percent na pasasalamat.
”Ngayon, kailangan nang bilhin ng lahat ng national government agencies, maging ng mga state universities and colleges at government by-owned or -controlled corporations ang mga palay mula sa ating mga magpapalay. Dahil ngayon ay harvest season, nilagyan ng transitory provision ang EO na magbibigay daan sa agarang pagpapatupad ng pagbili ng palay sa tamang presyo at para agad-agaran matulungan ang ating mga magsasaka habang nakabinbin pa ang guidelines.
Sa ilalim ng EO No. 100, ang floor price ay ibabatay sa kasalukuyang regional floor price computation ng NFA. Makikita ang regional computation para sa floor price ng wet at dry palay sa website mismo ng NFA. Ito ay maaaring ma-access sa https://www.nfa.gov.ph/buying-price.
Kamakailan lamang ay nagtakda ang NFA na ang halaga ng palay ay ₱23 hanggang ₱30 kada kilo para sa dry palay, at ₱17 hanggang ₱23 kada kilo para sa wet palay.
Patapos na ang harvest season ngayong Nobyembre kaya’t sinisigurado na natin na ma-implementa na ‘to para sa ating mga magsasaka. Malaking kaginhawahan sa ating mga magpapalay kung ma-implementa na ngayon, at lalo na sa lahat ng probinsyang may maliliit na palayan.
Kulang pa rin ang naging kita ng ating mga magpapalay makalipas ang ilang taon mula nang maipasa ang RTL, kaya ipinaglaban natin na mapirmahan ang dalawang EO na ito para mai-angat natin muli ang buhay ng mga kamay na nagpapakain sa atin araw-araw.
Kambal na gamot itong dalawang naturang EO na nag-uutos ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng palay floor price sa lahat ng pagbili ng pamahalaan at sa Sagip Saka.
Malaking tagumpay ito sa ating adbokasiya. Pero di pa tapos ang laban. Tututukan natin ang pagpapatupad ng dalawang EO hanggang abot-kaya na ang sapat na pagkain ng lahat ng pamilyang Pilipino at maayos na ang kita ng bawat magsasaka at mangingisda.



