32.3 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Bongbong dapat strongman nga

- Advertisement -
- Advertisement -
PAGPAPATULOY ng tema na nasimulan noong Lunes, tukuyin natin ngayon kung papaano nangyayari ang higanteng korapsyon sa mga flood control projects ng DPWH.
Una, pansinin na ang paggawa ng pambansang programa ng paggastos ng pamahalaan at pagpapatupad dito ay eksklusibong pananagutan ng Ehekutibo. Tungkulin lamang ng Kongreso rito ay aprubahan ang mga naiprogramang gastusin.
Kaya ang nangyayari, gagawin ng Malakanyang ang badyet, ipapasa sa Kongreso na siyang mag-aapruba rito bilang General Appropriation Act (GAA), na ganun pa man ay kailangan pa rin na pagtitibayin ng Pangulo upang maging batas.
Sa prosesong ito, sentralisado sa pangulo ang pagprograma at pagpapatupad ng badyet ng gobyerno.
Kung ang mga flood control projects ay maanomalya, paano ito nangyari nang hindi alam ng presidente?
Oo nga’t  congressional insertions ang mga ito, labas sa orihinal na programang isinumite niya sa kongreso, subalit may line item veto power ang pangulo upang i-veto ang anumang sangkap na probisyon na hindi aprobado sa kanya.
Sa simpleng salita, anumang congressional insertion na hindi niya ibig ay hindi dapat lumusot.
Nandoon ang korapsyon. Mga congressional insertions na maanomalya, napagmumukhang lehitimo.
Resulta, mga sub-standard na flood control projects kung hindi man garapal na ghost projects, mga proyektong wala naman talaga.
Ghost nga, multo, hindi totoo.
Pero totoong nilalargahan ng karampatang pondo mula sa kaban ng bayan.
Imadyinin ninyo kung gaano kalaking kurakot iyan.
Ayon sa pag-amin ng mag-asawang Discaya, 2016 pa nila ginawa ito – sa pagsisimula ng termino ni dating  Presidente Rodrigo Roa Duterte at nang ang Secretary ng DPWH ay ang ngayon Senador Mark Villar.
Matatandaan na sa buong panahon ng administrasyong Duterte, tampok na programa ay ang “Build, Build, Build.”
Konstraksyong walang patumangga.
Kontraktor kete kontraktor.
Kurakot na umaatikabo.
Mantakin mong laking korapsyon niyan.
Kaya siguro di na mapigilan ni Bongbong ang sarili nang sa huli niyang SONA ay humiyaw:
“Mahiya naman kayo!”
Hanggang ngayon ay pinag-iisipan ko. Papaanong maisisisi kay Bongbong ang korapsyon sa flood control na nagsimula noon pang 2016 at namayagpag sa buong panahon ng administrasyong Duterte?
Kung si Bongbong ang may kagagawan ng korapsyon, nang humiyaw siya laban dito, para lang pala siyang dumampot ng bato at ipinukpok sa sariling ulo.
May tiyak na direksyon ang tinutungo ng kanyang mga hakbang.
Dapat na hindi lingid sa kanya na ang puno’t dulo ng anomalya sa flood control ay ang congressional insertion sa GAA.
Kaya siya nagdadahan-dahan sa pagkilos?
Na sa halip na tumbukin agad ang mga mambabatas na totoong ugat ng korapsyon sa flood control– ang lehislatura – ay paraanin muna ito sa ICI?
Dahil kapag tinumbok mo ang Kongreso, magbubunga ito ng constitutional crisis na yayanig sa kabuuang sistema ng gobyerno?
Kaya kailangan padaanin sa due process?
Pero iyan!
Iyan ngang due process na iyan ang totoong problema.
Pag nagdesisyun ang ICI, iaangat ito sa Korte Suprema.
At kapag Korte Suprema na ang gumana, baligtad lahat ng sistema.
Sa snap presidential election ng 1986, ipinroklamang nagwagi si Presidente Ferdinand E. Marcos ng Batasang Pambansa, ang siyang tanging may kapangyarihang  gumawa ng proklamasyon. Subalit ang pinanumpang panalo ng Korte Suprema ay si Cory.
Naupong presidente si Cory Aquino.
Noong 2001, humalili si Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo kay Presidente Joseph Ejercito Estrada hindi sa ano pa mang kadahilanan kundi tanging sa pagpaniwala ng Korte Suprema sa isang istorya sa diyaryo na si Erap ay wala nang kakayahang mamahala.
Tulad ng kay Cory, simpleng pagpanumpa ng Korte Suprema, presidente na a siya.
Sinong susunod na uupo sa Malakanyang tanging sa simpleng pagpapanumpa ng Korte Suprema?
Mag-isip-isip ka, Ginoong Pangulo.
Kamakailan lamang, nagpalabas ng order ang Korte Suprema na magbuo ng Special Regional Trial Court upang tumulong kuno sa pag-imbistiga ng ICI.
Ewan kung bakit biglang-bigla, tila may isang kapangyarihan na nagbigay ng utos sa Korte Suprema na gawin iyun.
Sa dami ng mga kasong inaatupag, sukat makakati-katihan ng Korte Suprema na pakialaman agad ang mga korapsyong hawak ng ICI na nagsisimula pa lamang.
Upang tiyakin ng hari na mailigtas ang sarili’t mga alagad?
Sa isang panayam sa media, ikinwento ni Bise Presidente Sara Duterte na napagkwentuhan niya at ng dating Pangulo sa kanyang piitan sa The Hague ang tungkol sa anomalya sa flood control.
Sa dami ng problema niya sa ICC, naalaala pa ni Duterte na intindihin ang ICI?
O baka naipagkamali niya ang ICI na ICC pa rin at kasama siya sa iimbistigahan.
Kaya alerto agad sa mga kapanalig sa Korte Suprema?
Sa 15 huwes ng Korte Suprema, labintatlo kabilang si Chief Justice Alexander Gesmundo ay pawang hinirang ni Duterte.
Natural ang mga inaanak ay magmamano sa Ninong.
Di ba iyun ang nangyari sa impeachment ni Sara?
Hatol ng Korte Suprema, unconstitutional, kaya tiklop ang Senate impeachment court, ibinasura ang impeachment – malaya si Sara.
Tuloy ang banat kay Bongbong.
Sa kalakaran, nagbabala si Digong kay Bongbong: “Baka lumakad ka sa landas na dinaanan ng iyong ama.”
Tinutukoy ang people power na nagpabagsak kay Presidente Ferdinand E. Marcos noong 1986.
Tagapagtaguyod ng people power na iyun sa Davao ay ang marubdob na Coryistang  si Soledad Duterte, ina ni Digong.
Sa kabila ng maraming kadakilaang  naiambag ng Marcos Sr. sa kaunlaran ng bayan, bigo pa rin ito nang pumanaw dahil sa marami pang pangarap para sa bansa na hindi niya nagawa.
Ito ang damdaming  ipinahayag ni Bongbong  sa  burol ng yumaong presidente noong1989: “Nahaharap ako sa dakilang  responsibilidad na punan ang mga sapatos ng aking ama.”
Onorableng panata.
Na sa takbo ng panahon ay matiyagang pinaghandaan.
Hanggang sa malantad ang kabuuan ng kaaway na kakabakahin.
Ang tunay na hamon kay Bongbong ay hindi ang kilalanin na may korapsyong nagaganap at dapat pigilan.
Ang korapsyon ay mabahong singaw lamang ng tunay na halimaw na siyang dapat kitilin.
Minsan nang kinilala ng kanyang ama ang halimaw na iyun. Pinangahasang labanan, ginapi, at sa mga guho nito ay natatag ang Bagong Lipunan na nagpatampok sa mga kaunlarang kailanman ay hindi pa naranasan ng bansa.
Umusbong ang mga industriya sa iba’t-ibang sektor: mining, steel, textile, automotive, etc. Sa agrikultura, dinebelop ang Masagana 99, isang maunlad na variety ng palay na napakasagana nga kung kaya kinopya ng ibang bansa tulad ng Thailand at Vietnam. Kaalinsabay ng land reform, mga kahalintulad na pag-unlad sa iba pang sektor ng ekonomiya na sa palagay ng mga eksperto, pangalawa na  sa Japan sa kaunlaran noon.
Malungkot, lahat nang ito ay wala na ngayon.
Bongbong, ibalik mo kay Duterte ang kanyang salita: “Baka lumakad ka sa landas na dinaanan ng iyong ama.”
Totohanin mo.
Ang landas na tinahak ng iyong ama ang siyang daan ng Pilipinas tungo sa kaunlaran.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -