26.1 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Secretary Pangandaman, naghatid ng tulong mula kay PBBM sa mga biktima ng bagyo sa Dinagat Islands

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGTUNGO si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sa Dinagat Islands nitong Miyerkules upang personal na ihatid ang tulong mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga biktima ng bagyong “Tino” at “Uwan” sa naturang lalawigan.

Matatandaang ipinag-utos ng Pangulo sa lahat ng ahensya ng gobyerno na personal na tutukan ang relief at recovery efforts sa mga lugar na labis na nasalanta ng mga bagyo upang mapabilis ang pagbangon ng mga apektadong komunidad.

“Pinadala po tayo ng ating Pangulong Bongbong Marcos dahil gusto po n’yang masiguro na nakakarating kahit sa pinakamalalayong parte ng ating bansa ang tulong ng pamahalaan. Gusto po niya na direktang nararamdaman ng ating mga kababayan ang kalinga ng gobyerno, lalo na dito sa Mindanao. Ganyan po nakikiramay at ganyan din po ang pagmamahal ng ating Pangulong Bongbong Marcos sa ating mga Pilipino,” pahayag ni Secretary Amenah.

Pinangunahan ni Secretary Pangandaman ang inspeksyon at pamamahagi ng mga food at non-food packs para sa mga residente ng Tubajon at Loreto — ilan sa mga pinakamatinding tinamaan ng magkasunod na bagyo sa rehiyon.

Sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of Civil Defense (OCD), Department of Information and Communications Technology (DICT), at mga lokal na opisyal ng probinsya at mga bayan, namahagi ang kalihim ng humigit-kumulang 2,600 family food packs at 250 tents mula sa DSWD, at 397 non-food family packs mula sa OCD.

Kasabay nito, sa tulong ng DICT, nagbigay din siya ng limang (5) STARLINK units para sa mga sumusunod na paaralan sa Dinagat Islands: Tubajon Central Elementary School, Trinidad Mapa-Gupana (TMG) High School, Brgy. Liberty Elementary School, Loreto Central Elementary School, at Loreto National High School.

Binigyang-diin din ni Secretary Pangandaman na maaaring humiling ng karagdagang pondo ang mga apektadong lokal na pamahalaan sa DBM upang mapabilis ang rehabilitasyon sa ilalim ng Local Government Support Fund. Maaari umanong gamitin ang pondo para makabili ng mga materyales sa pagpapatayo o pagsasaayos ng mga nasirang bahay.

“Mapalad naman po tayo dahil ang Local Government Support Fund po na mina-manage ng DBM, under the Office of the President po, ay pwede pong magbigay sa probinsya ng assistance para d’yan, tapos puwede pong bumili ang ating probinsya at puwede n’yo na po itong ipamahagi sa ating mga [kababayang] nasalanta,” ani pa ng kalihim.

Dahil sa magkasunod na bagyo, nakaranas ang rehiyon ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa, kung saan maraming tahanan at kabuhayan ang nawasak.

Sa bayan ng Loreto, 590 ang naitalang tuluyang nasira at 2,009 naman ang bahagyang nasira sa 10 barangay. Tinatayang umabot sa ₱917,000 ang pinsala sa agrikultura.

Samantala, sa bayan ng Tubajon, may 47 bahay ang tuluyang nasira at 1,345 ang bahagyang napinsala sa 9 barangay. Umabot naman sa ₱9.529 milyon ang tinatayang pinsala sa agrikultura. Sa ngayon, patuloy ang brownout, pagkawala ng komunikasyon, at pagkaantala ng suplay ng tubig sa naturang bayan.

Sa kanyang pagbisita, tiniyak din ng kalihim na, alinsunod sa utos ng Pangulo, patuloy na titiyakin ng DBM na may sapat na pondo ang mga kaukulang ahensya para sa relief at rehabilitation operations.

“Kami po, sa DBM, laging sinasabi ng Pangulo, na ’pag kailangan ng replenishment ng DSWD, ng OCD, ng DA, and even DPWH, na kung kailangan ng replenishment ng kanilang Quick Response Fund, mabilis po natin ’yang inaasikaso, pino-proseso at nire-release kaagad para po makarating sa inyo,” dagdag ni Secretary Amenah.

Kasama ng kalihim sa aktibidad sina Governor Nilo Demerey Jr., Loreto Mayor Doundre Bill Ladaga, Tubajon Mayor Simplicia Pedrablanca, mga kinatawan mula sa DSWD, DICT, OCD, iba pang lokal na opisyal, at DBM Undersecretaries Wilford Will Wong at Goddes Hope Libiran.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -