NANAWAGAN si Sen. Idol Raffy Tulfo para sa mas matibay na proteksyon at pananagutan sa pangangalaga ng kalikasan, lalo na sa pamamahala ng mga protected areas ng bansa.
Sa kanyang pahayag ng suporta sa Privilege Speech ni Sen. Erwin Tulfo ukol sa mahigpit na proteksyon sa Sierra Madre, binigyang-diin ni Sen. Raffy na nananatiling “reactive” o palaging huli sa aksyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagtugon sa mga pang-aabuso sa kalikasan.
“Ang problema sa ating kalikasan, kadalasan hindi na maibabalik ang mga pinsalang nagagawa. Kaya dapat prevention ang prioridad, hindi rehabilitation. Dahil taon, minsan dekada, ang kailangan para maibalik ang nasirang kalikasan. At ang halaga ng pagkasira ay hindi matutumbasan ng anumang pansamantalang benepisyo ng mga proyekto,” ani Sen. Raffy.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang Kaliwa Dam Project na kanyang tinutulan ilang taon na ang nakalilipas dahil sa hindi na mababalik na pinsala nito sa ecosystem ng Sierra Madre at sa sapilitang pagpapalikas sa mga katutubong komunidad.
Ipinatigil noon ng DENR ang proyekto matapos ang mga babala ng mga environmentalist na maaaring malagay sa panganib ang buhay ng humigit-kumulang 100,000 residente sa oras na maitayo ito.
“Sa ngayon, mukhang tuloy na naman ang Kaliwa Dam Project. Dahil ba nakalimutan na ito ng publiko? Naresolba na ba ang mga hinaing ng mga katutubo? Ayon sa MWSS, kalahati lang daw ng baryo ang maaapektuhan, pero sabi ng mga residente at katutubo, halos 90% ng lugar ang lulubog sa tubig dahil tanging mga bahay na nasa taas ng 70 metro pataas lang ang hindi tatamaan,” dagdag niya.
Nanawagan din si Sen. Raffy ng masusing pagrepaso sa Expanded National Integrated Protected Areas System (E-NIPAS) Act, na siyang batas na namamahala sa mga protected areas ng bansa.
“Kailangang mapahusay ang ating mga regulasyon. Dapat palakasin ang partisipasyon ng mga komunidad sa pagpapatupad ng mga ito. Dahil tulad ng mga proyekto sa imprastruktura, ang mismong mga komunidad ang unang nakakakita ng mga iregularidad. Sila ang may tunay na malasakit sa kalikasan,” aniya.
Dagdag pa ng senador, dapat ding isama sa mga ipinagbabawal at may karampatang parusa ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa mga ilegal na aktibidad sa loob ng mga protected areas.



