BAKAS NG nagdaan TANG pagsuyo (titik mula sa isang kundiman). DILANG masama, DILANG malupit?
Ano’ng ibig sabihin ng mga ito?
Dahil hindi na natin naririnig o nababasa ang mga panghalip na TA at DILAN, hindi natin maipapaliwanag nang wasto ang mga pariralang nabanggit.
Panghalip na TA? DILAN, isang panghalip? Never heard, ito ang sasabihin ng mga millennial at Generation Z. Kaya baka hindi na maintindihan ang mga sumusunod:
- Sa kundiman ni Nicanor Abelardo na may pamagat na “Nasaan ka, Irog?” may bahaging ganito sa bandang huli: Ang lahat sa buhay ko ay hindi maglalaho’t/magsisilbing bakas ng nagdaan TANG pagsuyo. (TANG: Hindi ito iyong kilalang brand ng powdered juice)
- Iligtas mo po kami sa DILANG masama.
- Mabait sa DILANG mabait kung di nagagalit nguni, malupit sa DILANG malupit pag totoo nang nagagalit. (DILA = tongue sa Ingles, kung gayon, bad tongue, good tongue, cruel tongue? HINDI.)
Ang #2 at # 3 ay mula kay Lope K. Santos (LKS).
Ang TANG ay mula sa TA + pang-angkop na NA, na naging -NG. Ang DILANG ay mula sa DILAN + pang-angkop na -NG. Mga panghalip ang TA at DILAN.
Ano ba ang panghalip? Ito ay terminong panggramatika na tumutukoy “sa mga salitang ginagamit sa pangungusap na panghalili sa pangngalang nabanggit na’y di na dapat ulitin, o nauunawaan na’t di kailangang sabihin pa uli.”Ito ang depinisyong ibinigay ni LKS sa kanyang Balarila ng Wikang Pambansa.
May iba’t ibang uri ng panghalip: panao, pamatlig, pananong, pamanggit, at panaklaw. Tatalakayin natin ang TA at DILAN lamang.
Ang TA
Ang TA ay panghalip panao (ginagamit sa tao) na nasa dalawahang panauhan – ibig sabihin, dalawang tao ang tinutukoy. Ang iba pang katulad nito ay KATA, KITA, KANITA, NITA. Ginagamit ang mga ito kapag ang nag-uusap ay magkauri, o magkapalagayang-loob. Ginagamit din ng nakatataas/nakatatanda kapag ang kausap ay nakababata/nakabababa.
Mga halimbawa:
Kapatid sa kapatid: Manood KATA ng palabas sa plasa mamaya. (Ikaw at ako ay magkasamang manonood)
Tatay sa anak: Ang KANITANG baon ay ubos na. (Akin at iyo, samakatwid, baon nilang mag-ama).
Magkasintahan: Mahal KITA. (KO + IKAW)
Sa ngayon, hindi na halos naririnig o nababasa ang KATA, KANITA, NITA at TA. Ginagamit na ang TAYO kapag magkasama ang dalawang tao; dati, ang TAYO ay gamit lamang kapag tatlo o higit pa ang magkakasama. Kapag dalawa lamang ang magkasama, KITA ang ginagamit: Manood kita ng sine bukas (Ikaw at ako). Samantala, ang TA, ayon sa paliwanag ni LKS, “ay gamitin lamang sa ilang lalawigang liblib, at karaniwang pangmabilisang pananalita, saka malamang na katumbas ng TAYO kaysa ng KATA.”
Ngunit balikan natin ang titik ng kundiman: “ang nagdaan TANG pagsuyo.” Ang awit ay naghahanap sa kanyang minamahal na hindi na nagpaparamdam man lamang, kaya ang linya ay tungkol sa nagdaan nang pagmamahalan nila. Kung “NATING pagsuyo,” ang ginamit sa halip na “TANG pagsuyo,” mas hahaba ang linya at mababawasan ang bigat ng paghahanap. Maaaring hindi gamitin sa lungsod ang TA pero sa awit na ito ay malikhaing nagamit ng nagtitik. Tandaan din natin na ang awit ay sinulat noong mga 1930.
Ang DILAN
Ang DILAN ay panghalip na panaklaw, na gayon ang tawag dahil may sinasaklaw na kaisahan, dami o kalahatan. Ang DILAN ay nagsasaad ng dami o kalahatan, tulad din ng LAHAT, TANAN, MADLA, PARA-PARA, PANAY, PAWA, PULOS, TAGANAS. Samakatwid, ang DILANG masama, DILANG malupit, ay nangangahulugang LAHAT ng masama, LAHAT ng malupit. Hindi DILA (tongue) kundi DILAN pero laging nauuna sa isang pang pang-uri tulad halimbawa ng “malupit” at “masama” kaya lagi ring may kasama nang pang-angkop. Dahil dito, mahirap nang matunton ang tunay nitong anyo na DILAN. May katulad itong salita, ang SAMPON/SAMPUN, na ginamit ni Balagtas sa kanyang “Florante at Laura”: O pag-ibig na makapangyarihan …/ SAMPUNG mag-aama’y iyong sinasaklaw. Nangangahulugang PATI, o KASAMA, hindi sampu (TEN sa Ingles).
Ang SILA
Tingnan naman natin ang usapan sa ibaba:
Bisita: Nariyan ba ang nanay mo? Puwede ba siyang makausap?
Sagot ng bata: Tatawagin ko po. Sino po SILA?
Iisa lamang ang bisita ngunit ginamit ng bata ang pangmaramihang panghalip sa ikatlong panauhan. Ganito nagpapahayag ng paggalang sa pakikipag-usap ang ating mga ninuno, hindi tuwirang sinasabi ang KAYO, at hindi IKAW, kahit iisa ang kausap bagama’t tanda na rin naman ng paggalang ang salitang ito. Kung hindi ka pamilyar sa ganitong anyo ng paggalang, maaaring pagtakhan mo ito. Gayon man, naglalaho na rin paunti-unti ang ganitong gamit, kaya karaniwan na ring maririnig ang ganitong sagot: Ano pong pangalan ang sasabihin ko? Magalang pa rin at hindi tuwiran ang pagtatanong. Maaari kasing ituring na kawalang-galang ang tuwirang tanong na: Sino po kayo?
Ang KANYANG Kamahalan
Karaniwang ginagamit sa mga palabas sa sine at telebisyon ang ANG KANYANG KAMAHALAN para tukuyin o ipakilala ang isang hari. Noong ipakilala ng dating Punong Komisyoner Ponciano Pineda ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang noo’y Pangulo ng Pilipinas na si Joseph Estrada, ginamit ng una ang ANG KANYANG KAMAHALAN bago banggitin ang pangalan ng dating pangulo. Sa palagay ko’y mali ang pagtutumbas ng ANG KANYANG KAMAHALAN sa Ingles na HIS EXCELLENCY dahil mali ang paggamit ng panghalip, at hindi isinaalang-alang ang tradisyon ng paggalang na nakagawian nating mga Pilipino. Ang dapat gamitin ay KANILANG sa halip na KANYA (Ang KANILANG Kamahalan), dahil nga sa tradisyon ng paggamit ng pangmaramihang ikatlong panauhan para tukuyin ang isang taong iginagalang. Bukod dito ay mali pa rin ang pagtutumbas dahil hindi naman hari si Estrada.
TAYO o AKO: May bulate ka ba?
Bunga rin siguro ng pagiging magalang, o para iwasan ang pagpapahalaga sa sarili, marami pa ring gumagamit ng TAYO sa halip na AKO gayong ang tinutukoy ay ang sarili lamang. Mga halimbawa: Noong kumandidato TAYO sa pagkasenador, sinikap NATING damhin ang pulso ng masa. Nang manalo TAYO at maupong senador, hindi TAYO nagsamantala sa pork barrel.
Madaling maunawaan sa mga halimbawang pangungusap sa itaas na AKO at KO/AKIN ang tinutukoy ng nagsasalita. Pero kung minsan, nakakalito rin kung may kasama ba, o nag-iisa lamang ang tinutukoy ng panghalip. Halimbawa: Nakaligtas KAMI sa sakuna pero napakalungkot na ng naging buhay NAMIN. Nag-iisa na KAMI sa buhay ngayong lumisan ang AMING ginang sa nasabing aksidente.
Nag-iisa na pala siya, pero laging pangmaramihan ang ginagamit na panghalip. Hindi ba nakakalito ang ganito para sa mga tagapakinig? May kasama ba siya o wala?
Ewan ko sa inyo. Ang alam ko, noon pang 17th century, isang manunulat na British ang nagsabi (hindi ko na maalala ang pangalan) na walang karapatan ang sino man na gumamit ng pangmaramihang anyo ng panghalip (WE sa halip na I), kung wala siyang BULATE sa tiyan. Kaya ako, hindi ko isinusulong ang paggamit ng KAMI kung ang ibig lang sabihin ay AKO, dahil wala akong bulate sa tiyan.
Ano sa palagay ninyo?



