32.3 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Designed to ‘Confuse and Corrupt’? Lacson, sinita ang mga ‘Duplicate’ Projects sa 2025 Budget ng DPWH

- Advertisement -
- Advertisement -

SINITA ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Martes ng gabi ang ilang “duplicate” na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa maanomalyang 2025 budget nito, na aniya ay posibleng idinisenyo para mag-“confuse and corrupt”

Sa kanyang interpellation sa budget ng DPWH para sa 2026, binanggit ni Lacson na ang mga duplicate na ito ay nasa ilalim ng Convergence and Special Support Program (CSSP), na malaki ang paglobo taon-taon mula 2023 hanggang 2025.

“Bakit ito palaging bloated every year? Significant ang kanyang pagtaas,” aniya.

Ayon kay Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian, na sponsor ng DPWH budget, ang mga pagtaas na ito ay “mostly congressional.”

Tinukoy ni Lacson na ang CSSP budget ng DPWH para sa 2024 ay may allotment na P174.088 bilyon sa National Expenditure Program (NEP), ngunit lumobo ito sa P410.91 bilyon sa 2024 General Appropriations Act — 136.08% na pagtaas.

Para sa 2025, lumobo ang CSSP budget mula P221.499 bilyon sa NEP tungo sa P504.226 bilyon sa GAA — 127.61% na pagtaas.

Para sa 2026, ang CSSP ay may P167.79 milyon sa NEP at P234.236 milyon sa House version ng budget bill — 39.6% na pagtaas.

Dagdag pa ni Lacson, sa ilalim ng CSSP budget ay natuklasan niyang maraming proyekto sa ilalim ng Sustainable Infra Projects Alleviating Gaps (SIPAG) ang may parehong pangalan ng mga proyekto sa ilalim ng Basic Infrastructure Programs (BIP), bagama’t magkaiba ang halaga.

Para sa 2026, binanggit niya na ang SIPAG ay may P69.725 bilyon sa NEP, na tumaas sa P111.03 bilyon sa House version, at P110.649 bilyon sa Senate version.

Ang BIP naman ay may P60.38 bilyon sa NEP para sa 2026, na umakyat sa P90.996 bilyon sa House version, ngunit bumaba sa P88.905 bilyon sa Senate version.

“Pag-aralan natin kasi baka nag-double appropriations tayo under different programs and projects pareho din. Different programs but same projects,” aniya.

Ilan sa mga proyektong may “duplicate” allocations sa 2025 budget ay ang mga sumusunod:

* Construction of Brgy. San Jose-Brgy. Bandi Road Package 2 sa Donsol, Sorsogon — P39.433M (SIPAG) vs. P150M (BIP)

* Road rehabilitation, Phases 1 and 2, Umingan, Pangasinan — P125M at P200M (SIPAG) vs. Phase 3 “construction/rehabilitation” — P17M (BIP)

* Construction of a road at Brgy. Guisican, Phase II, Labo, Camarines Norte — P30M (SIPAG) vs. Phase I — P100M (BIP)

* Rehabilitation of road, Phase 1, Brgy. Naspi to Brgy. Abucay, Pilar, Sorsogon — P100M (SIPAG) vs. Construction of Naspi-Abucay Road, Phase 2 — P50M (BIP)

“I hope ma-rectify… marami pang projects. I hope Sec. Dizon will take a look at all the project titles especially those exactly the same or na-Phase 1, Phase 2,” ani Lacson

Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa mga proyektong may parehong titulo at walang technical description, maaaring may discretion ang district engineer kung paano at saan ito ipapatupad.

Dagdag pa ni Gatchalian, simula sa susunod na taon ay pagsasamahin na ng DPWH ang dalawang programa sa 2027 budget. Ngunit giit ni Lacson, dapat itong gawin agad upang maiwasan ang pag-aaksaya ng pondo.

Unprogrammed appropriations

Muli ring nanawagan si Lacson na itigil ang pang-aabuso sa unprogrammed appropriations. Mula 2023 hanggang 2025, sinabi niyang P151.426 bilyon ang ginastos para sa flood control projects sa ilalim ng unprogrammed appropriations, bukod pa sa P1.006 trilyon mula sa programmed appropriations.

Kasama rito ang P34B sa 2023 budget; P107B sa 2024 budget; at P9.7B sa 2025 budget.

Tinukoy rin ni Lacson ang pag-aaral ng UP NCPAG na nagsabing 923 lamang sa mahigit 9,800 flood control projects (9.4%) ang walang issue, habang 29.9% ang potentially ghost projects; 6,290 ang chop-chop/fragmented or duplicated; at 5,423 ang doppelgangers.

 Mga reporma

Sinabi ni Gatchalian na may mga reporma nang ginagawa sa pakikipagtulungan ng DPWH. Kabilang dito ang paglalagay ng station numbers at technical descriptions sa infrastructure projects sa halip na “Phase 1” o “Phase 2.”

Magkakaroon na rin ng building IDs at coordinates para sa building projects.

“With you there and Sec. Vince at the helm of the DPWH, I think reforms are really underway and we fully trust Sec. Dizon and his team,” sabi ni Lacson.

Nagpasalamat si Gatchalian at binigyang-diin na si Lacson ang nagpasimula ng mga repormang ito.

“All these reforms were actually started by you. I remember when noong bago akong senador i would listen to you intently until the wee hours in interpellating the DPWH budget and you had been advocating this probably for decades na. So after decades meron na pong lumabas nang reporma at least here in the Senate,” tugon niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -