27.3 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Legarda, nais palakasin ang government communications, itinutulak ang modernisasyon ng PTV-4

- Advertisement -
- Advertisement -

BINIGYANG-DIIN ni Senator Loren Legarda, sponsor ng 2026 budget ng Presidential Communications Office (PCO), sa plenary session noong Nobyembre 25 ang kagyat na pangangailangan na labanan ang misinformation at ayusin ang mga pasilidad ng state-run People’s Television Network (PTV-4).

Bilang may malawak na karanasan sa media, sinabi ni Legarda na ang malinaw, tapat, at koordinadong mensahe ang dapat maging pundasyon ng pampublikong impormasyon.

“Messaging is so important. Disinformation, misinformation, inaccuracy, and messages lost in translation confuse the people,” pahayag ni Legarda. ““Even with good intentions, if you say it incorrectly or deliberately try to confuse, then that is wrong.”

Ipinunto rin niya na ang mensahe ay dapat nagmumula sa isang malinaw, na-verify, at mapagkakatiwalaang pinanggalingan upang mapanatili ang tiwala ng publiko.

“There must be a clear source of messaging. Isa lang ang gagawa ng mensahe; hindi pwedeng iba, hindi pwedeng nagsasalita nang walang vetting, na hindi na verify. Hindi pwede yung hindi alam. Hindi pwede yung hindi nag uusap,” sabi ni Legarda.

Sa harap ng lumalalang banta ng fake news at disinformation campaigns sa pampublikong diskurso, nagpahayag si Legarda ng matibay na suporta sa institutional reforms. Bukas siya sa mga panukalang tulad ng Anti-Troll Farm Act at ng Freedom of Information bill, na aniya’y magbibigay sa publiko ng mas malawak na access sa tumpak na impormasyon at makatutulong upang masawata ang mga organisadong kampanya ng panlilinlang online.

Tinalakay din ni Legarda ang estado ng PTV-4, partikular ang sirang pasilidad at matagal nang suliranin sa kapakanan ng mga empleyado nito.

“It’s clearly mismanaged. And for the past years, no capital outlay was given by the government,” aniya, na nagpapakita ng agad na pangangailangan para sa rehabilitasyon. Sinabi rin niyang handa siyang pag-aralan ang mga opsyon para pondohan ang capital outlay, at iminungkahi na maaari ring personal na tumulong ang ilang mambabatas kung papayagan ng Commission on Audit.

“If there are three studios, if it’s affordable, we can sponsor it, but we pay as a personal gift or donation if COA would allow,” aniya.

Matatandaang nagsilbi si Legarda bilang mamamahayag noong 1980s sa Maharlika Broadcasting Company (MBC), na kalaunan ay naging PTV-4.

Noong 2013, si Legarda ang pangunahing may-akda at co-sponsor ng Republic Act 10390, o ang Act Revitalizing the People’s Television Network, Incorporated (PTV), na nag-amyenda sa PTV Charter upang pahintulutan ang network na lumikha ng kita mula sa advertising at airtime sales, kung saan ang lahat ng pondo ay nakalaan lamang para sa operasyon at capital expenditures upang matiyak ang pagiging sustainable at viable ng estasyon.

Tiniyak ni Legarda ang kanyang buong suporta sa bagong pamunuan ng PTV-4 upang tugunan ang mga agarang pangangailangan para sa rehabilitasyon at mapabuti ang kondisyon ng mga empleyado bilang pagkilala sa mahalagang papel ng network bilang frontline platform ng impormasyon mula sa pamahalaan.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -