29.1 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Malakanyang: ‘Big fish’ sa flood control scam, aarestuhin na

- Advertisement -
- Advertisement -

TINIYAK ng Palasyo na kakasuhan at aarestuhin na sa mga susunod na araw ang mga malalaking personalidad na sangkot sa paglulustay ng pondo para sa mga flood control project.

Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co Larawan mula sa The Manila Times

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, inaasahang maghahain pa ng mga karagdagang kaso ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan, kasunod ng naunang kasong isinampa noong Nobyembre 18 laban kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at 15 iba pa kaugnay ng substandard na flood control project sa Oriental Mindoro.

“Tandaan natin, isang kaso palang ito ‘yung sa Oriental Mindoro. Marami pang isasampa in the next few days at sigurado ako kasama na dyan ‘yung mga big fish,” pahayag ni Gomez sa panayam sa dzRH nitong Martes.

Muling iginiit ng PCO chief ang pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang mga sangkot sa scam ay aarestuhin at ipakukulong bago mag-Pasko.

“Itong huling kasong sinampa, may isang malaking balyena na tayong kinasuhan, si Rep. Zaldy Co. So, marami pa, marami pa sa darating na araw bago mag-Pasko,” diin ni Gomez.

Binibigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng matibay na kaso upang masiguro na makapapasa ito sa masusing pagsusuri at mahatulan ang mga may sala.

Naglabas na ng warrant of arrest laban kay Co at 15 opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Mimaropa regional office, at Sunwest Construction and Development Corporation dahil sa anomalya sa flood control project sa Mag-Asawang Tubig River sa Naujan, Oriental Mindoro.

Ang mga kaso ay nakabatay sa ebidensiyang nakalap ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nilikha ni Pangulong Marcos at ng DPWH.

Siyam sa mga akusado ay naaresto na at dinala sa Sandiganbayan, habang si Co at anim pang akusado ay nananatiling at large at tinutugis ng pulisya.

Muling iginiit ng PCO chief na sisiguraduhin ng Pangulo na matatapos ang imbestigasyong kanyang sinimulan upang sugpuin ang korapsyon sa mga proyekto ng DPWH at papanagutin ang mga umaabuso sa pondo ng bayan. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -