34.6 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Ang siyentipikong pagsisiyasat sa ekonomiks

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG ekonomiks ay hindi lamang natutungkol sa paglalahad ng teorya na kadalasan ay nakabatay sa pangangatwirang logical. Upang maging makatotohanan ang disiplina kinakailangan ang pagbibigay ng ebidensya na nararanasan ng ating mamamayan na inilalarawan ng mga teoryang ekonomiko. Samakatuwid, upang maging makatotohanan ang mga teoryang ekonomiko kinakailangang nasubok ang mga ito sa pangangatwirang empirical at hindi lamang sa pangangatwirang logical.

Ang pangangatwirang empirical ay nakabatay paghahanap ng matibay na relasyon sa pagitan ng sanhi at epekto. Hindi nating maaaring sabihing nangyari ang isang bagay dahil sa isang sanhi batay lamang sa sabi sabi, kuro kuro, kwento o karanasan ng iilan o batay lamang sa pangangatwirang logical.

Halimbawa, ang pagpapataw ba ng dagdag na buwis sa sigarilyo ang naging sanhi ng pagbaba ng demand sa sigarilyo? Sa antas ng pangangatwirang logical ito ay totoo dahil ayon sa batas ng demand. Kapag tumataas ang presyo ng sigarilyo sa pagpapataw ng dagdag na buwis lumiliit ang dami ng demand. Ngunit hindi ito isang empirical na ebidensya na ang buwis talaga ang sanhi ng pagbabawas ng paninigarilyo mga tao. Upang maging matibay ang pagpapatunay sa sanhi kailangang kumuha tayo ng aktuwal na impormasyon sa mga mamimili ng sigarilyo.

Ang pangangatwirang patunay sa sanhi ay isang siyentipikong pamamaraan ng pagpapatunay sa sanhi ng nangyayaring bagay. Isang paaraan upang maisagawa ang pangangatwirang patunay sa sanhi ay paghahambing ng dalawang grupo sa pagkonsumo nila ng sigarilyo. Ang unang grupo ay tumanggap ng pagbabago o treatment group. Ito ang grupong  nakalasap ng pagpapataw na dagdag na buwis sa sigarilyo. Ang ikalawang grupo ay binubuo ng mga indibidwal na hindi nakaranas ng dagdag na buwis sa sigarilyo. Ito ay tinatawag na control group.

Upang maipaghahambing ang dalawang grupo kinakailangang mayroon silang mga katangiang magkakatulad. Dahil ang dalawang grupo ay may parehong mga katangian at ang tanging pagkakaiba nila ang pagpapataw ng dagdag na buwis ng sigarilyo sa grupong tumanggap ng pagbabago. Kung maoobserbahan nating bumaba ang demand sa paninigarilyo sa grupong tumanggap ng pagbabago kung ihahambing na kinontrol na grupo may malakas tayong ebidensiyang empirical na sabihing ang pagbaba ng pagkonsumo ng sigarilyo sa grupong nakaranas ng dagdag na buwis sa sigarilyo ay sanhi ng pagpapataw ng dagdag na buwis sa sigarilyo.


Isang espesipikong pamamaraan ng pagsasagawa ng pangangatwirang  patunay sa sanhi ay ang paggamit ng propensity score matching (PSM). Ang PSM ay isang pamamaraan ng pagtutugma sa propensity score ng grupo tumanggap ng pagbabago at ng grupong kinontrol. Ang propensity score ay isang bilang na naghahayag ng kabuoang bigat ng mga katangian ng isang indibidwal ay makapag-ambang sa probabilidad na  mabilang sa grupong tumanggap ng pagbabago.

Upang maunawaan ito nang lubos magbigay tayo ng isa pang halimbawa. Ang mataas na pag-iimpok ba ay sanhi ng padalang salapi? Tignan natin ang mga hakbang upang isagawa ang PSM sa tanong na ito.

Una, kailangan magsagawa ng isang pagsusuring regression na susukat sa mga  koepisyente ng mga katangiang sosyo-ekonomiko at demograpiko na may makabuluhang epektong estadistikal sa probabilidad na makatanggap ng padalang salapi ang isang pamilya.

Ikalawa, hahanap ng mga pamilyang tumanggap ng padalang salapi o treatment group na may mga katangiang sosyo-ekonomiko at demographiko na nasukat sa naunang pagsusuring regression na may makabuluhang epektong estadistikal sa probabilidad makatanggap ng padalang salapi.

- Advertisement -

Ikatlo, hahanap ng mga pamilyang hindi tumanggap ng padalang salapi ngunit o control group na may mga katangiang sosyo-ekonomiko at demographiko na nasukat sa naunang pagsusuring regression na may makabuluhang epektong estadistikal sa probabilidad na makatanggap ng padalang salapi.

Ika-apat. susukatin ang propensity score ng bawat pamilya sa treatment group at sa control group.

Ikalima, ipaghambing ang propensity score ng mga pamilya sa pagitan ng treatment at control group. Pumili ng mga pamilyang sa treatment group at control group na may magkakaparehong propensity score. Dahil dito masasabi nating maihahambing na ang dalawang grupo batay sa pagtutugma ng kanilang propensity score.

Ika-anim, kahit na magkakapareho ang kanilang propensity score kailangang balanse ang mga ito at walang makabuluhang pagkiling o bias sa pagitan ng diferensya sa treatment group at control group. Kinakailangan ding halos magkakapareho ang distribusyon ng mga obserbasyon sa bawat nagpapaliwanag ng varyabol na may makabuluhang epektong estadistikal sa naunang regression. Ibig sabihin ang average at variance ng bawat koepisyente ng dalawang grupo ay halos magkakapareho. Dahil walang makabuluhang pagkakaiba o bias masasabi nang balanse ang pagtutugma.

Ikapito, sukatin ang average na pag-iimpok sa treatment group na naitala sa PHP 2300 bawat buwan. Sukatin din ang average na pag-iimpok sa control group na naitala sa PHP 2275 bawat buwan.

Ikawalo, isailalim sa pagsubok ang dalawang halaga ng pag-iimpok at kapag walang nakitang makabuluhang pagkakaibang estadistikal sa pagitan ng treatment at control group, masasabi nating walang kinalaman ang padalang salapi sa pag-iimpok ng pamilyang tumanggap ng padalang salapi.

- Advertisement -

Maraming kailangang hakbang upang maisagawa ang makatwirang patunay sa sanhi ng isang bagay na nangyari. Ganito ang maayos na paraan ng mga siyentista.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -