28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Guhit, Bulilit, Guhit: Ang exhibit ng grupong ‘Ang INK’ bilang tribute kay Robert Alejandro

- Advertisement -
- Advertisement -

PAMILYAR sa ating lahat ang pangalang Robert Alejandro. Linggo-linggo siyang napapanood dati sa kanyang TV show sa GMA-7 na ‘Art is Kool’ bilang si Kuya Robert. Dito’y tinuturuan niya ang mga batang manonood kung paano magdrowing o gumawa ng iba pang crafts. Talagang hinihintay siya ng maraming bata upang matuto ng iba’t ibang sining mula kay Kuya Robert. Makikita namang matiyagang ipinakikita ni Robert sa mga bata ang mga hakbang sa paglikha ng sining.

Si Robert Alejandro: Isa sa tagapagtatag ng grupong Ang INK.

Pero bago pa man siya napanood sa telebisyon, si Robert ay isa nang kilalang ilustrador ng mga aklat pambata (kagaya ng aklat na ‘The Unicorn’ at ‘Chun’ ni Marivi Soliven). Katunayan, isa siya sa founding members ng Ang Ilustrador ng Kabataan (o Ang INK), ang nangunguna at nag-iisang organisasyon ng mga ilustrador na tutok sa pag-unlad ng sining pambata sa ating bansa. Abala rin siya noon sa paglikha ng iba’t ibang artworks o ilustrasyon para sa kanilang family-owned business na Papemelroti, isang novelty gift shop na matatagpuan sa ating malalaking malls. Napakaraming beses ko nang nakabili ng mga magagandang items mula sa shop na ito. Hindi ko pa man kilala noon ang artist na nasa likod ng magagandang disenyo.

Ang mga miyembro ng Ang INK sa kanilang ‘Guhit, Bulilit, Guhit!’ exhibit sa Museo Pambata: Likod, mula kaliwa: Jandy Carvajal, Fran Alvarez, Iori Espiritu, Rommel Joson, Ivan Reverente, Kim Santiago, Kulas Jalea; Harap, mula kaliwa: Jill Posadas, Domz Agsaway, Pergy Acuna, Liza Flores, Angela Taguiang, Gelo Andres, Arvi Delos Reyes.
‘Belen’ ni Robert Alejandro

Si Robert ang ‘RO’ sa Papemelroti shop. Ang pangalan ng kanilang shop ay mula sa pinagsama-samang unang syllable ng pangalan ng limang magkakapatid: PA-Patsy, PE-Peggy, MEL-Meldy, RO-Robert, TI-Tina. Minana ng magkakapatid ang popular na shop mula sa mga magulang na nagtatag ng naturang negosyo. Kahit na noong panahong nakikipaglaban si Robert sa colon cancer, hindi siya tumigil sa paglikha ng ilustrasyon/artworks para sa Papemelroti. Kahit nga ang belen ay may sariling bersiyon din na ginawa si Robert. Lalo nang hindi malilimot ng tao si Robert sapagkat kapag darating ang ganitong Kapaskuhan, ang mga orihinal niyang likhang belen ay mabibili pa rin sa Papemelroti.

Pinangunahan ni Robert ang paggawa ng mural para sa ATD

“Isang taon na mula nang lumisan si Robert dahil sa kaniyang naging karamdaman,” ito ang paalala sa akin ni Liza Flores, ang dating Pangulo ng Ang INK. “Naisip ng aming organisasyon na sa exhibit naming ito, magbibigay-pugay kami sa naging kontribusyon sa lipunan ng isang tagapagtatag ng aming samahang Ang INK,” dagdag pa niya.  Kaya bilang pag-alala sa kaniyang naging buhay na nagsilbing inspirasyon sa marami, ang  taunang exhibit ng Ang INK (para sa taong 2025) ay isang tribute sa alaala ng isa nitong dedicated member – si Robert Alejandro:  award-winning illustrator, graphic artist, painter, at crafter.

Si Kuya Robert at ang mga bata sa Street Library program ng ATD
Si Robert Alejandro at ang mga batanng makasining

Tinawag na ‘Guhit, Bulilit, Guhit!’ ang naturang exhibit na kasalukuyang tumatakbo sa Balay Yatu ng Museo Pambata sa Roxas Boulevard, Manila. Bukod sa Museo Pambata, naging kapartner ng Ang INK ang All Together in Dignity (ATD) Fourth World, isang pandaigdigang organisasyon na nakatuon sa poverty alleviation na may tumatakbong programang Street Library, literacy tutoring, at iba pang programang naglalayong makaigpaw ang mga Pilipino sa matinding kahirapan. Sabi nga Founder ng ATD Fourth World na si Joseph Wresinski, “Wherever men and women are condemned to live in extreme poverty, human rights are violated. To come together to ensure that these rights be respected is our solemn duty.


Nang nabubuhay pa si Robert, sinuportahan niya ang mga programang ipinatutupad ng ATD. Bagama’t nanggaling sa nakaririwasang pamilya, may soft spot sa puso niya ang mga batang dumaranas ng kahirapan. Naniniwala siyang ang sining ay isa sa mga kasangkapan upang matugunan ang krisis na ito. Kaya nandoon siya sa mga kalye ng lungsod habang kinukuwentuhan ang mga bata sa pamamagitan ng pagguhit o pagdodrowing. At dahil likas na mabait at magiliwin sa mga bata, hindi naging mahirap para kay Robert na abutin ang mga paslit.

Isang pagpupugay ang ‘Guhit, Bulilit, Guhit’ eksibit sa malalim na paniniwala ni Alejandro na ang sining ay para sa lahat; na ang bawat bata ay dapat na ma-empower na lumikha, mag-imagine, at sabihin ang kaniyang sariling kuwento. Ang naturang eksibit ay may temang ‘ART AND CHILDREN’. Ang bawat miyembro ng grupong Ang INK ay lumikha ng artworks/painting kung saan makikita na ang mga bata’y lumilikha ng sining o kaya’y nagpapakita ng naging karanasan ng bata sa sining. Pinagsama-sama sa naturang eksibit ang mga nilikhang artworks ng mga miyembro ng Ang INK, ang mga larawan, videos, at mga piling piyesa mula sa archive ng ATD. Ito’y upang lalong mapalutang ang naging presensiya ni Robert sa mga komunidad kung saan siya’y nag-iwan ng malalim na impact.

- Advertisement -

Gaya ng naging exhibit ng Ang INK sa Ayala Museum noong nakaraang taon, nagtulong-tulong ang bawat miyembro ng Ang INK na maisakatuparan ang isa na namang makabuluhang eksibit. Tunay na kay gandang paksain ng ‘Art and Children.” Maituturing na natural artists ang mga bata sapagkat bigyan mo lamang sila ng papel, panulat, krayola, o gunting at tiyak na may lalabas na bagong likhang-sining.

Itinatag ang Ang INK noong 1991. Layon nito na mapayaman at maiangat ang sining biswal ng pagguhit para sa mga bata. Nais din ng naturang grupo na makapag-ambag sa ‘professionalization’ ng naturang industriya. Pero higit sa reputasyon ng grupo bilang organisasyon ng mahuhusay na children’s book illustrators sa bansa, nais din nilang makilala bilang isang organisasyon kung saan kakikitaan ng pag-asa ang likhang-sining ng mga ‘young at heart.’ Sa ngayon, maraming committed members ang bumubuo ng grupong ito.

Mabuti at may organisasyong gaya ng Ang INK. Iba nga naman ang kahingian at sensibilidad kung nagnanais tayong gumuhit para sa mga bata. Noong bata pa ako, sa eskuwelahang pinag-aralan ko sa aming lalawigan sa Nueva Ecija, natatandaan kong pumipila ako sa kaklase naming mahilig gumuhit. Kahit kasi ano ay kaya nitong iguhit. Nagbabayad pa ako ng munting halaga para sa kanyang pagguhit. Sa mga booksigning events ko (kung saan may mga bata), may pagkakataong natatanong pa ako ng ilang bata kung ako rin daw ba ang gumuhit ng aking libro. Pakiwari ko ba’y mas impressed sila sa taong may kakayahang gumuhit kaysa sa taong nakasusulat ng kuwento. Kaya hindi kataka-takang maraming bata ang humanga sa galing at husay ni Alejandro.

- Advertisement -

Hindi maramot si Robert sa kanyang talento’t panahon. Patunay ang kanyang pagiging matagal na volunteer para sa ATD at Museo Pambata, mga organisasyong malapit sa kanyang puso. Ang taglay niyang kabaitan at pananalig sa kapangyarihan ng ‘creativity’ ay nagsisilbing inspirasyon sa parehong bata’t nakatatanda na tuklasin ang ‘artist’ sa loob natin. At kahit paano ay makatulong sa pagpapahusay ng daigdig.

Kahapon, Disyembre 21, ay kaarawan ni Robert Alejandro. He would have been 62. Bata pa kung tutuusin. Hindi pa siya dapat lumisan sa daigdig. Ngunit may ibang plano ang Panginoon para sa kanya. Maaaring naisip Niya na sapat na ang mga binhing naipunla ni Robert sa puso ng mga bata’t kabataan na pursigihin at payabungin ang sining. Kaming lahat na nasa larangan ng panitikang pambata ay umaalala at nagpupugay sa naging pamana ni Robert Alejandro sa sining pambata.

Ang pamagat ng eksibit ng Ang INK ay isang paalala rin sa mga bata na tupdin ang atas ng pagiging likas na malikhain. “Guhit, Bulilit, Guhit!” Halina’t puntahan ang eksibit na ito ng Ang INK na pumapaksa sa ‘art and children’ at tuloy ay gunitain ang naging kontribusyon ng INKie na si Robert Alejandro. Ang Guhit, Bulilit, Guhit! ay nagbukas noong November 22, 2025 at magpapatuloy hanggang  February 7, 2026 sa Balay Yatu Mini Galleries sa Museo Pambata, Roxas Boulevard cor South Drive, Manila. Ang visiting hours ay tuwing Biyernes at Sabado, 10 am to 5 pm, at  Linggo, 1-5 pm. Kung nais dumalaw rito sa ibang petsa, makipag-usap lamang sa Museo Pambata. Museum admission is available onsite or via Klook. Para sa dagdag pang impormasyon sa Guhit, Bulilit, Guhit!, kontakin ang Ang INK at [email protected], or Museo Pambata via PJ Natoza at [email protected].

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -