HABANG inaabangan ng buong bansa ang paglagda ng Pangulo sa 2026 national budget, tiniyak naman ni Senador Win Gatchalian na mapapabilis ng naturang budget ang pagpapatayo ng mga silid-aralan upang tugunan ang kakulangan sa mga pasilidad para sa edukasyon.
Sa ilalim ng enrolled na 2026 budget, P85 bilyon ang inilaan para sa pagpapatayo at pagkumpuni ng mga silid-aralan. Sa halagang ito, P65.9 bilyon ang nilaan para sa pagpapatayo, pagpapalit, at pagkumpleto ng mga school buildings para sa kindergarten hanggang high school, pati na rin ang mga technical-vocational laboratories.
“Hindi lamang tayo naglaan ng mas malaking pondo para sa pagpapatayo ng mga classrooms. Tiniyak din nating mapapabilis ito sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng iba’t ibang sektor,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
Ipinaliwanag din ng senador na pahihintulutan ang Department of Education (DepEd) na gumamit ng iba’t ibang paraan para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, kabilang ang public-private partnership.
Maaaring pumasok sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Public Works and Highways (DPWH), mga kwalipikadong local government units, civil society organizations (CSOs), non-governmental organizations at ang Armed Forces of the Philippines Corp of Engineers.



