AYON kay Senador Win Gatchalian, naglaan ng P2.9 bilyon ang panukalang 2026 budget para sa pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program at sa paglikha ng Learner Wellness Division.
Ang naturang pondo ay alinsunod sa pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na inakda ni Gatchalian. Inaatasan ng batas ang pagbuo at pagpapalakas ng School-Based Mental Health Program upang isulong ang kapakanan ng mga mag-aaral. Saklaw ng programa ang pamamahala sa mga usapin tungkol sa mental health ng lahat ng mag-aaral, kabilang ang pag-iwas sa mga insidente ng pagpapakamatay sa mga paaralan.
“Kinikilala natin ang bigat at agarang pangangailangan na tugunan ang mga suliranin sa mental health ng mga kabataan. Kaya bahagi ng makasaysayang pondong inilaan natin para sa sektor ng edukasyon ang pagtataguyod sa mental health at kapakanan ng ating mga mag-aaral,” pahayag ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Finance.
Nakasaad din sa implementing rules and regulations (IRR) ng batas ang paglikha ng Learner Wellness Division sa ilalim ng Bureau of Learner Support Services. Ang nasabing dibisyon ang mangangasiwa sa pagtatakda ng taunang mga target para sa pagpapatupad ng batas, kabilang ang pagtatatag ng mga school mental health offices at care centers, gayundin ang pagpuno sa mga kinakailangang plantilla positions.



