“I’m so impressed with the Philippines as the Guest of Honor this year. The line-up of talks and fora are very impressive!” Ito ang bungad sa akin ni Lucia Obi, ang kasalukuyang director ng International Youth Library (IYL), ang pinakamalaking children’s book library sa buong daigdig, nang makasalubong ko siya sa Philippine National Stand. Pangatlong araw na iyon ng idinaos na Frankfurt Book Fair at maraming fora o talakayan ang nadaluhan na niya.
Sa pakikipagkuwentuhan sa akin ni Obi, paulit-ulit ang pagbanggit niya ng mga salitang ‘impressive’ at ‘impressed.’ Nasa tinig niya ang labis na tuwa. Nagustuhan niya kung paano pinagplanuhan ang mga topics sa mga panel discussions. Balanse raw ito. Sabi ko’y babanggitin ko ito sa Guest of Honor committee ng ating bansa, partikular kay Karina Bolasco na siyang nag-curate ng mga topics. ‘We didn’t know that Filipinos could speak good English!” Iyon din daw ang isa pang narinig ni Lucia sa ilan niyang nakatabi sa audience habang nakikinig sa mga panel discussions. Nabuksan ang mata ng iba’t ibang lahi sa kakayahan nating magpahayag ng sarili sa wikang Ingles.
Nakatutuwang marinig ang ganoong komento mula kay Obi pero sa kabila nito’y nahiling ko rin na sana’y naitampok din ang wikang Filipino sa mga pandaigdigang talakayan. Puwede namang may translator (pero dagdag-gastos ito?) sa mga ganitong fora kung paanong sa mga pelikulang Pinoy na ipinalalabas sa abroad ay may nakalagay na English subtitles. Kay ganda rin sanang mapakinggan ng mga Aleman at iba pang mga lahing naroroon ang paraan nang pagbigkas natin sa sariling wika (na lagi’t lagi’y naisasantabi sa mga pandaigdigang pagtitipon).
Halimbawa, mas gugustuhin kong pakinggan ang ating pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario sa wikang Filipino sapagkat isa siya sa masugid na nagtataguyod nang pag-unlad ng wikang ito. Kahit sana mahusay tayong magsalita sa English, sana’y mahusay din nating naipahahayag ang sarili sa ating pambansang wika sa international stage. Ganoon din ang pananaw ng kasamahan kong manunulat ng aklat pambata na si Augie Rivera. Bumilib ako sa Philippine Madrigal Singers na kumanta ng maraming awiting bayan gaya ng Bahay-Kubo at Sitsiritsit sa wikang Filipino sa bawat pagtatapos ng isang talakayan.
Siyanga pala, bago pa umalis patungong Germany ang mga delegadong binubuo ng mga manunulat, ilustrador, publisher, at iba pang ‘creatives,’ may nangyaring panawagan para i-boycott ang Frankfurt Book Fair. Marami ring manunulat ang umatras sa pagpunta sa Frankfurt Book Fair. Ito’y nag-ugat sa katayuan ng bansang pinagdarausan ng book fair – ang Germany – na nakasuporta sa gobyerno ng Israel (na kaalitan ngayon ng bansang Palestina). Dahil sa nangyayaring giyera na halos mauwi sa ‘genocide’ o pagpuksa sa buong lahing Palestina, sa tingin nila’y di marapat na suportahan pa ang naturang book fair na ginaganap sa Germany.
Iginalang namin ang kanilang naging pasya; kung paanong inaasahan kong iginalang din nila ang aming naging pasya na tumungo at maki-engage sa Frankfurt Book Fair. Nagkaroon din naman ng dayalogo sa pagitan ng mga manunulat na nag-boycott at ni Senadora Legarda, ang ‘ninang’ ng pagiging Guest of Honor ng Pilipinas sa FBF, noong Mayo 2025 tungkol dito. Binanggit ni Senadora Legarda na sampung taon ang inabot mula nang magsimulang mag-bid ang Pilipinas para maging Guest of Honor. At noon ay wala pa ang matinding giyera na nangyayari sa pagitan ng dalawang bansa. Ngayon ngang nasa atin na ang pagkakataon upang maitampok ang Pilipinas sa pandaigdigang book fair, marami naman ang nagpasyang huwag sumama kahit inimbitahan pang makibahagi sa book fair na ito.
Hindi ko malilimutan ang binanggit ng manunulat na si Butch Dalisay patungkol sa naturang boycott. Kahit daw naiintindihan at iginagalang niya ang naging pasya ng ilang kamanunulat na nag-boycott, doon daw sa mga tumugon at nagpatuloy na pumunta, ang sabi niya’y “engagement at hindi withdrawal” ang naging punto ng kaniyang pagdalo (na sinang-ayunan din ng nakararaming delegado), kasama na ang inyong lingkod.
“Hindi kami less humane dahil hindi kami tumugon sa boycott,” sabi ng isang manunulat na delegado. “Kung paanong iginagalang ko ang kanilang pasya (patungkol sa pag-boycott ng FBF), sana’y irespeto rin nila ang aming naging pasya.” Agad akong sumang-ayon sa kanya dahil batid ko sa aking sarili na kaya kami dumalo sa Frankfurt Book Fair ay upang maipakita sa buong daigdig ang industriyang mayroon tayo pagdating sa panitikan, aklat, at paglalathala. At sa tingin ko’y walang masama roon. Pero ang i-invalidate ang aming partisipasyon at pangunahan ang aming nararamdaman patungkol sa book fair na ito ay hindi marapat. Hindi rin totoong para sa pansariling kapakanan lamang ang layon ng pagdalo. Nandoon kami upang katawanin ang mga genre ng pantikan na kinabibilangan namin.
Sa isang munting parke sa harap ng mga higanteng gusali kung saan idinaos ang dinarayong Frankfurt Book Fair ay may naganap ding alternative book fair: ang Palestine Liberatory Book Fair. Pinahintulutan ito ng siyudad ng Frankfurt kaya maayos itong naisakatuparan. Binisita ko ito. Nakita ko ang mga artworks na likha ng mga Pinoy illustrators na naka-display sa naturang book fair ng mga Palestino. Dinayo ng marami nating kababayan ang naturang ‘liberatory book fair’ upang kumustahin ang lagay ng mga Palestinong labis na naapektuhan ng giyera.
Hindi naman ngunit dumalo kaming mga manunulat sa Frankfurt Book Fair ay hindi na kami nakikisimpatiya sa nararanasang pighati ng mga Palestino. Sino ba namang manunulat na nasa katinuan ng isip ang gugustuhing may mamatay o magdusa sa ano mang lahi ng daigdig? Sa Guest of Honor pavilion ay nagkaroon ng talakayan tungkol sa kung ano ang papel ng panitikan sa mga sitwasyong ganito. Nakibahagi sa ilang panel discussions ang ilang prominenteng Palestinian authors. Batid din nilang marami ring Pilipinong manunulat ang di tumuloy sa Frankfurt Book Fair bilang pakikiisa sa kanilang kalagayan. Isang Palestinian author pa ang sumulat sa NBDB upang ipahayag ang kanyang pasasalamat sa nakitang suporta ng mga Pilipino sa kanila. Ayon sa kanya, ang ‘Philippine pavilion’ ay nagsilbing ‘safe space’ at refuge para sa kanya.
Sa Philippine Pavilion, isang pagtatanghal ang ginawa ni Camille Abaya tungkol kay Sisa. Pinamagatang ‘Ang Panaghoy ng Pinakamiserableng Babaeng Katha ni Rizal’ ( o Lament of the Most Wretched Woman Written by Rizal), ang monologong ito ay isinulat nina Allan Derain at Rowena Festin. Nagkaroon din ito ng salin sa wikang Aleman habang itinatanghal. Kilala nating lahat si Sisa bilang babaeng tauhan sa nobelang ‘Noli me Tangere’ na biktima ng labis na kahirapan, kawalang katarungan, at colonial cruelty. Nabaliw siyang matapos na masaksihan ang pagmamalabis ng mga prayle sa kanyang mga anak na sina Basilio at Crispin.
Sa palabas, ang multo ni Sisa ay nagbalik. Sa simula’y hinahanap niya sina Basilio at Crispin. Nang biglang mapunta siya sa panahon ng Tokhang sa bansa at tinawag niya ang mga pangalan ni Kian at iba pang anak na napatay sa ‘war on drugs’ sa bansa. Kalaunan ay tatawagin pala niya ang pangalan ng ilang mga batang namatay sa Gaza. It brought to life the unseen and the unspoken. Napakahusay ng direksyon ni Missy Maramara. Sa palabas na ito, malinaw na hindi kinalimutan ng mga delegado sa FBF ang kanilang pakikiisa sa tawag ng katarungan para kapakanan ng sangkatauhan. The performance dares to ask: what specters rise when we celebrate books and literature? Sabi nga ng isang post mula sa Grana Books: the performance reminds us that imagination is not only a refuge, but a reckoning: every page we turn summons the voices that refuse to be forgotten.
Ang naturang pagtatanghal ay nasaksihan sana ng mga kamanunulat naming piniling mag-boycott sa pagtungo sa Frankfurt Book Fair. Napuntahan din sana nila ang idinaos na Palestinian Liberatory Book Fair at nakausap ang mga Palestinong manunulat na pinili pa ring dumalo sa Framkfurt Book Fair.

