“Keep it clean, do it fast.”
Inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA), na hawak na ang responsibilidad sa mga proyekto ng farm-to-market roads (FMR), na tiyakin na ang konstruksyon ng mga kalsadang ito ay isasagawa nang may integridad at matatapos agad, bilang bahagi ng pangako ng administrasyon sa pananagutan at transparency.
“Unang-una, pangalan ko po at pangalan ng ating Pangulo ang nakataya dito at ang ating Pangulo ay talagang malinaw ang direktiba sa aming lahat: ‘Keep it clean, do it fast,” pahayag ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa isang press briefing sa Malacañang nitong Huwebes, habang nagpapasalamat kay Pangulong Marcos sa mas mataas na alokasyon sa DA sa ilalim ng PhP6.793 trilyong 2026 General Appropriations Act (GAA).
Sa ilalim ng pambansang badyet para sa 2026, tinatayang PhP215 bilyon ang inilaan sa DA, na nagpapakita sa matibay na pangako ng administrasyon sa seguridad sa pagkain, pagpapaunlad sa kanayunan, at produktibidad sa agrikultura.
Sa direktiba ng Pangulo, binigyang-diin ni Tiu Laurel na titiyakin ng DA na sa pagpapatupad ng mga proyektong FMR ay hindi na mauulit ang mga anomalya na dati nang naiuugnay sa mga flood control projects.
Tiniyak niya sa publiko na ang mga proyektong FMR ay daraan sa tamang costing at iiwas sa uniform costing practices na ginamit sa mga nakaraang administrasyon.
Idinagdag ni Laurel na nakipag-ugnayan na siya sa pribadong sektor at nakipagpulong sa mga kilalang kumpanya upang suriin ang mga halaga ng proyekto, at binigyang-diin na ang mga hakbang na ito ay para maiwasan ang overpricing at matiyak ang transparency.
“Actually as of today, magmi-meet ngayon sa office naming iyong civil society groups that are willing to sign a MOA with them to help us monitor this and it will be so transparent, every single Filipino can actually go to this portal and see what is happening to every single road na ginagawa,” ayon kay Tiu Laurel. | PND



