Katapusang Bahagi
DUMATING na tayo sa di-maiiwasang pagtatanong: Anong partikular na interes ng Amerika ang dapat mapangibabaw sa panahon na ito na kung kaya dapat na palitawing bagsak na ang tiwala ng sambayanan Kay Bongbong?
Alam ng lahat na pangunahing adhikain ng Amerika sa Asya Pasipiko sa ngayon ay pigilan kung hindi man gapiin ang mabilis na pag-angat ng China sa lahat ng larangan. Mapa-ekonomiya, teknolohiya at kakayahan sa giyera. Nito lamang kararaang mga araw, nagsagawa ang China ng impresibong malawak na mga ehersisyong pandigma sa mga katubigan at himpapawid sa paligid ng Taiwan bilang maliwanag na pakita sa buong mundo hindi lamang ng kahindik-hindik na lakas militar nito kundi ng paninindigan sa pag-angkin sa Taiwan bilang kanyang probinsya.
Sa lahat ng mga larangang nabanggit, masugid na katunggali ng China ang Amerika.
Partikular sa usapin ng Taiwan, matigas na paninindigan ng Amerika na may kasarinlan ito at handa ang Estados Unidos na ipaglaban ito ng patayaan, kumbaga. Ang sumabog na kontrobersya sa deklarasyon ni Japanese Prime Minister Sanae Tagaichi na makikialam ang Hapon ng pakikidigma kung sasalakayin ng China ang Taiwan ay maliwanag na may basbas ng Amerika. Samantalang ang mga nakabababang opisyal ng Foreign Ministry ng China ay lantarang kumondena Kay Tagaichi, si Chinese President Xi Jinping ay kung bakit ang tinumbok na tawagan sa telepono ay si US President Donald Trump, na pagkaraan ay nagbigay ng instruksyon Kay Tagaichi nang ganito: “Tone down the volume.”
Hinay-hinay lang, ika nga.
Patibay na sa rehiyon ng Malayong Silangan, boses ng Amerika ang nakapagpapasiya sa mga kaalyado nito. Mangyari pa, sa mga hindi kapanalig ng Amerika, China ang nakapangingibabaw. Sa 11 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations ((ASEAN), paniwala ng marami, sampu ang kaibigan ng China at may independent foreign policy.
Iisa ang tanging sunud-sunuran sa Amerika – ang Pilipinas.
Hindi na pagtatalunan pa, kung ganun, na bilang Pangulo ng Pilipinas na sunud-sunuran sa Amerika, si Bongbong ay tuta ng Amerika.
Sa puntong ito pumapasok ang kasalukuyang tema.
Kung si Bongbong ay tuta niya, bakit magkokomisyon ang Amerika ng survey na magsasalarawan na bagsak ang trust rating nito?
Merong hindi tama rito.
Alin sa dalawa: mali ang survey o si Bongbong ay hindi tuta ng Amerika.
Hamon sa makatotohanang pagsusuri ang usaping ito.
Obhetibong kalagyan na sa pag-upo ni Bongbong bilang presidente, naroroon na ang mga tratadong pandepensa na nagtatali sa Pilipinas sa Amerika: ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951; ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng 1998; at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng 2016.
May kapangyarihan si Bongbong na wakasan ang mga tratadong ito, pero hindi niya ginawa.
Ergo, tuta siya ng Kano?
Dagdag pa, totoo rin na pagkaupong-pagkaupo ni Bongbong, ang orihinal na limang EDCA sites na kaloob sa Amerika ay nadagdagan pa ng apat.
Tuta nga ng Kano si Bongbong!
Ang problema, hindi maalis-alis sa isip ko na nang naganap ang laser beaming ng China Coast Guard sa sasakyan ng Philippine Coast Guard na nagresulta sa di-umano’y pansamantalang pagkabulag ng mga tripulanteng Pilipino, ang agad na galit na panawagan ng noo’y US State Secretary Antony Blinken ay ipatupad na ang MDT.
Ibig sabihin, giyerahin na ng Pilipinas ang China at sa giyera ay makikialam ang Amerika.
Hindi pumayag si Bongbong.
Lingid sa kaalaman ng karamihan sa atin, ang laser beaming ay standard law enforcement procedure ng CCG upang sukatin ang distansya sa dagat. Ang ginawa ng isang Raymond Powell, dating opisyal ng US Air Force na ngayon ay nagsasagawa ng propaganda para sa Amerika sa Asya Pasipiko, ay kinunan ng satellite image ang laser beaming at ipinost sa X bilang aniya’y pag-atake ng China sa Pilipinas. Pinick-up naman ng Philippine mainstream media ang post sa X at ibinalitang pananalakay na nga ng China sa Pilipinas.
Kung nagpadala si Bongbong sa pang-uudyok ni Blinken, noon pa, giyera nang umaatikabo ang nangyari sa South China Sea.
Subalit tumanggi nga si Bongbong, at sa gayo’y ang pakana ng Amerika na pakipagdigmain ang Pilipinas sa China ay naunsiyami.
At sa matiyagang paghawak sa sitwasyon ng nakalipas na Chinese Ambassador sa Pilipinas na si Huang Xilian, unti-unting napahupa ang sa isang panahon ay nanganib na pagsambulat ng digmaang Chino-Pilipino.
Sa pamamaalam na ginawa ni Ambassador Huang Xilian, naroroon ang Unang Ginang Liza Marcos – patibay ng mapagkaibigan pa rin na ugnayan ni Bongbong sa China.
Idagdag pa rin ang pagbasag ni Bongbong sa protocol sa nakaraang APEC Summit sa Seoul, South Korea upang makipagkamay kay Presidente Xi Jinping.
Malayong si Bongbong ay pagpanimulaan ng away-ubusan-ng-lahi sa China.
O ito ang kasalukuyang larawan ni Bongbong na iginuguhit sa mata ng Amerika.
Kaya kailangang pilipitin ang braso ni Bongbong upang mapasunod sa kung ano ang kagustuhan ng Amerika?
Mandato ng Monroe Doctrine na walang dayuhang poder ang makatutuntong sa Western Hemisphere, na kinikilala ng Amerika bilang kanyang eksklusibong mundo. Kung papaanong ang Ukraine ay ginawang pampigil sa Russia upang hindi makialam sa pananalakay ng Amerika sa Venezuela, ganun din kakailanganin ng Amerika ang Pilipinas upang ilangin ang China at huwag din namang papakialamanin sa pananalakay nito sa mapanuway-kontra- Amerikanong rehimen ni Presidente Nicolas Maduro.
Subalit ayaw nga ni Bongbong na dalhin sa giyera ang mga pinagkakadiperensyahan ng Pilipinas sa China.
Maganda ang iniwang pamana ni Ambassador Huang Xilian: “Future oriented diplomacy.”
Diplomasiyang nakatuon sa hinaharap.
Ano ba ang hinaharap kundi, ayon Kay Presidente Xi Jinping, isang pinagsasaluhang magandang kinabukasan ng buong sangkatauhan?
Kaipala’y iyun din ang pangarap ni Bongbong.
Na labag na labag sa kagustuhan ng Amerika. Ayon kay Presidente Donald Trump, “America first.”
Kaya kailangang palitawin na ayaw na ng bayan kay Bongbong?
At dapat na itong magresign?
At kapag nag-resign, palitan ng, mangyari pa, isang kayang hatakin ng Amerika sa ilong?
Tanong na ngayon, magre-resign ba si Bongbong?
- Advertisement -

