ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na lumikha ng mas maraming trabaho at oportunidad pangkabuhayan para sa mga manggagawang Pilipino, patuloy na pinapalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga pagsisikap nito sa pangangasiwa ng trabaho ngayong 2026.

Batay sa pinakahuling Labor Force Survey (LFS), ang antas ng trabaho ay nasa 95.6% noong Nobyembre 2025—bahagyang bumaba kumpara sa 96.8% na naitala sa parehong panahon noong 2024, ngunit mas mataas kumpara sa 95.0% noong Oktubre 2025. Ito rin ay kumakatawan sa 49.26 milyong indibidwal na may trabaho noong Nobyembre 2025, mula sa 48.62 milyon noong Oktubre 2025. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang nasabing pagbangon ay sinuportahan ng pag-unlad sa sektor ng wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles, agriculture and forestry, at construction.
Samantala, bumaba ang unemployment rate sa 4.4% noong Nobyembre 2025, kumpara sa 5.0% noong Oktubre ng parehong taon.
Sa isang pahayag, iniugnay ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma ang pagbaba buwan-buwan ng bilang ng mga walang trabaho sa pagtaas ng aktibidad ng ekonomiya sa pagtatapos ng taon, lalo na’t pinapalakas ng mga negosyo ang kanilang operasyon tuwing kapaskuhan at mas maraming tao ang naghahanap ng pansamantalang trabaho, bukod sa iba pa.
Nationwide job fair ngayong 2026
Binigyang-diin din ni Bureau of Local Employment (BLE) Director Patrick P. Patriwirawan, Jr., sa isang panayam kamakailan, na ipagpapatuloy ng DOLE ang pagdaraos ng mga job fair sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na isa rin sa mga patuloy na direktiba ni Secretary Laguesma para sa 2026.
“Patuloy naming isinasagawa ang aming buwanang pagsubaybay at pagsasagawa ng job fair at kung mapapansin ninyo, noong nakalipas na taon, umabot tayo sa halos dalawang libong job fair activities, na umabot sa 74,000 na hired on the spot. Inaasahan natin na makakatulong itong mga job fair activities lalong-lalo na ngayong Bagong Taon sa ating mga kababayan na naghahanap ng trabaho,” pahayag ni Director Patriwirawan Jr.
Inaasahan din ng Kagawaran na tataas pa ang employment rate sa Disyembre 2025 dahil sa mataas na pangangailangan para sa part-time at pansamantalang trabaho noong kapaskuhan.
Nauna nang tiniyak ni Secretary Laguesma na ang DOLE, kasama ang mga katuwang nito sa publiko at pribadong sektor, ay patuloy na pinagtutuunan ang pagtataguyod sa pag-unlad ng ekonomiya at paglikha ng de-kalidad na trabaho para sa bawat Pilipino.
“Patuloy na binabantayan ng DOLE ang mga kaganapan sa merkado ng paggawa at pinapalakas ang pangangasiwa sa serbisyong pangtrabaho sa pamamagitan ng pinalawak na Public Employment Service Office (PESO),” dagdag ni Secretary Laguesma.
Para sa karagdagang detalye tungkol sa mga nalalapit na job fair, pinapayuhan ang publiko na bisitahin ang opisyal na website at social media page ng DOLE.



