HINDI LINGGWISTA. Ito ang sabi ng ilan. Ang linggwista ay maalam sa agham ng wika. Nakapagsusuri siya ng estruktura ng isang wika, ng palatunugan, ng pagbubuo ng mga salita at ng mga pangungusap ng isang wika, kahit hindi niya ito nasasalita. Hindi raw tamang tawaging linggwista ang ating bayaning si Jose Rizal dahil lamang maalam siya sa maraming wika, tulad ng Tagalog, Espanyol (o Kastila), Ingles, Aleman, at iba pa. Polyglot daw ang mas angkop na itawag sa isang tao na nakakapagsalita ng maraming wika.
Ang hindi alam ng marami, si Rizal ay hindi lamang makata, nobelista, at doktor sa mata. Masasabing isa rin siyang linggwista – nakapagsagawa siya ng pagsusuri ng wikang Tagalog at nakapagmungkahi pa ng mga pagbabago sa palabaybayan ng wikang ito.
Sinulat ni Rizal ang kanyang “Estudios de la lengua tagala” noong 1893 habang nakatapon sa Dapitan at inialay ito sa kanyang dating guro sa Ateneo na si Padre Francisco de P. Sanchez, S. J. Isinalin ito sa Tagalog ng linggwistang si Cecilio Lopez at inilathala ng Benipayo Press noong 1962.
Ayon kay Lopez, “Sa kalawakan ng nalalaman at sa katalasan ng pag-iisip, si Rizal ay maitutulad sa isang Goethe o sa isang Leibnitz kaya. At katulad ng mga itong nagmalasakit upang ang sariling wika’y maisaayos at mapayaman, si Rizal naman ay nagmalasakit din upang ang wikang Tagalog ay maging dakila at karapat-dapat na gaya ng mga iba’t ibang wikang kanyang nalalaman. Pagkabata na’y nag-aral na siya ng wikang Tagalog; lumiham at tumula sa wikang sarili; sinaliksik niya ang mga suliranin ng linggwistika, ng panitikan, ng balarila; isina-Tagalog ang ilang akdang nasa wikang banyaga; at sa lahat ng pagkakatao’y pinag-ukulan ng matatalinong pansin ang mga kapuna-punang akda sa wikang Tagalog. Kaya’t hindi dapat pagtakhan kung sa huli’y isatitik niya ang sa inilakad-lakad ng panaho’y unti-unting natitipon at nagkakaroon ng kalinawan sa malusog niyang katalinuhan, na dili iba’t ang ‘Estudios sobre la lengua tagala.’”
Napakaikli ng “Estudios” at gusto pa sana itong balikan at dagdagan ni Rizal, matapos ang balak niyang mapag-aralan muna ang mga balarila ng iba’t ibang wikang Malayo-Polinesyo. Ngunit hindi na ito itinulot ng pagkakataon sapagkat gaya ng alam na natin, pinaslang siya noong 1896.
Tatalakayin ko ang ilan lamang sa mga bahagi ng “Estudios” ni Rizal.
Panghihiram ng mga salita
Ayon kay Rizal, ang mga salitang banyaga ay “para bagang pinakapalamuti ng wika, gaya ng mga batong isinisingit sa isang hiyas; maaaring mawala o mabago kaya nang hindi nakapipinsala sa kabuuan.”
Mga titik ng Tagalog
Labinsiyam (19) ang mga titik saTagalog, ayon kay Rizal – limang (5) bokal (patinig) at labing-apat (14) na consonantes (katinig). Ang mga terminong ginamit niya ay batay sa gramatikang Kastila. Tinanggap niyang 5 ang patinig bagama’t sinabing nagkakapalitan ang I at E, ang O at U. Sinabi rin niyang nagkakapalitan ang R at D, bagama’t hindi palagi. Itinuring niyang magkahiwalay nang mga letra ang mga ito. Maaalala na sa Baybayin, ang matandang sistema ng pagsulat ng ating ma ninuno, isa lamang ang simbolo para sa I at E, ng O at U, at ng R at D.
Mga bahagi ng pananalita
Ang mga salita sa Tagalog ay hinati ni Rizal sa nombre (pangngalan), pronombre (panghalip), adverbio (pang-abay), raiz (ugat), particulas (kataga), at sufijos (hulapi). Bagama’t hindi kasama sa listahang ito ang adjetivo (pang-uri), may talakay naman si Rizal dito sa sumunod na mga pahina. Tungkol sa ugat, sinabi niyang “halos lagi nang dadalawahing pantig, tatlong katinig at dalawang patinig sa pagitan ng mga ito, at gaya ng wikang Ebreo ay nananatili ang katutubong kahulugan kahit na nagbabago ang mga patinig. Halimbawa, ang T-L-S ay nangangahulugan ng katalasan o katulisan: talas, tilis, tulos, tilos, tulis; ang T-R-K naman ay katalasang patindig, gaya ng tarak, tirik, turok, tarik. Interesante, di ba?
Ang SI at ANG
Interesante ang paliwanag ni Rizal tungkol sa gamit ng SI at ANG. Ang SI ay ginagamit sa unahan ng mga pangngalang pantangi (halimbawa, SI Pedro). Ginagamit din daw ang SI sa mga pangngalang pambalana, “kung ang mga ito’y nagkakaroon ng uring pantangi, halimbawa, SI matsing, SI pagong. Samantala, ang ANG ang ginagamit “sa mga titulong may uri ng kadakilaan o kamaharlikaan, halimbawa, ANG Papa Leon, ANG Haring Alfonso.
(Naaalala ba ninyo ang paliwanag ko kung bakit tama ang Unibersidad NG Santo Tomas, at kung bakit hindi NI Santo Tomas?)
G na may kilay
G na may kilay ang tawag ko sa letrang G na may parang alon sa ibabaw, tulad ng markang makikita sa Ñ. (Wala akong makitang ganitong simbolo sa aking laptop.) Sa ating Baybayin, may isang simbolo lamang na kumakatawan sa NG. Mahalagang tunog sa Tagalog ang NG. Hindi ito pinagsamang N at G, kundi kumakatawan sa isang mahalagang tunog. Pawaero wala nito sa wikang Kastila kaya nang repormahin ng mga prayle ang pagsulat ng ating mga ninuno, walang sariling kinatawan ang tunog na ito. Ginamit ang NANG at kung minsa’y pinaiikli sa NG.
Nauna sa kanyang “Estudios,” na isinatagalog ni Cecilio Lopez, nagpalabas ng mga mungkahi si Rizal para sa mga pagbabago sa pagbaybay. Iminungkahi niya na hindi na gayahin ang baybay sa Kastila na ang letrang G ay laging sinusundan ng U kapag ang kasunod na patinig ay I o E. iminungkahi niyang tanggalin na ang U sa GUITARA at baybayin itong GITARA. Iminungkahi ring gamitin ang K at O para sa mga salitang tulad ng ICAO na magiging IKAW.
Natatangi ang mungkahi ni Rizal na gamitin ang G NA MAY KILAY para katawanin ang tunog ng NG. Inilapat na ni Rizal ang mungkahing ito, kaya may dalawang G sa kanyang alpabeto, ang isa ay may kilay at ginamit sa baybay ng NANG at NG. (NG na lamang sa kanyang teksto). Ang salitang ANG ay AG na lamang. Isinulong ni Aurelio S. Alvero (kilalang Magtanggol Asa) ang mungkahing ito ni Rizal pero walang naging mga tagasunod.
Sa tingin ko, hindi naging popular ang G na may kilay bilang simbolo ng tunog ng NG dahil kapag sinunod ito, magiging mahalay tingnan ang unang linya ng Pambansang Awit: “BAYAG magiliw/perlas ng silaGanan…”

