INILAHAD nina Senadora Imee Marcos at ni Senador Rodante Marcoleta ang Minority Report on the Senate Blue Ribbon Committee (BRC) investigation na pinamagatang “The Philippines Under Water,” kung saan tahasan nilang kinuwestiyon ang limitado at hindi komprehensibong naging takbo ng imbestigasyon sa mga umano’y anomalya sa flood control projects.

Paglilinaw ng senadora, nananatiling kulang-kulang at hindi sapat ang mga pagdinig ng BRC upang matukoy ang buong katotohanan sa likod ng isyu.
“Hindi umuusad — binibitin niyo ang mga tao. Sadya man o nakakaligtaan, tila may pagpipigil sa paglalahad ng buong katotohanan,” pahayag ng senadora kaugnay ng kanyang obserbasyon sa proseso ng imbestigasyon.
“Tama ang diin ng minority report na tanging isang komprehensibo, patas, at walang takot na imbestigasyon ang makakasiguro na ang tunay na salarin — ang mga mastermind — ang dapat managot,” giit niya.
Binatikos din ni Marcos ang biglaang paghinto ng imbestigasyon matapos ang testimonya ni Orly Guteza, na ayon sa kanya ay nagdulot ng seryosong pagdududa sa tunay na layunin at integridad ng naging ulat ng komite.
Hindi rin pinalampas ng senadora ang mga umano’y critical leads na hindi pa rin tinutugu-nan ng komite hanggang sa kasalukuyan.
“Naging malawakan ang pagtutok sa DPWH, sa ilang kontratista, at maging sa ilang senador. Ngunit tila napalampas — sadya man o hindi — ang posibleng ugnayan ng mga tunay na nagplano at nakinabang sa iskema,” diin ni Marcos.
Giit ng senadora, kung magpapatuloy ang ganitong bitin na imbestigasyon, mananatiling lubog hindi lamang sa baha kundi pati sa kawalan ng hustisya ang bansa.



