KINUMPIRMA ng Malakanyang na nakipag-usap na ang Department of Transportation (DOTr) sa pamunuan ng Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific (CEB) para tapyasan ang pasahe sa mga domestic flight.

Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing na inihayag ni DOTr Secretary Giovanni Lopez na pumayag na ang PAL at CEB na bawasan ang pasahe sa ilang destinasyon gaya ng Siargao.
“Sinabi rin niya (Secretary Lopez) na nakapag-negotiate na siya at nakipag-usap na sa pamunuan ng PAL at Cebu Pacific at nag-agree naman na mababawasan ang presyo lalong-lalo na sa Siargao flights,” wika ni Castro nitong Huwebes.
Dagdag pa ni Castro, inihayag ng DOTr ang ilang dahilan na nakaaapekto sa domestic airfares, partikular na ang paggamit ng maliliit na eroplano na kayang magsakay ng pasahero na nasa 100 katao lang.
“May mga nag-o-operate na mga smaller aircraft na nakakapag-accommodate lamang ng 60 to 70 passengers pero pareho ng operational costs as compared sa jet economics na nakakapag-accommodate ng 200 passengers,” paliwanag ni Castro.
“So, kung tutuusin niyo, mas mahal talaga ‘pag smaller craft ang magagamit. Pero karamihan talaga, smaller craft lang ang puwedeng bumiyahe sa mga magagandang destinasyon dito sa Pilipinas,” dagdag pa niya.
Inihayag din ni Castro na ang pabago-bagong presyo ng gasolina ang mas nakakaapekto sa halaga ng pasahe sa eroplano, pero patuloy naman anyang nagpapaalala ang Civil Aeronautics Board (CAB) sa mga airline company na ibaba rin nila ang mga fuel surcharge kapag bumaba ang presyo ng gasolina.
“May mga problem rin patungkol sa fluctuating fuel cost pero kapag nakita naman na bumababa ang presyo, nire-remind ng CAB ang mga airlines na i-reduce rin nila ang fuel surcharge,” wika ni Castro.
Diin ni Castro, ang adjustment o pagbaba sa surcharge ay may malaking maitutulong para bumaba ang airfare.
“‘Yan ang ginagawa ng DOTr para mas gumanda pa ang turismo sa ating bansa pagdating sa isyu ng airfare,” ayon kay Castro. | PND



