32.3 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Performance rating, masusukat ba?

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

NARIRITO ang naglalakihang letra ng headline ng GMA Integrated News noong Pebrero 2, 2026: Marcos trust, performance ratings down; Sara Duterte’s up -OCTA (Trust, performance rating ni Marcos bagsak; Kay Sara Duterte angat – OCTA).
Sa balana, ano ang dating ng nasabing headline?
Kulang sa kilos si Pangulo Ferdinand Marcos Jr. at mas maraming nagagawang paglilingkod sa bayan si Bise Presidente Sara. Ituloy mo pa ang pagbasa (Isina-Tagalog nang English):
Ang tiwala ng publiko Kay Presidente Ferdinand Marcos Jr. ay bumagsak sa ikaapat na kwarter ng 2025, samantalang si Bise Presidente Sara ay nagtala ng ganansya kapwa sa
tiwala (ng bayan) at aktwal na paglilingkod, ayon sa pinakahuling Tugon ng Masa (TNM) pambansang survey na ipinalabas ng OCTA Research noong Lunes.
Huwag na nating palawakin pa ang usapan. Lumilitaw sa survey na hindi lang mas marami ang nagtitiwala kay Bise Presidente Sara Duterte kundi na mas malaki ring paglilingkod-bayan ang kanyang ginagawa.
Sa bagay na ito di-maiwasang tayo ay mag-alburuto.
Anong mas malaking paglilingkod-bayan ang pinagsasabi ninyo?
Basahin ninyo ang Konstitusyon.
Ano ba ang iniaatas na gawain ng Bise Presidente?
Ang maging kahalili lamang ng Presidente kung hindi na nito kaya ang manungkulan, alin kung may karamdaman o pumanaw.
O gampanan ang anumang tungkulin na maiaatang sa kanya ng pangulo.
Sa pagsisimula ng administrasyon ni Pangulo Marcos Jr., ang tungkuling iniatang Kay Sara ay bilang Kalihim ng Edukasyon. Subalit pagkaraan ng isang panahon na ang Bise Presidente ay masangkot sa mga milyun-milyung pisong katiwalian sa DepEd (mga
anomalyang nanatiling di-lutas dulot ng kaduda-dudang desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment ni Sara na kung kaya tuluyan nang namatay ang paglilitis sa mga katiwaliang kinasangkutan niya) wala nang iba pang tungkuling iniatang sa bise presidente.

Wala na siyang anumang paglilingkod-bayan na ginawa – hanggang ngayon.

Anong performance rating ang pinagsasabi ng OCTA Research?

Performance rating na higit pang angat sa trabaho ng presidente?
E, nito lamang nakaraan ay napabalitang nagkakasya na lamang ang pangulo sa pag-higop ng sabaw bilang pagkain sa dami ng trabahong iniintindi.
Alam kong totoo ang balita. Nararanasan natin itong lahat. Sa dami ng ating inaasikaso, ultimong sa pagkain ay talagang nawawalan na tayo ng oras, kaya makahigop man lang ng sabaw ay malaking bawas na sa kalam ng sikmura.
E, maging presidente ka pa.
Pag-upong pag-upo mo pa lang ay agad dagan na sayo ang pitong trilyung pisong utang na pamana ng nagdaang administrasyong Duterte at ang bilyun-bilyung pisong anomalya sa
flood control, dagdag pa ang maya’t-mayang pananalanta ng mga natural na kalamidad tulad ng mga bagyo at lindol.
Sa lahat nang ito, sino ang nakaharap?
Hindi ba ang presidente?
Papaano mo sasabihin na bagsak ang performance rating ni Bongbong at angat ang kay Sara?
Di ba’t kamakailan din lang ay naospital pa nga ang presidente bunga ng karamdamang di na niya minarapat pang madagdag sa mga alalahanin ng sambayanan?

May dalawang araw din iyon.
Subalit hindi niya iyon pinatampok upang makaagaw pansin, bagama’t malamang sa hindi, bunga iyon ng nagpapatuloy na bigat ng kanyang mga gawain.
Samantalang ang bise presidente ay walang ginawa kundi ang magparoo’t-parito sa The Hague, Netherlands, walang tanging inasikaso kundi ang pansariling kapakanan ng ama sa
pagharap sa kaso sa ICC at papogi sa international media.
Di-ilang beses ko nang naringgan ng reklamo si Undersecretary Claire Castro kaugnay ng pabiyahe-biyahe na lamang na ginagawa ni Sara.
“Magtrabaho ka naman,” patutsada ng Presidential Spokesperson.
Kung di ka ba naman isa pang, umph?
E, Konstitusyon na nga ang nagsasabi na walang tungkulin ang Bise Presidente kundi maging spare tire lamang ng Presidente.


Na si Sara ay pasarap lamang nang pasarap sa pag-intindi sa mga pansariling alalahanin ng pamilya Duterte ay patunay lamang na ang Ehekutibo ayon sa tadhana ng Artikulo VII ng
Konstitusyon ay sulong pasang Krus ni Bongbong.
Dalawang bagay lamang ang pinatutunayan ng Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.
Una, na tanga ang kalakhan ng sambayanan.
E, kung di ka ba naman napakaengot?
Kitang-kita naman ang mga kilos ni Sara. Bahagya nang may pag-intindi sa kapakanan ng bayan.
Samantalang itong si Bongbong na hilahod na nga sa pagbuno sa samu’t-saring alalahanin ng bansa at siya pa ngayong lumalabas na walang ginagawa.
O di kaya ang mga survey tulad nitong sa OCTA Research ang siyang dapat na dalirutin nang masinsinan.
Kitang-kita na ang ebidensiya, sukat pilit binabago ang resulta.
Kawawa na naman nito ang bayan.
Sa mga nakaraang sosyal na pagbabalikwas, laging may tumatampok na propaganda ng pagkawala ng tiwala ng bayan sa umiiral na administrasyon.
Sa pagpinta ng rimarim sa ilalim ng administrasyong Bongbong, ano na naman ang tinatrabaho na dapat maganap?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -