LIGTAS at maayos na nakauwi sa Pilipinas ang 343 OFW sakay ng PHL government charter flight mula Riyadh, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan ang mga Pilipinong nais makabalik sa bansa sa kabila ng tensyon sa Middle East.
Lulan ng Philippine Airlines flight PR8502 ang mga dumating na OFW.
Ayon may Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, lumapag ang flight mula Riyadh, Saudi Arabia sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sakay ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na umuuwi bilang bahagi ng nagpapatuloy na repatriation efforts ng pamahalaan.
Sumalubong ang mga awtoridad at support teams sa paliparan upang tulungan ang mga pasaherong dumating.
Bibigyan din sila ng kaukulang tulong upang mapadali ang kanilang pagbabalik sa kani-kanilang probinsya.
Ang pagdating na ito ay ikalawang batch ng mga repatriates mula sa Gitnang Silangan sa gitna ng tensyon sa rehiyon, kasunod ng naunang pagsisikap na maiuwi ang mga Pilipino.
Ang unang flight na may sakay na mga nirepatriate mula Dubai ay dumating noong Marso 5. — PND

