ANG bagong kolum na ito’y pinamagatang Dalumat at Saysay. Pagbabalik ko ito bilang kolumnista ng Pinoy Periodiko na noo’y kritikasatabitabi ang ngalan ng kolum.
Sa mahabang panahon, malaking tulong sa akin ang pamimilosopiya na kinuha ko noon sa San Beda College, 1993-1997.
Iba’t ibang kaisipang Kanluranin ang nabasa ko mula sa pilosopiyang nakaugat sa mga Griyego, sa mga palaisip ng Edad Media at Tomismo, sa mga Marxista at eksistensiyalista, sa mga pilosopo ng Kaliwanagan (Enlightenment) na ipinagbubunyi ang modernidad hanggang sa dumating ang postmodernismo na inalalako ng mga paham na may paniniwala sa multiplisad ng katotohanan.
Ang pilosopiyang Kanluranin ang dominanteng tradisyon at nilalaman ng kurikulum sa pilosopiya. Na totoo rin naman sa ibang larang ng agham panlipunan, humanidades, agham, at iba pa na pinangingibabawan ng Kanluraning diskurso.
Dahil sila ang nauna sa sirkulasyon at diseminasyon ng pilosopiya bilang teksto (limbag na nababasa ng tao) na nakabuhol sa agenda ng kolonisasyon. Ibig sabihin, kahit alam natin sa ngayon na may Hinduismo at iba pang pilosopikal na sistema sa Silangan noon na mas nauna sa pilosopiya ng Kanluran, mas unang nakarating sa atin kasi ang nakapaketeng pilosopiya at iba pang aralin dahil sa pananakop sa atin ng mga Kastila at Amerikano.
Kakatwa na sa sariling bayan, kolonyal at nakakiling sa Kanluran ang ating mga pinag-aaralan. Subalit, masuwerte na kami noon sa San Beda na ipinakilala ni Sir Cadz Malbarosa ang pilosopiyang Filipino, kasama ang pagtalakay sa Buting Pinoy ni Fr. Dionisio Miranda SVD, isang aklat na hindi rin madaling basahin. Mga libro ang binabasa namin noon. Hindi mga artikulo. Hindi pa uso ang Scopus noon.
Hindi madaling magbasa ng librong pilosopikal. Sasakit ang ulo mo. Subalit kailangang gawin dahil may book review, may terminal paper, may oral exam, at may tesis na solo naming susulatin. Dito tumibay ang kasanayang magagamit panghabambuhay—ang pagteteorya o pagdalumat. Sa madaling salita ang kasanayang pilosopikal.
Ang pamimilosopiya ay isang kasanayan. Hindi ito esoteric o obsolete na gawain na walang praktikal na pakinabang kapag nagtapos na ang estudyante. Naituro sa akin ang mapanaklaw na pag-iisip (expansive thinking) na ang lahat ng bagay o suliranin ay kailangang sipatin sa kabuuan at kalawakan nito.
Minsan, nahaharap tayo sa existential crisis o sa isang suliraning nagpapakipot sa pananaw nating umalpas. Gumagapos ito sa isipan at damdamin natin . Nasa tunnel vision tayo samakatuwid.
Sa pilosopiya, sisikapin ng palaisip na umalpas sa tunnel vision na iyon. Na tayo’y nilalang, ngunit kasingliit tayo ng langgam kumpara sa buong uniberso. Na tayo’y may suliranin, subalit maglalakbay ang isip mo upang maghanap ng solusyon. Na tayo’y nanliit minsan, subalit may mga kadakilaang higit sa atin na masusumpungan natin sa pagninilay. Itinuturo ng pilosopiya na mamilosopiya ka.
Ibig sabihin, maging lohikal sa pag-iisip. May dahilan ang lahat ng bagay. May simula at wakas. Kailangang maipaliwanag ng katwiran ng ating malalim na pag-iisip kung ano ang koneksyon ng lahat. Tama ba at matuwid ang katwiran o hindi? Analitikal na pag-iisip din ang napagtanto ko na isang paraan ng pagbutingting sa isang pananaw, pangyayari, at tekstong ating sinusuri.
Sa pagsusuri ay nag-uuri rin tayo. Nauuri natin ang mga bahagi ng kabuuan at ang kabuuan na may iba’t ibang maliliit at malalaking bahagi. Kasama sa pamimilosopiya ang kritikal na pag-iisip. Hindi sapat na may paliwanag. Kailangang busisiin ang kalakasan at kahinaan nito. Kailangang may tesis at antitesis. Kailangan ang tinig ng pagsalungat.
Paano ngayon ito maiaaplay sa praktikal na buhay? Sa ganang akin, ang pamimilosopiya ay magagamit sa lahat ng dominyo ng kaalaman at sa praktikal na aplikasyon nito. Bukod sa kursong pilosopiya na kinuha namin noon, kasama sa programa namin ang Human Resource Development. Lumalabas na double major kami–AB Philosophy & Human Resource Development.
Ngunit sa ibang pagkakataon, sa kolum na ito ko tatalakayin ito. Ang nais kong tutukang aplikasyon ay gabay sa matuwid na pagdedesisyon at etikal na pamumuhay. Kung si Immanuel Kant ay may prinsipyong etikal na–act only according to that maxim whereby such action can at the same time will to be a universal law.
Ibig sabihin kung gagawa tayo ng isang desisyon o pagkilos, nanaisin mo bang gawin at sundin iyon ng lahat ng tao. Kung magnanakaw ka, lahat ba’y nanaising magnakaw? Sa ating buting Pinoy o etikang Filipino na gamit ang pakikipagkapwa bilang konteksto, narito ang napaglimiian kong gabay: kung may ginagawa ka at batid mong may nasasaktan, at hindi mo kinakausap kung bakit sila nasasaktan; ibig sabihin, hindi mabuti ang iyong ginagawa.
Magagamit na gabay iyan sa iba’t ibang konteksto at sitwasyon. Halimbawa, kung landlord ka at nais mong kunin ang lupain ng mga magsasaka ngunit ayaw mo silang kausapin. Bagkus, babayaran mo lang sila at kakamkamin na ang lupain nila. Sa puntong ito, hindi mabuti ang ginawa. Gayundin, sa paglikha ng mga polisiyang walang konsultasyon. Masasagi ang damdamin at masasaktan ang ilan dahil hindi sila kinausap sa simula pa lamang. Samakatuwid, hindi mabuti para sa kanila ang polisiyang ipapatupad.
Ang kolum na ito’y paghahayag ng mga dalumat at kaisipan natin na tututok sa iba’t ibang paksaing malapit sa akin tulad ng araling Filipino (Philippine Studies), pilosopiya, teknolohiya, Internet, edukasyon, at lipunang Filipino. Lahat ng ating pagsisikap ay may saysay, lalo’t higit kung ito’y para sa kapwa, bansa, at banwa.

