27.7 C
Manila
Linggo, Hunyo 7, 2026

‘Umpukan’ at ‘Lagdaan’ ng mga book lover sa Philippine Book Festival

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

LUMIKHA ng ingay ang muling pagdaraos ng Philippine Book Festival (PBF), isang pagdiriwang na itinatampok ang mga lokal na aklat. Puwedeng tawaging ‘all-Filipino book festival’ at ito ang ikinaiba nito sa taon-taong Manila International Book Fair (MIBF) na nangyayari tuwing Setyembre. Sa MIBF, parehong nakatampok ang lokal at international books. Dito sa PBF, pinangatawanan nitong puro ‘Pinoy books’ ang nakatampok. Nakagugulat na napakaraming booths na nakatayo sa buong Megatrade Hall ng SM Megamall, patunay na buhay ang industriya ng pagkatha at paglalathala sa ating bansa.

Keynote speaker si DepEd Secretary Sonny Angara sa pagbubukas ng Philippine Book Festival

Malaki ang naging pasasalamat ng lahat sa National Book Development Board (NBDB), sa pangunguna ng executive director nito na si Charisse Aquino-Tugade, sa patuloy nitong pagtataguyod ng Philippine Book Festival. Masugid na tagapagsulong si Aquino-Tugade ng book publishing at reading promotion sa bansa.  Ikaapat na taon na itong itinataguyod ng NBDB, isang ahensya ng gobyerno na nakakabit sa Department of Education. Dahil sa gobyerno nanggagaling ang pondo ng NBDB para sa pagdaraos nito, libre ang rental ng mga booth. Malaking tulong ito sa lahat ng mga exhibitors, lalo na sa mga independent (indie) publishers. Hindi na nga naman babawasin pa ang renta sa kinita nila sa pagbebenta ng aklat. Malinaw na sinusuportahan ng NBDB ang book publishing industry sa pamamagitan ng ganitong book fair. Kahit paano, nakikita nating nagagamit ang pondo ng gobyerno sa makabuluhang bagay (at hindi sa mga kontrobersyal na ‘ghost’ flood control projects). Libre ang entrance sa apat na araw na book fair.

Ang taon-taong Philippine Book Festival ay brainchild ni Charisse Aquino-Tugade, executive director ng NBDB

Dumalo sa pagbubukas ng PBF ang ating Honorable DepEd Secretary Sonny Angara. Sa kanyang mensaheng ibinigay, sinabi niya na natutuwa siya sa ani ng maraming aklat at binanggit niya ang buong pagsuporta rito ng Kagawaran. Nakatabi ko sa naturang seremonya ang mga diplomats mula sa bansang Poland at Hungary at naikuwento ko sa kanila ang naging pag-unlad ng paglalathala ng aklat pambata sa bansa.

Maraming talakayan ang naganap sa ‘Gubat ng Karunungan.’ Ang key visual artist ng PBF 2026 ay si Pepot Atienza.

Matapos ang pormal na opening ceremonies, na dinaluhan din ng maraming panauhin mula sa iba’t ibang embahada, inikot ni Sec. Angara ang mga booths at tiningnan ang mga aklat na nakadispley rito.  Nang araw din na ‘yun ay may inilunsad na aklat ang Savage Mind publishing (ng Naga City) katuwang ang Ambassador ng bansang Hungary. Ito’y ang ikalawang edisyon ng mga tulang galing sa bansang Hungary: ang ‘Hindi Pasisiil ang Pagsibol at iba pang mga Tula mula sa Hungariya’; na pinamatnugutan nina Kristian Sendon Cordero at Enrique Villasis.

Dumalo sa pagbubukas ng book festival ang mga kinatawan ng Girl Scouts of the Philippines at namili ng aklat para sa library ng GSP Headquarters

Na-transform ang malawak na Megatrade Hall sa tulong ng pambihirang disenyo na ginawa at pinamunuan ni Pepot Atienza, ang key visual artist ng PBF 2026. Sa lugar na tinawag na ‘Gubat ng Karunungan’ – kung saan kay raming aktibidad ang ginanap gaya ng book talks, forum, paligsahan sa storytelling at pagtula – kay raming puno at halaman sa paligid (at may ‘baboy ramo’ pa!). Kitang-kita ang local color sa kanyang sining. Si Pepot Atienza ay tubong Atimonan, Quezon at ilustrador ng maraming aklat pambata.


Kasama ni Dr. Gatmaitan si Ricky Lee, National Artist para sa Pelikula at Broadcast Arts

Sinuyod ko ang mga nakatayong booth sa loob ng malawak na PBF ground. Nandoon ang mga commercial at establisadong publisher gaya ng Anvil Publishing, Adarna House, OMF Literature-Hiyas, Lampara Books, Vibal Publishing, Rex Publishing, Central Books, Bookmark, Tahanan Books, at iba pa. Nandoon din at nakaeksibit ang mga aklat na inilathala ng iba’t ibang university press gaya ng UP Press, Ateneo De Manila Press, FEU Publications, UST Press. Nandoon din ang maraming independent publishing houses gaya ng Pawikan Press, Kawangis Publishing, Aklat Alamid, at iba pa. Sa Tambayang Pambata, sama-samang itinampok ng mga independent children’s book authors at illustrators ang kani-kanilang aklat.

Pinililahan ng maraming book lovers, karamiha’y mga kabataan, ang booksigning sessions ni National Artist Ricky Lee

Maitatanong ninyo, bakit kailangang magdaos pa ng ganitong book festival kung mayroon namang ginaganap na MIBF taon-taon? Ang pangunahing layon ng PBF ay ang tinatawag na ‘scoping’ ng mga lokal na aklat na maaaring  magamit ng mga guro sa public school sa sa kanilang pagtuturo. Ang gumagawa ng nasabing ‘scoping’ ay ang mga librarians at guro ng iba’t ibang dibisyon at rehiyon ng DepEd sa buong Pilipinas. May hawak-hawak silang form na kanilang sinasagutan habang nire-review ang mga aklat na sa tingin nila ay tumutugon sa kahingian ng DepEd. Ang mga aklat na ito ang maaaring irekominda ng mga naturang ‘scopers’ sa kani-kanilang DepEd units.

Nakasama ni Dr. Gatmaitan, chairperson ng National Council for Children’s Television (NCCT), si DepEd Secretary Sonny Angara sa pagbubukas ng Philippine Book Festival sa SM Megamall

Nakatutuwang makita na dumayo pa sa Maynila ang mga librarians at guro mula sa iba’t lalawigan upang tumingin at mamili ng mga aklat. Ito’y isang pambihirang pagkakataon na ibinibigay sa mga opisyales ng DepEd upang tingnan kung ang mga hinihinging learning competencies sa bawat quarter ng school calendar year (na binubuo ng apat na quarter) ay tinutugunan ng mga nalathalang storybooks. Mas nagiging madaling unawain ang maraming konsepto kung dadaanin ito sa kuwento. Isa pa, nais nilang maisulong ang praktis ng pagbabasa sa mga bata’t kabataan.

Bukod sa nangyayaring ‘scoping’, ang Philippine Book Festival din ay lunan ng maraming book-related activities gaya ng ‘meet and greet’ sessions sa mga awtor at ilustrador ng aklat, booksigning, paglulunsad ng mga aklat, storytelling, paligsahan sa pagtula at pagkukuwento. Marami ring talakayan na nagtatampok sa mga awtor, ilustrador, publisher, at book designer ng iba’t ibang genre ng panitikan. May mga discount din na ibinibigay ang mga publisher sa kanilang mga nakatindang aklat. Pagkakataon din ito para makakuwentuhan ang isang book author tungkol sa kung paano niya naisulat ang kanyang kuwento.  Siyempre, nandiyan din ang tsansang makipag-selfie shot sa isang awtor o ilustrador.

- Advertisement -

Ang marami nating prominenteng awtor at ilustrador ay may kanya-kanya ring booth sa PBF. Namataan ko ang booth na nakalaan sa mga aklat na isinulat at inilathala ni Ricky Lee, ang ating pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula at Broadcast Arts. Napakahaba ng pila ng mga readers na nais magpapirma ng aklat kay Ricky Lee. Ang ani ng kanyang mga aklat ay hindi lamang limitado sa mga screenplay na nalikha niya para sa pelikula gaya ng ‘Trip to Quiapo‘ at ‘Si Tatang at ang mga Himala ng ating Panahon.’ May aklat din siya tungkol sa kanyang mga personal na karanasan. Tinangkilik din ang kanyang mga nobela gaya ng ‘Para kay B.’

Halos buong maghapong pumipirma ng kanyang mga aklat si Ricky Lee. Biro ko sa kanya, matapos siyang mag-booksigning mula ala-una ng hapon hanggang alas-siyete ng gabi sa Lugar Lagdaan, ‘hindi ba namulikat ang iyong kamay sa dami ng aklat na pinirmahan mo?’ Ayon sa kanyang personal assistant, sinabihan nila ang mga nakapila na ‘isang aklat’ na lamang ang pipirmahan ni Ricky sa bawat taong bumili (na minsan ay tatlo hanggang limang kopya ang binibili) upang makapahinga rin ang butihing  manunulat.

 

Nang matapos ang kanyang booksigning session, napag-usapan namin ni Ricky Lee na nakatutuwang makita na bumibili (at nagbabasa) ng aklat ang mga kabataan. Sa gitna ng nangyayaring krisis sa kalagayan ng pagbabasa sa bansa, isang napakagandang tanawin ang makitang pumipila ang mga kabataan para sa aklat. Kapag nagustuhan nila ang aklat (pati na ang awtor nito), tiyak na tatangkilikin nila ito. Gusto kong maniwalang maglalaan talaga sila ng oras na basahin ang mga naturang aklat na binili. Na hindi sila pumila para lamang makapagpakuha ng larawan sa napakabait (at napaka-accommodating) nating National Artist.

 

(may karugtong)

- Advertisement -

I

 

Nang matapos ang kanyang booksigning session, napag-usapan namin ni Ricky Lee na nakatutuwang makita na bumibili (at nagbabasa) ng aklat ang mga kabataan. Sa gitna ng nangyayaring krisis sa kalagayan ng pagbabasa sa bansa, isang napakagandang tanawin ang makitang pumipila ang mga kabataan para sa aklat. Kapag nagustuhan nila ang aklat (pati na ang awtor nito), tiyak na tatangkilikin nila ito. Gusto kong maniwalang maglalaan talaga sila ng oras na basahin ang mga naturang aklat na binili. Na hindi sila pumila para lamang makapagpakuha ng larawan sa napakabait (at napaka-accommodating) nating National Artist.

 

(may karugtong)

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -