KASUNOD ng mga makasaysayang repormang ipinatupad niya sa proseso ng pagba-budget bilang chairperson ng Senate Committee on Finance, naghain si Senador Win Gatchalian ng isang resolusyon na humihiling ng pagsisiyasat sa pagpapatupad ng bagong Government Procurement Act upang itaguyod ang integridad sa paggamit ng pondo ng bayan.
Sa ilalim ng Proposed Senate Resolution 336, binibigyang-diin ang pangangailangang masuri ang katayuan ng implementasyon ng bagong batas sa procurement upang matiyak ang maayos na transisyon patungo sa mga bagong pamamaraan nito.
“Mahalagang tandaan na ang isang transparent, epektibo, at mahusay na sistema ng procurement ng gobyerno ay titiyak na ang pondo ng bayan ay ginagastos nang maayos upang masulit ang bawat piso sa paghahatid ng serbisyo publiko. Magpapalakas din ito ng pananagutan sa paggamit ng pondo,” diin ni Gatchalian.
“Kasunod ito ng mga repormang itinulak natin sa budget process sa gitna ng mga naging kontrobersiya sa paggamit ng pondo ng bayan, kabilang ang flood control projects. Malinaw ang layunin: palakasin ang transparency, higpitan ang disiplina sa paggastos ng pondo, at paigtingin ang monitoring ng mga proyektong pang-imprastraktura,” dagdag pa niya.
Ang bagong procurement law ay nilagdaan noong Hulyo 2024 upang paigtingin ang transparency, kompetisyon, pananagutan, at value for money, bukod sa iba pang mga layunin, sa mga pagbili at kontrata ng pamahalaan.



