NANAWAGAN ang Malakanyang ngayong Martes sa mga lider sa bansa na magkaisa, isantabi ang pamumulitika at unahin ang kapakanan ng mga Pilipinong naiipit sa gitna ng krisis sa Middle East.
Sa isang press briefing sa Mandaue City, Cebu, binigyang-diin ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi ito ang tamang panahon para sa pulitika at sinabing kontrolado ng pamahalaan ang sitwasyon sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
“Hindi ito ang panahon para maghilahan pababa, hindi ito panahon ng paninira at lalong hindi ito panahon ng pamumulitika. Sama-sama nating isusulong ang kapakanan ng bansa at ng taumbayan bago ang sarili,” ayon kay Castro.
Sinabi ni Castro na prayoridad ngayon ng Pangulo ang kapakanan ng mamamayang Pilipino sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa Middle East.
Mula nang sumiklab ang hidwaan sa rehiyon, agad na ipinatawag ng Pangulo ang kanyang gabinete at naglatag ng mga hakbang, kabilang ang tulong-pinansiyal at mga subsidiya, upang suportahan ang mga apektadong mamamayan.
“Simula nang pumutok ang gulo sa Middle East noong February 28, agad na tinipon ng Pangulo ang kaniyang gabinete at nagsagawa ng mga hakbang laban sa epekto ng gulo sa ibayong-dagat. Agad na nagpatupad si Pangulong Marcos Jr. ng iba’t ibang hakbang tulad ng pagbibigay ng tulong-pinansiyal, mga subsidiya, pagbabawas ng ilang bayarin at proteksiyon para sa mga mamimili,” wika ni Castro.
Dagdag pa ni Castro, ang tulong mula sa administrasyon ay hindi lamang para sa mga drayber at operator kundi palalawigin din sa mga magsasaka at mangingisda upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng pagkain at maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Tinatayang 26,000 magsasaka at mangingisda ang makikinabang sa fuel subsidy, kasama ang karagdagang P2,000 na ayuda sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program.
Sinabi rin ni Castro na hinikayat ng Pangulo ang mga lokal na pamahalaan na ihinto ang paniningil ng pass-through fees sa mga produktong agrikultural upang maiwasan ang pagtaas ng presyo.
Ayon kay Castro, nagsasagawa pa ang administrasyon ng iba pang hakbang upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa lahat ng sektor. Kabilang sa mga hakbang ang pagbabawal sa paniningil ng anumang bayarin sa mga pampublikong paaralan at ang pagpapatuloy ng libreng sakay sa ilalim ng programang “Love Bus” sa Metro Manila, Cebu at Davao.
“Sisimulan na rin ng Department of Education sa pangunguna ni Secretary Sonny Angara ang kanilang ‘Serbisyo Fair’ upang matulungan ang mga graduating students na makahanap ng trabaho. Ipagpapatuloy din ng pamahalaan ang libreng sakay sa ilalim ng “Love Bus” program sa Metro Manila, Cebu at Davao,” dagdag pa ni Castro. | PND



