29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Iyon, ‘Yun, Un: Tunay na gamit at kahulugan 

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

IYON ang salitang gamit natin para ihimaton o ituro ang bagay na malayo kapwa sa atin at sa kausap natin. Dahil sa teknolohiya (cellphone, text messaging) at sa mabilisang pagsasalita, pati sa mga dayalog sa maikling kwento at mga katulad, ang IYON ay naging ‘YON, ‘YUN, UN.

Hindi na siguro alam ng marami ang tama at pormal na anyo ng salita (IYON). Mas gamitin na ngayon ang YUN/YUNG (wala na rin ang kudlit na hudyat na may nawawalang letra) at ang O ay naging U dahil iyon ang mas magaang na bigkas, lalo’t may kasunod pang salita.

Halimbawa:   YUN yon, o! (kapag may gustong ituro o bigyang pansin.

YUN nga ang sinasabi ko kanina pa.

YUNG bata, habulin mo, tinangay ang bag ko!


Kung tunay kang magaling sa debate, iharap mo ngayon na YUNG alam mo!

Sa pasulat na diskurso, sa mga pormal na usapan, kapag binabasa o scripted ang pananalita, bihirang marinig ang YUN. Itinuro kasi sa atin na ang pananda ng pangngalan, o marker, ay ANG.

Halimbawa:   ANG batang nakababasa, mas maraming natututuhan. Dapat nating tutukan ANG pagtuturo ng pagbasa sa ating mga anak. ANG mga bata ang pag-asa ng ating bayan.

Ikumpara natin ito sa mas posibleng marinig kung hindi nakasulat ang sinasabi: YUNG batang nakakabasa, mas maraming natututuhan. Dapat nating tutukan YUNG pagtuturo ng pagbasa sa ‘ting mga anak. YUNG mga bata ang pag-asa NUNG ating bayan.

- Advertisement -

Pansinin YUNG mga salitang naka-highlight (nakasulat sa malaking titik).

Isang katangian ng ating wika

Isang katangian ng wikang Tagalog ang paggamit ng mga pananda (o marker) ng pangngalan. Kapag pangngalang pantangi, tulad ng tiyak na ngalan ng tao (halimbawa: Leni, Risa, Bong), pinapangunahan ito ng SI, NI, o KAY (SI Leni, NI Risa, KAY Bong) Kapag higit sa isang pangalan ang kasunod, nagiging SINA Leni, Risa,  at Bong, NINA Leni, Risa, at Bong, KINA Leni, Risa at Bong. ANG at NG ang gamit kapag pangngalang pambalana ang kasunod: ANG bata, NG awtor, atbp. Pantukoy ang tawag sa mga salitang SI, NI, KAY, SINA, NINA, KINA, ANG.

At dito na pumapasok ang IYON, YUN/YUNG, ‘YON, UN kapalit ng ANG.

Pansinin na sa pagsasalita, karaniwang nalalaglag ang unang pantig na I (kaya ang IYON ay naging ‘YON, na naging ‘YUN (dahil sa pagbigkas, nagiging U ang O lalo’t kung may kasunod pang salita). Naging UN sa texting para mas tipid sa letra.

Panghalip na pamatlig ang tawag ng Balarila sa mga salitang IYON, YUN/YUNG, ‘YON, UN. (Mangyari pa, IYON lamang ang nakalista sa Balarila. Iyon ang pormal na anyo. Ang iba pa ay mga bagong gamit ng kasalukuyan, na pinapaikli ng mabilisang pagsasalita at pagtetext).

- Advertisement -

Ang panghalip na pamatlig

Panghalip na pamatlig ang tawag sa mga salitang inihahalili o ginagamit sa halip ng ngalan ng tao, bagay, at iba pa, na inihihimaton o itinuturo. May tatlong uri ito batay sa layo o lapit sa nagsasalita at sa nag-uusap.

  1. ITO ang gamit kapag malapit sa nagsasalita ang bagay na tinutukoy.

Halimbawa: ITO ang bagong libro ko.

  1. IYAN kapag malapit sa kausap ang bagay naitinuturo.

Halimbawa: IYAN ba ang ipinagmamalaki mo?

  1. IYON kapag malayo kapwa sa nagsasalita at sa kausap.

IYONG ulam na IYON sa bandehado ang gusto nating lahat.

Iba pang mga halimbawa ng mga pangungusap na may panghalip na pamatlig hango sa mga tunay na pangungusap na ginamit ng mga netizen at medyo binago pero makikita pa rin ang estruktura ng pagkagamit.

  1. Tatagal nang tatlong araw ang ITONG pagbibigay ng ayuda sa mga tsuper.
  2. IYANG tungkol sa mga ginawa niya bilang Kalihim ng Edukasyon ay hindi na dapat pang isama sa mga sakdal.
  3. YUNG hindi pa napatunayang salaysay ni Madriaga ay sa trial na IYON lalabas.

Bakit kasi kay Esmi pa ibinigay ni Aladin ‘tong carpet niya, ang sirap linisin.

  1. ITO YUNG bagong hirang na opisyal na alam mo na agad na boboto sa impeachment.
  2. Mapahiya kaya ITONG mga handler ng nasabing politiko?

Iba pang mga anyo ng nasabing mga panghalip na pamatlig:

  1. ITO, NITO – malapit sa nagsasalita
  2. IYAN, NIYAN – malapit sa kausap
  3. IYON, ‘YON, ’YUN, YUN, UN, NIYON, NOONG, NUNG – malayo kapwa sa nagsasalita at sa kausap

Ang hindi itinuro sa ating mga paaralan: ang tunay na pananda ng pangngalan

Itinuro sa atin na ang pananda ng pangngalang pambalana ay ANG. Hindi totoo iyan. Ang tunay na pananda ay IYON/‘YON/‘YUN, YUN. Hindi lamang natin minamarkahan ang pangngalan, itinuturo ito, inihihimaton sa totoo lang. At ang ginagamit natin ay iyong para sa bagay na malayo kapwa sa nagsasalita at sa kausap – IYON.

Tinatalakay sa pagtuturo ng gramatika ang iba’t ibang uri ng panghalip at ang wastong

gamit ng mga ito. Pero kulang ang talakay. Kulang ang paliwanag kung bakit tayo gumagamit ng mga panghalip na pamatlig.

Ito ay dahil hindi natin basta minamarkahan o inihuhudyat na ang susunod na salitang bibigkasin ay isang pangngalan, kundi itinuturo rin ito. ITO, IYAN, IYON, NITO, NIYAN, NIYON, atbp. Hindi simpleng sinasabi, itinuturo pa, para mas tiyak, mas specific.

Ang katangiang ito ay hindi lamang panggramatika, kundi nagpapahayag din ng ating pananaw sa mundo. Ganyan tayo nagsasalita dahil iyan ang ating pananaw sa mundo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -