Katapusang Bahagi
BATAY sa kasaysayan, kung may kakayahan ang Amerika na gapiin ang Iran, ginawa na niya dapat ito noong mga unang araw pa lamang ng Operation Epic Fury, ang tawag sa pinagsamang agresyon ng Estados Unidos at Israel upang wasakin ang depensang panseguridad ng Iran, burahin ang buong pamunuan nito at halinhan ng isang rehimeng sunud-sunuran sa Amerika.
Napaslang sa pananalakay ang Supreme Leader ng Iran na si Ayatollah Al Khamenei at marami sa mataas na liderato ng Iran at sa malas ay nawasak ang buong impraistruktura sa depensa ng bansa.
Kung bakit sa halip na sumuko, ang Iran Revolutionary Guards Corps (IRGC) ay buong gilas na nagpakawala ng mga drones at missiles na nanira sa Tel Aviv at mga base militar ng Amerika patawid sa Gitnang Silangan: Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait, alin pa?
Napag-alaman na ang sistema sa depensa ng Iran ay mosaic kung turingan. Bagaman may Sentrong Koman, ang bawat bahagi ay kumpleto sa mga elemento na kayang magpakawala ng epektibong pananggol na parang buong pambansang sistema ang gumagana. Kaya pansinin na bagamat matinding napilayan ang mga pasilidad nukleyar ng Iran, kagyat na umulan ang mga drones at missiles nito sa mga target sa Israel at mga bansang Arabo na kumakandili sa mga base militar ng Amerika.
Bawat bahagi ng sistemang mosaic ng IRGC ay nasasangkapan ng mga elemento na para bang pang-nasyunal din.
Masdan kung papaanong umaray ang bawat tamaan ng bigwas ng Iran.
Ang nakaprogramang pandigma ng Estados Unidos na isang linggo lamang ang itatagal ay nasa ika-25 araw na–at patuloy na bumibilang.
At samantalang si US President Donald Trump ay kandakahog na sa katutungayaw ng deklarasyon ng “di-magibang lakas ng Amerika,” kampante naman si Iran Foreign Minister Abbas Araghchi sa paninindigan na tapusin ang giyera sa tatlong kondisyon na maaga pang ipinahayag ni bagong Iran Supreme Leader Mojtaba Khamenei.
Una, paglansag sa mga base militar ng Amerika sa Gulp Region.
Pangalawa, paniguro na hindi na muling makagagambala ang Amerika sa Iran.
At pangatlo, kabayarang $500 bilyon ng Amerika para sa reparasyon ng Iran.
Pansinin na alinman sa tatlong kondisyon ay imposibleng maganap nang hindi muna iginu-gupo ang Amerika.
At malinaw sa paulit-ulit na paniniyak ni Iran Foreign Minister Araghchi na hindi na sa pamamagitan ng negosasyon magtatapos ang digmaan.
Magwawakas ang giyera sa ganap na pagkalupig ng Amerika.
Iyon ang tanging katiyakan na hindi na muling mauulit ang pananalakay ng Amerika sa Iran, malalansag ang mga base militar ng Amerika sa Gitnang Silangan, at magbabayad ang Amerika ng reparasyon sa Iran ng halagang $500 bilyon.
Pinakahuling pangyayari, nagpahayag si Trump ng “malakas” na indikasyon para sa negosasyon sa giyera.
Wala tayong marinig tungkol sa bagay na ito mula sa panig ng Iran.
Ibig sabihin nananatili ang tatlong kondisyon na ipinahayag ni Mojtaba Khamenei.
Ibig sabihin, walang ibang pupuntahan ang digmaan kundi sa ganap na pagkawasak ng Amerika.
Isang tanong na lamang ang hindi nasasagot: Papaano na ang ipinagyayabang ni Trump na kapasidad nyukleyar ng Amerika?
Kaya ba itong sawatain ng Iran?
Dito, malinaw ang kumpiyansang ipinakita ni Iran Foreign Minister Araghchi, mga matang kumikinang ng ganap na kahandaan, ngiting nagbabadya na ng pananagumpay, at maikli ngunit napakamakahulugang mensahe ng pananagumpay ngayon pa man: “ang kapasidad nukleyar ng Iran ay nananatili sa guho” ng naunang mga pag-atake ng Amerika.
Sa usapan na giyerang nukleyar, hindi nabawasan ang kakayahan ng Iran.
Nasa Amerika na lamang ang pagpapasya kung kailan niya uulitin ang Hiroshima at Nagasaki.
Mangyari pa, mulat ang Iran sa bagay na ito.
Hindi siya magpapasyang idikta ang magiging wakas kung wala siyang kakayahan na gawin ito ayon sa kanyang kapakinanangan.
Di kayang magwagi ng Amerika sa Iran
ULTIMONG BIGWAS
- Advertisement -
- Advertisement -

